_ngayon
^
Cong. Vilma, âdi naniniwala sa mga Feng Shui expert
Vilma Santos

Cong. Vilma, ‘di naniniwala sa mga Feng Shui expert

ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pilipino Star Ngayon) - January 5, 2021 - 12:00am

Dahil pumasok na naman nga ang isang bagong taon, umarangkada na naman ang mga Feng Shui expert daw, at nagpalabas na naman ng kung anu-anong hula. Siyempre idadamay nila sa kanilang hula ang mga artista at ang showbusiness para mapansin sila.

Sino ba kasi ang papansin sa kanila at bibili ng kamahal-mahal nilang mga anting-anting na wala namang bisa?

Minsan nga nasabi ng isang napaka-tactless na star dati, na bumili na raw siya ng lahat ng klaseng crystals at charms pero nahiwalay pa rin siya sa kanyang asawa at iba pang naging boyfriends pagkatapos noon.

May isang Feng Shui expert na nagsabing magiging napakaganda ng kapalaran ng lahat sa taong 2020, nagpalit naman ngayon ng tono at sinasabing mas hihirap ang buhay sa 2021. Isa sa hindi naniniwala sa ganyan ay si Congresswoman Vilma Santos.

“Walang malas at walang suwerte. Ikaw mismo ang gumagawa ng malas at suwer­te sa buhay mo. Kung tatamad-tamad ka at hindi ka nagsisikap, inuuna mo ang pagwawaldas kaysa sa paglalagay sa ayos sa kabuhayan mo malas ka nga. Ako mismo, at alam ninyo iyan, noong nag-produce ako ng pelikula, kumita ang pelikula pero mismanaged ang kumpanya, nalugi at nagkautang-utang ako. Tinulungan ako ni Manay Ichu Maceda, at saka ni Atty. Espiridion Laxa para hindi naman ako mademanda sa mga utang na naiwan sa akin.

“Pero ang ginawa ko trabaho talaga. Iyon iyong panahong gawa ako nang gawa ng pelikula. Salitan sa Viva at sa Regal, at iyong bayad sa akin diretso sa BIR at sa mga bangko. Tipid ako noon dahil ang nahahawakan ko lang pera ay iyong bayad sa akin sa TV show. Pero salamat sa Diyos at siyempre sa Vilmanians dahil kahit na sunud-sunod ang pelikula ko pinanonood nilang lahat nang paulit-ulit pa kaya kumikita nang malaki. Eh kung hindi kumita ang mga pelikulang iyon, gagawa pa ba ang Viva at Regal, papaano ako makakaahon sa utang?

“Sinasabi nila Vi, suwerte ka. Pero hindi suwerte iyon kasi pinagpaguran kong lahat iyon. Huwag kang umasa na may babagsak na lang mula sa langit. Kailangan magsikap ka.

“Iyan ang ginagawa namin sa Lipa. Binibigyan namin sila ng mga rolling stores para makapagsimula sila ng maliit na negosyo. Magsikap ka lang, ang maliit na negosyong iyan lalaki. Hindi mo maaasahan iyong puro ayuda na ibibigay na lang sa iyo eh. Ang suwerte pagsisikapan mo iyan, hindi iyan nakukuha sa naririnig lamang na mga hula,” ang natatawa pang sabi ni Ate Vi. Kung iisipin mo ay tama namang lahat.

Janine, biglang pinanghihinayangan

Naudlot daw iyong sana ay gagawing teleserye nina Janine Gutierrez at ng kanyang boyfriend na si Rayver Cruz dahil nagdesisyon ang aktres na lumipat na ng network. Pero kung iisipin mo, bakit gumawa ng desisyon na lumipat si Janine sa isang network na walang franchise at umaasa lamang sa internet?

Dahil siguro nga ay naisip niyang kahit na ganoon mas may chances siya roon kaysa sa kanyang network na hindi siya mabigyan ng tamang breaks.

Ngayon sasabihin nila sayang dahil kung hindi siya lumipat ay pagtatambalin sana sila ni Rayver, eh kailan pa ba lumipat sa kanila si Rayver? Hindi nila naisip noon na igawa ng project na kasama si Janine. Pilit nilang itina­tambal si Rayver kay Julie Ann San Jose. May nangyari naman ba?

Ang bagal nilang mag-isip eh, tapos kung kailan wala na at saka nila sa­sabihing sayang.

Aktor ginamit ang ama para makapanloko at magkapera

Masama ang ugali ng isang dating male star. Siguro nga talagang walang-wala siya ngayon dahil ang lahat naman ng negosyong ginawa niya sa probinsiya nila ay nalugi. Ngayon, umaarte naman siya na umuutang ng pera sa kanyang mga kakilala at ang idinadahilan ay dahil inatake daw ang tatay niya at nasa ospital.

May isang naawa at sana ay pauutangin na siya, pero nang mag-check sa ospital na sinabi niya, nalamang wala naman daw ganoong pasyente roon. Hindi raw sila makakatanggap ng pasyenteng inatake dahil sila ay isang maternity hospital lang. Hindi ba masama ang ugali niyan at ginagamit pa ang tatay niya at sinasabing inatake ganoong hindi naman pala.

Ang nakakatawa pa, talaga naman palang hindi sa kanila umuuwi ang tatay niya dahil naghiwalay na ang kanyang mga magulang ilang taon na rin ang nakararaan. Talagang sinangkalan lang niya ang tatay niya sa pagtatangkang makapanloko ng tao at magkaroon ng pera.

 

VILMA SANTOS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with