_ngayon
^

Sikat na pamilya at producer na dating sanggang dikit, nasira ang pagkakaibigan dahil sa utang na pera

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - April 7, 2021 - 12:00am

Maraming nang-uusisa kung ano ang naganap sa dating napakagandang relasyon ng isang sikat na pamilya at sa kanilang kaibigang prodyuser?

Sanggang-dikit sila dati, palagi silang magkakasama sa mga biyahe sa iba-ibang bansa, bakit parang wala nang nababalitaan ngayon tungkol sa kanila?

Ano ang dahilan ng pananahimik ng magkabilang kampo, ano rin ang dahilan ng pagkawasak ng dating napakaayos nilang relasyon, pera ba?

“Pera nga!” napakabilis na reaksiyon ng isang impormanteng may malalim na alam sa pagkasira ng relasyon ng pamilya at ng kanilang kaibigan.

Malaking halaga diumano ang sangkot sa kuwento, matindi ang hindi nila pagkakaunawaan, lalo na ng misis ng sikat na male personality,

Pag-alala ng aming source, “Milyon ang halagang pinag-awayan nila. Sinisingil na ng wife ng sikat na male personality ang prodoo, pero puro pangako lang ang isinasagot sa kanya.

“One day, sa sobrang inis na ng wife ng male personality, e, nagpunta na siya sa bahay ng kaibigan nila. May mga kasama siyang bodyguards.

“Nagsabi ang friend nila na may pupuntahan lang, pero hindi pumayag ang misis ng male personality, hindi siya makalabas sa sarili niyang bahay.

“Ganu’n katindi ang nangyari, OPM kasi ang kaibigan nila, kaya napuno na ang wife ng male personality!” dagdag na impormasyon pa ng aming source.

May napala ba naman ang misis ng sikat na male personality sa pamamalagi sa bahay ng kaibigan nilang prodoo? May saysay ba ang ginawa niyang pagbabantay sa bahay ng nangutang sa kanila?

Mabilis uli ang sagot ng aming impormante, “Meron! Nu’ng puro pangako pa rin ang friend nila, ang ginawa ng wife, e, kumuha na lang ng dokumento ng isang property ng kaibigan nila.

“Bukod pala sa mga bodyguards, e, may kasama ring lawyer ang girl, kaya nu’n mismong oras na ‘yun, e, nagkapirmahan ng pangalan ng property.

“Nailipat ang ari-arian sa girl, hindi rin siya umalis sa bahay ng prodoo hanggang hindi naipapanotaryo ang kanilang kasunduan.

“Nu’ng na-check na nila ang property na hindi naman pala nakasangla, nu’ng maipanotaryo na, e, saka lang umalis ang team ng girl.

“Mula nu’n, hindi na sila nag-usap pa uli, tapos na ang pambubulabog ng girl sa paniningil sa kaibigan ng kanilang pamilya, pak na pak ang naisipan niyang action para matapos na ang problema,” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Mga namatayan sa COVID-19, sa jar na lang nakakapagluksa!

Hindi masusukat ang ambag na kalungkutan ng COVID-19 sa buong mundo. Matindi ang epekto sa ating buhay ng pandemya. Tanggap natin ang pagkawala ng mga mahal natin sa buhay pero mahirap tanggapin ang kanilang pagkawala nang hindi man lang natin sila nakikita.

Umalis silang buung-buo pero uuwi sila nang nakalagay na sa jar, abo na lang ang ating mayayakap, bawal silang dalawin habang nakaratay sa ospital at hindi rin sila maaaring paglamayan.

Doble-doble ang sakit. Nawalan na tayo ng mahal sa buhay ay hindi pa natin sila maaaring bigyan ng disenteng pamamaalam.

Humahagulgol sa kabilang linya ang isang kaibigan naming apat na dekada nang naninirahan sa Amerika. Kinuha niya ang kanilang mga magulang. Palipat-lipat ang mga ito sa bahay nilang magkakapatid.

Unang nanghina ang kanyang ama, isinugod agad ito sa ospital, pero tatlong araw lang pagkatapos ay bumagsak na rin ang katawan ng kanilang ina. Parehong COVID-19 positive ang mag-asawa.

Walang magawa ang magkakapatid, kailangan din nilang magpa-quarantine, sa contact tracing ay hagip silang lahat. Para silang binagsakan ng langit at lupa nang makarating sa kanila ang impormasyong wala na ang kanilang mga magulang.

Cremation agad ang kasunod. Ni hindi man lang sila nakapagpaalam sa mga taong nagbuwis ng buhay para sa kanilang magkakapatid.

Dalawang urn ang iniuwi nila. Halos mabasag ang mga jar sa tindi ng kanilang yakap habang humahagulgol. Napakasakit, sabi ng aming kaibigan, pero wala silang nagawa para sa kanilang mga magulang.

Haaaayyyy….

Erap, kailangan ng dasal

Patuloy ang pagganda ng kundisyon ni dating Pangulong Joseph Estrada. Tinanggal na ang mga aparatong tumutulong sa kanyang paghinga pero kinailangan siyang dalhin sa ICU para mas mabantayan nang husto ang kanyang sitwasyon.

Pakiusap lang sa mga taong ginagawang biro ang pagkakasakit ng ating kapwa. Milyon-milyon ang nagkakasakit ngayon na matinding panalangin ang inuusal para sa posibleng pagdudugtong pa sa kanilang buhay.

Tigilan na sana ng mga walang magawa sa buhay ang pagpapakalat ng balitang patay na ang isang maysakit na umaamot pa ng isang pagkakataong pahiramin ng panibagong buhay ng Diyos.

Huwag gawing biro ang COVID-19. Hindi natin nakikita ang ating kalaban. Huwag naman sana pero paano kapag ang mga tao namang walang kunsensiya ang mabiktima?

(Makapananghali kahapon ay tumawag sa amin si Col. Jude Estrada. Ang mabagal niyang pagsagot ay ikinakaba namin agad. “Sabi ni Jinggoy, naka-ventilator na si daddy, hirap nang huminga dahil sa pneumonia.  Hindi raw maayos ang kundisyon.”

Harinawang malampasan ng dating pangulo ang paghamong ito. Maraming nagdarasal para sa kanya.

OPM
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with