^

PSN Showbiz

Female personality, namamanhid ang katawan ‘pag naaalala ang ginawa ng itinuturing na kapatid

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Mapagpatawad ang isang popular na female personality. Marami nang gumawa ng hindi maganda sa kanya pero agaran din niyang napatawad ang mga nagtaksil sa kanyang pagtitiwala.

Kahit sa pakikipagrelasyon ay maganda ang kartada ng babaeng personalidad, nagkasira man sila ay hindi siya nagsasalita nang talikuran, katwiran ng female persona­lity ay hindi rin naman siya perpekto.

Meron siyang taimtim na ipinagdarasal ngayon. Gusto na niyang mawala sa kanyang isip ang mga ginawa sa kanya ng isang itinuring niyang kapatid pero kung bakit napakatagal mawala ‘yun sa kanyang puso.

Kuwento ng aming source, “Tapos na siya sa hurt, pati sa grieving, nakabawi na siya. Nakapag-move-on na siya kung tutuusin. Ipinagluksa niya talaga ang nangyari sa kanilang pagkakaibigan.

“Ipinagdarasal niyang matapos na ‘yun, na makapamuhay na siya nang hindi na niya naaalala pa ang ginawa ng girl sa kanya, pero hindi pa siguro ito ang panahon,” unang chika ng aming source na malapit sa pamosong female personality.

May isang bahagi ng nakaraan na kapag naiisip at naaalala ng female personality ay nagbabago ang timpla ng kanyang katawan. Para siyang nasusuka na ewan.

Balik-kuwento ng aming impormante, “Alam n’yo ba na kapag naiisip niya at binabalikan ang eksenang nangyari nu’n, e, bigla siyang nanglalamig?

“Parang nananakit ang ulo niya na parang namamanhid ang buong katawan niya! Hindi niya malaman ang gagawin niya. Tatapat ba siya sa shower para makapagbabad siya sa hot water? Iyak siya nang iyak dahil pakiramdam niya kasi nu’ng mangyari ‘yun, e, pinagkaisahan siya!

“Buti na lang at may puhunan siyang talent, buti na lang at marami pa ring mga nagtitiwala sa kanya. Nakabangon siya, nakabawi, nakabalik sa pinaghirapan niyang career,” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Patuloy pa rin niyang ipagdarasal na mawala na sa kanyang sistema ang napakatinding karanasang ipinatikim sa kanya ng female personality. Alam niyang malapit na ‘yun, konting sakripisyo pa at makakalimutan niya na rin ang naganap, konting-konti pa.

Sabi uli ng aming source, “Nasaktan siya, iniyakan niya nang mahabang panahon ang ginawa ng itinuring niyang kapatid, pero kung ang ngayon ang pagbabasihan ngayon, e, sobra-sobra pa ngang ngitngit ng kapalaran ang bumalandra sa babaeng nanakit sa kanya,” konklusyon ng aming source.

Ubos!

Mag-amang Albee at Javi, handa na sa kandidatura sa 2022

Isang anak-anakan naming naninirahan sa Bacolod ang nagtawid sa amin ng magandang balita na kakandidatong mayor sa kanilang siyudad sa darating na halalan si dating Congressman Albee Benitez.

Si Javi raw naman, ang nag-aartista niyang anak, ay tatakbo ring mayor sa Victorias na mismong bayan nila.

Kailangan pa ba namang i-memorize kung ano ang magaganap sa kanilang kandidatura? Mahal na mahal ng mga Ilonggo ang pamilya ni dating Congressman Albee.

Reaksiyon ng aming anak-anakan, “Oo naman! Kahit walang bagyo at baha, landslide ang tagumpay nilang mag-ama!”

Yaya kabog na kabog na ang mga pulis

May nagpadala sa amin ng kopya ng rating ng mga programa sa telebisyon ng lahat ng istasyon. Siguradong nagbubunyi ngayon ang buong cast, production staff at lahat ng sangkot sa seryeng First Yaya.

Nakopo nila ang numero unong puwesto, nakapagtala sila nang pinakamataas na rating sa pangkalahatan ng mga shows, sinusubaybayan talaga ng ating mga kababayan ang seryeng pinagbibidahan nina Sanya Lopez at Gabby Concepcion.

Kinabog nang husto ng serye ang walang kamatayang Ang Probinsyano ni Coco Martin na balitang dalawang cycles na lang ang kukumpletuhin at magpapaalam na sa himpapawid.

Oo nga’t talung-talo ang serye ni Coco sa First Yaya ay matagal na panahon naman itong nagtagumpay, wala na ring kailangan pang patunayan ang serye, talagang dumarating lang ang panahon ng pagpapalit ng panlasa ng manonood.

Sa apat na taong pamamayagpag ng Ang Probinsyano na lahat ng programang tumatapat sa kanila ay nagsu-suicide ay sobra pa sa sapat ‘yun na puwedeng panghawakan ng serye.

Sadya lang na naghahanap ng bago ang mga kababayan natin, pumapasok ang panahon ng pagkaumay, lalo na’t parang hindi na kapani-paniwala ang mga eksena ni Coco na isang batalyon nang armado ang kalaban ay buhay pa rin.

Masusugatan lang siya nang konti, magsasaklay nang ilang araw, pagkatapos ay tutugisin niya na naman ang sangkatutak na kalaban nang mag-isa lang.

Bagong putaheng nakahain sa mesa ang First Yaya ng GMA 7 sa usapin ng pag-ibig ay hindi imposibleng mahalin ng isang presidente ang yaya ng kanyang mga anak, mas makatotohanan ang ikot ng kanyang kuwento.

Ang isang prinsipe nga ay kumawala sa hawla ng kaharian sa pagmamahal at pagtatanggol sa kanyang minamahal, pangulo pa ba ang hindi makapagmamahal ng yaya, imposible ba ‘yun?

 

vuukle comment

SHOWBIZ

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with