^

Female personality, itinira ang pamilya sa bahay na ipinagawa ng ex

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 16, 2021 - 12:00am

Throwback na ang kuwento pero hanggang ngayon ay napagpipistahan pa rin sa mga umpukang-showbiz. Tungkol ito sa nakaraang relasyon ng dalawang personalidad ng telebisyon.

Ang istoryang ito ang magpapatunay na maganda ang puso ng male personality. Hindi niya kinukuwenta kung anu-ano ang naibibigay niya sa karelasyon niya dahil mula naman ‘yun sa puso.

Kuwento ng aming source, “Alam n’yo na ang kuwento, di ba? Matagal silang naging magkarelasyon pero hindi sila nagkatuluyan. Hindi nakapaghintay sa tamang panahon ang girl para siya pakasalan ng male TV host.

“Siya ang naunang mag-asawa, ilang taon pa muna ang lumipas bago nag-asawa ang male personality,” unang kuwento ng aming impormante.

Habang magkarelasyon sila ay nagpatayo ng bahay ang male personality. Obyus namang siya ang gumastos sa pagpapagawa ng bahay dahil bulsa niya naman ang punumpuno at umaawas pa nga kung tutuusin.

Patuloy ng aming source, “Nag-live-in sila, matagal na panahon din ‘yun, hanggang sa nag-asawa na nga ang girl. Ang nakakaloka, e, du’n din sa house na ipinagawa ng male personality tumira ang female TV host at ang napangasawa niya!

“Ang inaasahan kasi ng mga nakakaalam sa kuwento, e, magdedesisyon ang girl na ibenta na lang ang bahay, maghahati sila ng male personality, kahit pa ang lalaki lang naman ang gumastos sa pagpapagawa nu’n!

“Walang kahit anong sinabi ang male personality, ang mga tao lang sa paligid nila ang nagsasalita, ganu’n kaganda ang puso ng male TV host, sa totoo lang!

“Todo-pasa lang siya sa nangyari, parang wala lang, bakit pa nga naman niya babawiin ang bahay na ‘yun, e, napakarami namang grasyang dumara­ting sa kanya at sa totoo lang, very stable na siya!” impormasyon pa ng aming impormante.

Mapagbiro ang kapalaran. Ang pinakasalan ng male personality ay kasamahan din nila sa show, napakaganda ng kanilang pagsasama, pareho kasi silang hindi makuwenta sa buhay.

Huling komento ng aming source, “Napakaganda ng puso ng male TV host, sobrang ganda, kaya napakasuwerte sa kanya ng female personality na pinakasalan niya! Kasalu-saludo si ____(terminong itinatawag ng publiko sa male TV host)!”

Ubos!

Raffy Tulfo, apat na ang programa

Ngayong alas nuwebe nang gabi na mapapanood ang unang sultada ng Wanted: Ang Serye, ang bagong programa ng napapanahong news anchor na si Raffy Tulfo sa TV5.

Wala na talagang masasabing panahon para sa kanyang sarili ang matapang na news anchor, apat na programa na ang hino-host niya, pero kahanga-hanga ang kanyang disiplina at professionalism.

Ang kanyang pahayag, “Mahal na mahal ko ang trabaho ko, hindi ko naman tatanggapin ang anumang offer kung hindi ko kayang panindigan. Saka minsan-minsan lang mangyayari ang magagandang opportunities sa buhay natin.”

Ang lalamanin ng mga kuwentong ipalalabas sa Wanted: Ang Serye ay ang mga reklamong idinudulog sa kanyang mga programa ng ating mga kababayan.

Meron na agad siyang puhunan, scriptwriter na lang ang kailangang magdetalye ng mga kuwento, karamihan sa mga problemang inilalapit kay Kuya Raffy ay kaliwaan.

“Kung minsan nga, e, sinasabi ko na sa staff ko na ibang istorya naman ang ibigay nila sa akin. Puro kasi kaliwaan ang kuwento, nagbabawian pa sila ng mga ari-arian,” natatawang komento ng matapang pero mapusong news anchor.

Nasusubaybayan namin ang programang Wanted Sa Radyo at ang Idol In Action. Naiisip lang namin, paano kaya ang ikot ng mundo ni Kuya Raffy sa araw-araw, kung ganu’n na puro problema ang kakambal niya?

Ang araw ng Linggo ay para lang sa kanyang pamilya, walang makapipilit sa kanyang magtrabaho, dahil para lang sa kanyang misis at mga anak at unang apo ang araw na ‘yun.

“Ang Sabado kasi, e, hindi ko pa rin buuang naibibigay sa family ko dahil meron pang mga meeting, meron pa akong inaasikasong para rin sa mga programa ko.

“Pero ang Sunday, akin na ‘yun, para sa family ko na ang bawat Linggo, ‘yun na lang kasi ang naibibigay ko sa kanila,” sabi ni Kuya Raffy.

Siya ang pinakasikat na Tulfo ngayon, milya-milya na ang layo ng kanyang karera sa mga kapatid niya, ngiti lang ang kanyang sagot sa ganu’ng pagpansin ng marami.

Ang palagi lang niyang sinasabi, “Masaya ako dahil marami tayong natutulungan. Maraming lumalapit sa akin na inutang lang ang kanilang pamasahe. Marunong akong kumilatis ng tao.

“Tinutulungan ko ang mga walang-wala talaga. Hustisya ang inilalapit nila, sa abot naman ng makakaya ko bilang broadcaster, natutugunan ko ang hinaing nila.

“Masaya ako sa pagtulong, ito na talaga ang calling ko, to God be the glory,” sinserong pahayag ni Raffy Tulfo.

SHOWBIZ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with