Male singer kailangang ipurga ang bibig!

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - December 5, 2020 - 12:00am

Kapag may nakikitang mikropono ang isang tropa ng mga kilalang male ­singers ay bigla silang nag-aapiran. Meron kasi silang naaalalang karanasan.

Lahat silang magkakaibigan ay dumaan sa iisang kapalaran. Ang maamoy ang ginamit na mikropono ng isa nilang dating kasamahan sa isang musical variety show.

Ang ipinagtataka nila ay malinis naman sa katawan ang male singer, walang amoy na hindi kagandahan ang kanilang kasamahan, pero bakit nagkaganu’n?

Kuwento ng aming impormante, “Nu’ng una, e, hindi pa sila sigurado. Pero nu’ng magkausap-usap na sila, e, iisa lang pala ang gusto nilang mangyari.

“Ang lagyan ng floor director ng palatandaan ang ginagamit na microphone ng male singer. Nahihilo sa amoy ang iba, nasusuka naman ang ibang kasunod sa paggamit ng mikropono!

“So, ang pakiusap nila, lagyan ng tape ang microphone pagkatapos gamitin ng male singer para makaiwas ang mga susunod pang kasama sa production number,” paglilinaw ng aming source.

Buung-buo naman ang mga ngipin ng male singer, walang problema sa kanyang mga gilagid, pero saan nga ba nanggagaling ang kakaibang amoy na inilalabas ng kanyang bibig?

Balik-kuwento ng aming source, “Nasa bituka na niya ang problema, meron siyang halitosis, pinupurga ng mga doktor ang ganu’n, di ba?

“Kumikita naman siya nang maayos, malaki ang talent fee niya sa mga concert, pero nagtataka ang mga kasamahan niya kung bakit hindi man lang siya nagpapakonsulta sa doktor?

“Nakakahiya ang ganu’n, pinalalagyan ng palatandaang tape ang ginamit mong microphone? Iniiwasan ‘yun ng mga co-singers niya?

“May nadiskubre pa ang isang source sa show. ‘Yun daw pala ang dahilan kung bakit palagi siyang nguya nang nguya na parang kambing!

“Siya man siguro, e, nababahuan na sa hininga niya, kaya para hindi niya maamoy, e, nguya na lang siya nang nguya ng bubble gum!

“Hanggang ngayon, e, pinagkukuwentuhan pa rin siya kahit hindi na sila magkakasama. Nasa ibang network na kasi ang male singer, pero buhay na buhay pa rin ang alaala niya sa iniwan niyang musical variety show!” napapai­ling na kuwento pa ng aming source sa kanyang pagtatapos.

Ubos!

Naduwag para sa anak

Sa isang iglap ay naduwag ang matapang na broadcaster na pala­ging nanghahambalos ng dos por dos sa mga tiwaling pulitiko. Nabahag ang kanyang buntot. Parang itinali ang kanyang dila.

Kausap namin si Anthony Taberna nu’ng Huwebes nang gabi, tumatawid sa amin ang kanyang kalungkutan, dahil ang panganay nilang anak ni Rossel na si Zoey ay dumadaan ngayon sa matinding proseso ng gamutan.

May leukemia si Zoey. December 2 nu’ng nakaraang taon nang magising ang kanyang anak na masakit na masakit ang binti hanggang hita. Agarang dumaan sa bone marrow test si Zoey at du’n nalaman ng mga doktor ang kanyang sakit.

“Hinding-hindi ko po makakalimutan ang araw na ‘yun nang malaman namin ang sakit ni Zoey. Para akong nakalutang, walang kalaban-laban, tanging panalangin lang ang nagawa namin ni Rossel.

“Akala ko nga, e, matapang na ako pero hindi pala. Mabuti na lang at malakas ang loob ni Rossel, umaamot ako ng tapang sa kanya.

“Mula nu’n, inalagaan na siya sa chemotherapy. Nalagas ang buhok niya. Nakakalbo na siya. Hanggang sa isang araw, nagpagupit na talaga siya.

“Mula nu’ng ma-diagnose ang sakit niya, hindi na siya lumalabas, bawal na, dahil mahina nga ang system niya. Ang inaalala niya, ang gra­duation niya sa elementary, hindi siya makadadalo dahil bawal nga sa kanya.

“Kitang-kita namin ang depression kay Zoey, umiiyak kami ni Rossel kapag nag-uusap kami, sabay kaming nananalangin palagi para sa kaligtasan ni Zoey.

“January nu’ng lungkot na lungkot siya dahil sa gra­duation. Hindi lang pala siya ang hindi makaka-attend, lahat sila, dahil March, nag-lockdown na dahil sa pandemya.

“Masakit na masakit para sa isang magulang ang nakikita niyang paghihirap ng anak niya. Punumpuno naman siya ng pagmamahal mula sa amin, mula kay Helga, ang bunso namin.

“Pero nakikita ko ang pinagdadaanang hirap ni Zoey lalo na pagkatapos ng kanyang chemotherapy. Matapang ang anak ko. Ipinost nga niya ang picture niya na kalbo na siya. Inaalagaan siya ng mga doktor, hindi na siya kinailangan pang dalhin sa Singapore dahil dito, kumpleto na rin sila sa St. Luke’s.

“Hindi pa siya malalayo sa akin, nakapahinga ang kalooban ko dahil nakikita ko siya, panatag ako. Maraming-maraming salamat sa mga nagdarasal para sa anak ko. Hindi namin ito kakayanin ni Rossel nang kami lang.

“Nananalig kaming gagaling si Zoey, umaayos na ang sitwasyon niya ngayon, nakare-recover na siya. Pero ang kalooban pa rin ng Ama ang sinasandigan namin ni Rossel. Ng aming mga pamilya.

“Makita ko lang na nakangiti ang anak ko, agad na akong nagdarasal ng pasasalamat, kinukumpleto na ng ngiti ni Zoey ang araw ko,” malungkot na kuwento ng matapang na broadcaster.

SINGER
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with