Maris at Sue, naging TH sa pagpatol sa niretokeng nude photo

Maris at Sue

Kung hindi na lang pinansin nina Maris Racal at Sue Ramirez ang sinasabing kumalat na nude pictures nilang dalawa, tutal naman ay fake iyon, pala­gay namin mas naging ok pa. Kasi wala namang nakakapansin sa pictures na iyon. Siguro kumalat nga sa social media, pero iyan namang social media kumakalat lamang doon sa circle noong gumawa. Dahil sa pumalag pa sila, marami pa tuloy ang naghanap para tingnan kung iyon nga ba ay “fake” kagaya ng sinasabi nila o totoo.

May nagpakita sa amin ng pictures at alam naming fake nga.

Sanay kami sa photog­raphy. Hindi naman masasabing professional photographer kami dahil hindi namin naging trabaho iyon. Pero siguro nga bilang hobbyist ay malaki ang karanasan namin sa photography at maging sa trabaho sa photo laboratory. Noon kasi, kami rin ang nagde-develop at nagpi-print ng mga kuha naming picture.

Aware rin kami kung papaano nagagawan ng kalokohang ganyan ang pictures. Noon nga mas mahirap pa, dahil ang ginagamit noon ay “retouching fluid” at tinulisang lapis lamang. Pero ganoon man ang gamit, may mga manloloko pa ring nakakagawa ng ganyan.

Matatawa kayo pero totoo na noong araw ay may kuma­lat na nude pictures maski si Ate Vi (Vilma Santos), pero kung sanay ka at sisilipin mo sa magnifying glass, makikita mo ang guhit ng lapis. Tapos iyong ire-reproduce para mas lumabo nang kaunti at palabasing totoo.

Ngayon, mas madali ang photo manipulation, dahil mas mabilis iyang nagagawa gamit ang photo editing programs sa computer. At hindi lang babae ang hinuhubaran. Marami ring lumabas na mga artistang lalaki na hinuhubaran nila sa pictures, hindi lang dito sa atin kundi maging sa abroad.

Kaya ang kaso niyang Maris Racal at Sue Ramirez, masasabi nating pangkaraniwan na iyan.

Hindi mo rin naman masisisi iyong mga naging interesado, kasi may luma­labas namang totoo talaga, lalo na nga ang sex videos. Pero maski nga sex videos huwag mo lang pansinin, hindi na rin pinapansin ng mga tao ngayon.

Sampu isang pera na lang ang mga ganyan ngayon, at manggalaiti ka man, kakalat at kakalat iyan sa internet, at magsumbong ka man, iimbestigahan lang iyan pero wala rin naman yatang nahuhuli. May isa bang sira ang ulong gumawa ng ganyan na nakulong na?

Pinagsamantalahan...

May narinig kaming isa pang version ng kuwento kung bakit tila wala raw nakitang “light at the end of the tunnel” ang may-ari ng Brightlight Productions kaya itinigil na lang nila ang kanilang Sunday shows at hinayaan na lang na ang ABS-CBN ang gumamit ng kanilang natitira pang panahon sa blocktime agreement nila sa TV5.

Siguro hindi masakit iyong wala silang ratings at hindi pa pumapasok ang mga commercial sa kanilang show. Talaga namang ganoon. Hindi rin naman pala nila sinisisi ang mas mahinang signal ng TV5 dahil alam naman nila sa simula pa lang na 60 kilowatts lamang ang power noon.

Ang naging masama ang dating ay natuklasan nilang mas mataas pala ang ibinabayad nila sa kanilang mga artista, at maging sa staff ng show kaysa sa ibinabayad sa mga iyon ng ABS-CBN. Iyong iniisip nila noong una, tulungan ang nawalan ng trabaho sa ABS-CBN, iyon pala sinisingil sila nang mas malaki pa.

Iyong show naman pala ay line produced, kaya hindi nila nalaman iyan noong simula pa lamang. Kaya nga ang paliwanag nila, kailangang gumawa ng business decision, at iyon ay itigil na ang show.

Parang ang nangyari hindi lang sila nalugi, nagkaroon pa sila ng feeling na napagsamantalahan sila ng mga nawalan ng trabaho na gusto lang sana nilang tulungan.

Male star na balak bigyan ng malinis na imahe, biglang naglabasan ang sex videos

Nagulat ang mga executive ng isang network dahil kung kailan sila desidido na bigyan ng break ang isang male star na lumipat sa kanila, at saka naman lumalabas ang madilim na nakaraan noon. Alam naman nila noon pa na may lumabas nga iyong sex video sa internet, at hindi lang isa kundi dalawa pa.

Pero nabigla sila nang maglabasan pa ang picture noon na kasali sa isang contest sa isang pipitsuging gay bar noong araw sa San Juan. Kasabay noon, naglalabasan ang kuwento tungkol sa kanyang madilim na nakaraan, at pati mga kuwento ng mga pipitsuging bading.

Hindi naman kasi talagang mayamang pamilya ang pinagmulan ng male star at siguro nga nagawa niya iyon dahil sa hirap ng buhay. Pero talagang nakakasira na ngayon pa naglalabasan kung kailan plano ng network na bigyan siya ng isang malinis na image.

Show comments