^
Palasyo pinaringgan bira ni Vice Ganda sa COVID-19 vaccine deal
Talumpati ni presidential spokesperson Harry Roque (kaliwa), ika-18 ng Enero, 2021 at komedyanteng si Vice Ganda (kanan)
Screengrab mula sa Facebook account ng RTVM; Mula sa Instagram account ni Vice Ganda

Palasyo pinaringgan bira ni Vice Ganda sa COVID-19 vaccine deal

James Relativo (Philstar.com) - January 18, 2021 - 2:32pm

MANILA, Philippines — Habang nababalot sa kontrobersiya ang kaligtasan, presyo at pagkukunan ng Pilipinas ng mga bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19), pagpapasaring sa artistang kritikal sa vaccine deals ng gobyerno ang ginawa ng Malacañang ngayong hapon.

Ilang araw pa lang ang nakalipas nang banatan ni Vice Ganda ang pahayag ng gobyernong "huwag maging pihikan" sa vaccine brand matapos sabihin ng Palasyong ang Chinese manufacturer na Sinovac lang ang makukunan ng bakuna hanggang Hunyo 2021.

Basahin: 'Sa sabon nga choosy tayo': Vice Ganda binanatan gustong COVID-19 vaccine ng Malacañang

"Dahil sa limitadong suplay ng mga bakuna, hindi tayo makakapili ng isa o dalawang brand," ani presidential spokesperson Harry Roque, Lunes.

"Alam niyo po, mali namang ikukumpara ang bakuna sa sabon na panlaba. Ang katunayan po, wala naman pong suplay na ganoon karami."

Sinasabi niya 'yan kahit nabanggit din ni Roque noong nakaraang linggo na darating din sa Pebrero ang ilang bakuna galing sa Pfizer — ang unang brand na nagawaran ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA).

Ang Sinovac, bagama't kaa-apply pa lang ng EUA, ay una nang sinabi ni Roque at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na "hindi lalagpas ng P700" ang kada dose. Ito ay matapos lumabas ang balitang ito ang "ikalawang pinakamahal" sa mga COVID-19 vaccines na nais bilhin ng gobyerno, ayon sa unang ulat ni Sen. Sonny Angara at Department of Health (DOH).

Sa kabila niyan, ayaw pa ring ibunyag ng gobyerno ang eksaktong presyo ng bakuna sa ngayon dahil na rin sa confidentiality agreement. Ang malinaw lang daw sa ngayon, "ikatlong pinakamahal" lang daw ito.

May kinalaman: Mahal? Chinese COVID-19 vaccine '3rd most expensive lang' — Malacañang

"Mali po yung sinasabi na $36, mali po ‘yun. Very erroneous po yung information po na ‘yan," sabini Galvez sa panayam ng ANC.

"Sinabi nga namin kay Sec. Roque na hindi tataas ng P700."

Kaligtasan ng Sinovac, Pfizer vaccines

Bagama't 91.25% ang lumalabas na "efficacy rate" ng Sinovac sa pag-aaral ng Turkey at Indonesia, nabahala ang marami sa 50.4% efficacy nito na lumabas sa pag-aaral ng Brazil — dahilan para magduda ang marami kung ligtas at epektibo ito. Gayunpaman, pasok pa rin 'yan sa standards na inilatag ng World Health Organizations (WHO) sa mga "useful" vaccines.

Marami tuloy sa ngayon, katulad na lang ng komedyanteng si Vice Ganda, na nais mamili kung anong gamot ang dapat maiturok sa publiko laban sa COVID-19

"Nag-aagawan nga po tayo sa 18% na available na suplay. Pangalawa, hindi naman po ito gagamitin para sa damit. [H]indi lang isa, hindi lang dalawa, kung hindi tatlong grupo pa ng eksperto ang magsusuri kung ang mga bakuna ay ligtas at epektibo," patuloy na banat ni Roque kay Vice.

"Eh kung hindi naman natin pagtitiwalaan ang mga experts... eh sino ang ating pagtitiwalaan? Siguro po, hindi mga komedyante."

Kahit una nang sinabi nina Roque at Pangulong Rodrigo Duterte na Chinese vaccines ang prefer nilang ipaturok sa sarili oras na dumating ang mga bakuna, muli nilang idiniin na walang bias ang gobyerno sa mga brands.

Ito'y lalo na't kinakausap pa raw ni Galvez ang iba't ibang gumagawa ng gamot para makamit ang target na 148 milyong doses nito.

Tinataya ng gobyerno makakukuha ng 50-70 milyong doses ng vaccines ngayong 2021, habang 25 milyon dito ay ilalaan sa mga priority sectors gaya ng healthcare workers, senior citizens, uniformed personnel atbp.

Nangyayari ang lahat ng ito kasabay din ng pagkamatay ng 29 katao sa Norway matapos maturukan ng Pfizer vaccine. Sa kabila niyan, sinabi ng DOH na inaaral pa rin kung ang mismong bakuna ang naging sanhi ng mga pagkamatay.

"These might just be coincidental because the patients are severely ill at baka khit na 'yung minor na reactions lang sa bakuna ay nakaapekto na sa kanila, that's why it lead to their death," pagbabahagi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kanina.

"Ang sabi naman ng ating [FDA], with these kind of occuerences, pinag-aaralan 'yan."

Umabot na sa 500,577 ang namamatay sa COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa mga ulat ng pamahalaan nitong Linggo. Sa bilang na 'yan, 9,895 na ang patay. — may mga ulat mula sa News5

CARLITO GALVEZ COVID-19 VACCINE DEPARTMENT OF HEALTH HARRY ROQUE NOVEL CORONAVIRUS VICE GANDA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with