^

Aktor, ipinako sa krus sa kawalan ng utang na loob

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 8, 2021 - 12:00am

Pinangangalot ngayon ng napakapak­lang ampalaya at pinalulunok ng napakapait na apdo ang isang kilalang male personality na tinatatakan bilang walang utang na loob.

Hindi na bagets ang lalaking personalidad, nagkakaedad na siya, nakilala siya dahil sa isang seryeng pinagtatambalan nila ng isang pamosong aktres sa isang malaking istas­yon.

Kumabilang-bakod na ang male personality, wala namang masama du’n, pero hindi nagustuhan ng mas nakararami ang mga ibinigay niyang dahilan.

Kuwento ng ­aming source, “Naku, sobrang pamba-bash ang inaabot ngayon ng male persona­lity na ‘yun! Ipinapako siya sa krus! Napakadali nga naman kasi niyang magpalit ng kulay!

“Itinutulad siya ngayon sa isang female perso­nality na nu’ng lumipat ng station, e, sablay ang mga emote! Pareho silang inuupakan ngayon sa social media!” unang patikim na reaksiyon ng aming impormante.

Kundi dahil sa network na kanyang pinanggalingan ay hindi naman makikilala ang male personality. Napakalaki ng utang na loob na dapat niyang tanawin sa bakurang nagpakilala sa kanya sa publiko.

Patuloy ng aming source, “Ang kapal naman kasi ng face niya! Imagine, buong-ningning niyang sinabi na part na raw siya ngayon ng isang stable network!

“Wala namang masama kung gusto niyang iangat ang istasyong kinaroroonan niya ngayon, pero para ilaglag niya ang network na nag-agala sa kanya nang napakaraming taon, e, teka lang naman muna!

“Takleso rin ang lalaking ‘yun, kung anu-ano ang pinagsasasabi, kaya ayan tuloy, bash kung bash ang kinakain niya araw-araw!

“At pati ibang network, pinaringgan din niya, wala siyang interes sa mga blocktimer lang, stable network talaga ang gusto niya!

“Nakakaloka ang mga tao ngayon! Madali silang makalimot, matatakutin sila sa pandemya, kaya gustong siguraduhin ang future nila bilang artista!

“Naku, ha? Para hindi siya naba-bash, please be careful with your words! Umayos dapat siya, kailangan niyang tumanaw ng utang na loob sa pinanggalingan niya!

“Du’n siya nag-ugat, kung wala ang network na ‘yun, imposibleng makapasok siya sa stable network niya ngayon!” nakakunot-noong pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Coco at Julia, hinihintay kung gagawin ang style nina Markus at Janella

Dahil sa ipinakitang katapangan nina Markus Paterson at Janella Salvador sa paglalabas sa kanilang anak na si Jude Trevor ay naging mala­king tandang-pananong ngayon para sa ating mga kababayan kung kailan naman aamin sina Coco Martin at Julia Montes na meron na silang anak.

Natural na pang-uusisa lang ‘yun dahil ilang taon nang lumulutang ang kuwentong meron na silang anak pero hindi nga lang sila umaamin.

Ikinagagalit ni Coco ang ganu’ng paksa, nananahimik naman si Julia, nakakalimutan ni Coco na pareho silang pampublikong pigura ni Julia, publiko ang dahilan ng kanilang tagumpay, kaya hindi na nila dapat ikinayayamot ang pang-uusisa ng bayan tungkol sa personal nilang buhay.

Napakadali namang sagutin ng tanong. Oo o hindi lang naman ang kanilang pamimilian. Kung hindi naman talaga nanganak si Julia na si Coco ang ama ay bakit naman natin ‘yun ipagpipilitan?

Kung totoo namang meron na silang anak ay wala ring masama, ilang taon na silang magkarelasyon, kahit pa ‘yun mismo ay itinatago pa rin nila.

Hindi sila puwedeng makaiwas sa mga kuwentuhan ngayon, ang dami-dami kasing pumupuri kina Markus at Janella sa pagbabahagi ng mga detalye tungkol sa kanilang anak, kaya ang dulo ng istoryahan ng mga nagkukumpulan ay kung kailan naman aamin sina Coco at Julia.

‘Yan ang presyong kailangan nilang pagbayaran sa pagiging mga kilalang artista. Palaging may kompromiso sa buhay na ito. Pinasok nila ang pampublikong buhay, kaya sa ayaw at sa gusto nila, kakambal ‘yun ng kanilang trabaho.

Komento ng kaibigan naming propesor, “I love Markus and Janella, they just waited for the right time, pero hindi nila ipinagdamot ang anak nila sa publiko. Wonderful souls!”

At mabanggit lang namin. Kapangalan ng anak nina Markus at Janella ang panganay naming apo. Baligtad lang, Trevor Jude, kinuha ng anak na­ming doktor ang Trevor sa sikat na BMX player na si Trevor Mayer at ang Jude naman ay mula kay Col. Jude Estrada.

Kumukuha na ng kursong pagpipiloto ngayon ang aming apo.

AKTOR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with