Babaeng personalidad, ginamit ang utak kesa puso
Palaging paksa ng mga kuwentuhan ang isang kilala na ring female personality na walang karelasyong artista. Ni hindi nga siya nauugnay sa kahit kaninong aktor.
Wala ba siyang hilig sa mga sikat at guwapo? Natatakot ba siyang makipagrelasyon sa kapwa niya artista dahil magulo ang ganu’ng klase ng relasyon?
Marami na siyang nakakatambal na male personalities na hinahabol ng mga kababaihan pero ang babaeng personalidad na ito ay parang wala lang pakialam, walang dating sa kanya ang mga sikat at guwapo, bakit nga ba?
Kuwento ng isang source na kilalang-kilala ang kartadang female personality, “Utak ang ginagamit niya, hindi basta puso lang. Ano nga naman ang mahihita niya sa mga guwapong personalidad?
“Baka nga siya pa ang malagasan, baka siya pa ang maisahan, di ba? So, para makasigurado siya sa future niya, e, mas ginusto niyang makipagrelasyon sa madadatung!
“E, ano nga naman ngayon kung magkalayo ang age nila? E, ano nga naman ngayon kung pamilyado na ang guy? E, ano nga naman ngayon kung kept woman siya?
“Ang mahalaga para sa kanya, e, may mga nabibili siyang properties sa probinsiya nila! May negosyo ang mga magulang niya, may mansion sila, ‘yun ang mas pinili ng girlie na ito!” unang sultada ng impormanteng kabisado ang atake ng female personality.
Bukod sa unang female personality ay meron pang isang babaeng personalidad na pinagpipistahan ang lovelife ngayon. Pinagdududahan ang napapabalitang karelasyon niya ngayon.
Ibang source naman ang nagkomento, “Parang walana mang naniniwala na sila talaga. Kasi, parang all for show lang naman ‘yun! Kapag maraming tao lang sila sweet, pero kapag sila-sila na lang, e, wala ka namang mararamdaman na nagmamahalan nga sila!
“Tapos, kung anuanong kuwento pa ang lumalabas tungkol du’n sa guy, hindi naman daw girl ang nakaka-attract sa kanya, kundi kabaro din niya!
“At sino ang sinasabing karelasyon ng girl? Juice colored! Madatung na madatung din ang sinasabing karelasyon niya, spoiled na spoiled siya, as in!
“Haaay, naku! May mga babae talagang unang ginagamit ang utak kesa sa puso. Kinabukasan ang mas mahalaga sa kanila, kesa sa kilig na pansamantala lang naman kung tutuusin!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Willie, nahati na ang mga kayamanan sa mga anak
Palaging masaya ngayon si Willie Revillame dahil halos kumpleto na ang kanyang kaligayahan. Ilang buwan nang nasa kanyang poder ang anak niyang si Juamee na anak niya kay Liz Almoro, nu’ng nakaraang Sabado naman ay sinundo nila si Marimonte sa Baguio, anak nila ng isang dating nakarelasyong si Sharon.
Palaging nasa kanyang bahay si Meryll na kanyang panganay, si Beckbeck Soriano naman na kapatid ng Diamond Star ang ina nito, isang anak niya na lang ang kulang para mapagsama-sama na ni Willie ang kanyang mga supling.
Isa lang ang ibig sabihin, maayos ang samahan at komunikasyon ng aktor-TV host sa mga nakaraan niyang karelasyon, kaya nasa kanyang pangangalaga ang kanilang mga anak.
“Ito ang tunay na happiness. Nandito ang mga anak ko, isa na lang ang hindi pa namin nakakasama. Paggising ko, nakikita ko sila, nakakakuwentuhan. Sobrang saya ko.
“Maayos ang communication namin ng mga Nanay nila, hindi rin naman kasi ako nagkukulang sa mga bata, kaya walang naging problema nu’ng kunin at hiramin ko sila.
“Sila ang dahilan ng lahat-lahat ng mga ginagawa ko ngayon, para sa kanila ang pagtatrabaho ko, ang mga sakripisyo ko, para sa kanila lahat ito,” masayang kuwentoni Willie.
Ngayon pa lang ay napaghandaan na ni Willie ang kinabukasan ng kanyang mga anak. Nakaayos na ang kanilang mamanahin, sigurado na ang kanilang buhay, nagpagawa na ng last will and testament si Willie.
“Hindi pagiging negative ang ganu’n, hindi natin alam kung ano ang mangyayari, kaya ngayon pa lang, meron na silang maaasahan para sa future nila.
“Hindi na para sa akin ang mga ginagawa ko, tapos na ako sa mga sarili kong pangarap, para na lang sa kanila ang mga pagsisikap ko,” sabi uli ni Willie.
Maligaya na si Willie sa pagtulong sa ating mga kababayan, tuwang-tuwa na siya kapag may mga kalahok sa kanyang Wowowin na nababago niya ang estado ng buhay, pero ang pinakamaligayang punto ng kanyang pagkatao ay ang makasama ang kanyang mga anak.
“Walang kasing saya, walang explanation ang ganitong happiness, basta!” sabi pa ni Willie Revillame.
- Latest