Lalaking personalidad na hindi patas ang trato sa mga artista noon, kinakarma raw

Tikom lang ang bibig ng mga personalidad na sangkot sa kuwento pero meron silang nararamdaman. Nakasarado lang ang kanilang utak sa ideyang magsalita laban sa isang kontrobersiyal na male personality ngayon dahil meron pa rin silang pinagsamahan.

Pero may malalakas ang loob na nagpaparamdam, karma raw ang dumating sa buhay ng naturang lalaking personalidad, dahil hindi rin siya naging parehas nu’ng kaitaasan ng kanyang posisyon sa network.

Kuwento ng isang source, “Napakasakit talaga ng nangyari sa kanya, hindi niya kinayang tanggapin ‘yun, dahil unang dagok sa matinding career niya ang nangyari.

“Pero habang nagsasalita siya tungkol sa nangyari, e, may mga personalities ding nagsasabi na karma niya ‘yun dahil nu’ng siya pa ang namamahala sa career ng maraming artista ng station nila, e, hindi siya naging fair sa lahat,” unang kuwento ng aming impormante tungkol sa lalaking perso­nalidad.

Kontrobersiyal ngayon ang male personality, ang dating hindi masalitang boss ay kaliwa’t kanan ang pagsasalita ngayon dahil sa nangyari sa kanyang binuong proyekto, ikinagulantang ‘yun ng mga dati niyang kasamahan sa network.

Balik-chika ng aming source, “Nakakagulat lang dahil outspoken siyang bigla ngayon sa pagtatanggol sa nangyari sa kanya. Dati kasi, e, hindi mo siya basta-basta malalapitan. Man of few words siya!

“Ano kaya ang naiisip ngayon ng isang popular male personality na nagkaroon ng hindi kagandahang karanasan sa controversial personality? Ilang taon din kasing pinersonal siya nu’n!

“Kapag oncam na ang mga artista ng network sa isang musial variety show, e, nilalampasan siya ng mga camera. Kinukunan ng close-up ang lahat ng mga artista, pero pagdating sa kanya, e, lumulundag ang shot!

“Nilalampasan siya! Kasi nga, e, nagalit sa kanya ang controversial personality dahil nagkaroon ng relasyon ang sikat na male personality at ang isang kadugo niya!

“Ganu’n katindi ang naranasan ng sikat na male persona­lity. Inirereklamo rin ng ibang parents ang hindi parehas na pagtrato ng male personality sa mga artista nila!

“Hindi sila hinaharap ng controversial male personality, mga staff lang ang kumakausap sa mga magulang ng artista, piling-pili lang ang mga personalities na binibigyan niya ng attention!

“Kaya ang feeling nila ngayon, e, na-karma lang si sir, napakasakit nga naman ng nangyari sa kanya. Ang galing-galing niya, super-galing niya, pero tinigok lang ang project niya!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Vice Ganda, kinain ang mga pintas sa TV5

Tinatawag na kabayo ng publiko si Vice Ganda. Tanggap naman ‘yun ng sikat na komedyante, hindi niya ikinagagalit ‘yun, dahil ‘yun na ang ikinambal na tatak sa kanya.

Pero binago ng social media ang bansag sa komedyante, bina-bash siya nang todo ngayon, hindi na kabayo ang tawag sa kanya ng mga ­bashers niya kundi pusa na.

Lahing-pusa na raw ngayon si Vice Ganda dahil kinakain niya uli ang mga isinuka niya. Nag-ugat ‘yun sa paglabas niya sa ASAP Natin ‘To na nagsimula nang mapanood sa TV5 nu’ng nakaraang Linggo nang tanghali.

Masayang-masaya si Vice, kitang-kita sa kanyang mga galaw ang kasiyahan niya dahil bukod sa pagiging Kapamilya ay Kapatid na rin daw sila ngayon, ipinagbubunyi ‘yun ng komedyante.

‘Yun ang ibinutas sa kanya hindi lang ng mga bashers kundi pati na ng ating mga kababayan. Kung magsalita raw kasi si Vice ay para bang wala siyang ginawang panglalait at pangmemenos sa TV5.

Sa kanyang bibig kasi lumabas ang komentong inferior channel lang ang TV5. Siya rin ang nagsabing wala namang nanonood sa Kapatid network nu’ng gabing panauhin niya sa GGV si Alex Gonzaga.

Ang daming isinampal pabalik kay Vice Ganda ang mga netizens. Napakabilis daw niyang bumaligtad. Ang istasyong minamaliit niya nu’n ay dakilang-dakila na ngayon para sa kanya dahil ipina­lalabas na sa TV5 ang kanilang mga programa.

Sa panahon ngayon na napaka­rami nang paraan para muling balikan ang mga sinasabi ng mga personalidad ay walang kalusut-lusot si Vice.

Nasa YouTube ‘yun, puwedeng panoorin uli, at ‘yun ang mga senar­yong itinalampak sa pagmumukha ng komedyante na tinatawag na pusa ngayon ng ating mga kababayan.

Sabi pa ng isang nagkomento, “Walang paninindigan ang komed­yanteng ‘yun, pera-pera lang ang importante sa kanya. Isinusuka niya nu’n ang TV5, minamaliit niya, pero ngayon, pinupuri-puri na niya!

“Pusa na siya ngayon, hindi na siya kabayo, dahil kinakain niya uli ang isinuka na niya!” matinding komento laban kay Vice Ganda.

Show comments