Pagkamatay ng Slapshock vocalist, may parinigan
Jamir
STAR/ File

Pagkamatay ng Slapshock vocalist, may parinigan

SHOWBIZ GANERN! - Gorgy Rula (Pilipino Star Ngayon) - December 2, 2020 - 12:00am

Dalawa ang nabiyuda sa entertainment industry noong nakaraang linggo pero magkakaiba ang pagdadalamhati nang pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay.

Hindi pa naman kasal si Jaya Garcia sa namayapang lead vocalist ng bandang Slapshock pero itinuturing na siyang maybahay ng kilalang rakista pagkatapos siyang iwan kasama ang tatlong anak. Ilang beses na ring nag-post si Jaya sa kanyang Facebook account, at sinasabi niyang gusto sana niyang ilahad ang lahat na nangyari kung bakit umabot sa pagpapatiwakal ni Jamir. Pero naisip niyang huwag na lang, dahil mas mabuting ang mga masasayang alaala na lang daw ang iisipin kay Jamir.

Sabi niya sa kanyang Facebook account noong nakaraang Biyernes, “Gusto ko sana talaga ipagtanggol si Jamir, at linawin ang lahat. Lalabas din naman ang katotohanan. Sinisira siya ng mga taong inggit, pero hanggang sa huling hininga kayo pa din ang pinoprotektahan niya. Nakatanaw ang Panginoon sa ating lahat. Alam ko makakamit niya din ang hustisya.”

Umiiyak na lang siya sa kanyang FB live at hindi niya masabi kung ano ang saloobin niya. Hindi siya nagbanggit ng pangalan pero sinabi pa niya sa kanyang FB live na alam naman daw ng mga taong ito kung sino ang tinutukoy niya.

Sabi niya, “Alam n’yo kung sino kayo. Mahala na mahal kayo ni Jamir pero ginawa niya ito sa kanya.  Nanahimik kami dahil ayaw namin yung ginagawa nyo…pero anong ginawa n’yo? Nag-enjoy kayo.”

Matindi na ang mga sumunod niyang pahayag na sinasabi niyang wala raw silang utang na loob.

Dito nag-react ang isang ka-miyembro ng bandang Slapshock na si Lee Nadela.

Bahagi ng mensahe niya sa asawa ni Jamir, “Huwag mo sanang gawing galit ang lungkot na nararamdaman nating lahat, at ipasa ang galit sa amin o maghanap ng sisisihin, dahil wala naman talagang nakakaalam ng tunay na dahilan kung bakit nagawa ni Jamir iyon.”

Hinamon pa ni Lee si Jaya na maglabas ng mga pruweba dahil sila raw ay meron at nakahanda raw silang ilatag ito lahat sa korte. Umabot na nga ito sa demandahan na ewan ko kung matutuldukan na ito sa pagpanaw ni Jamir.

Nakaburol ang mga labi ni Jamir sa St. Peter Commonwealth at nakatakda itong i-cremate ngayong araw.

Samantala, magpahinga na ang hiling ni Madel Regino kay April Boy Regino. Matagal ding dinala ni April Boy ang sakit niya at mabuti naalagaan naman siya ni Madelyn hanggang sa pagpanaw nito.

Kaya napaghandaan naman nilang pamilya lalo na si April Boy na lalong napalapit sa Diyos.

Direktor nanghawa ng COVID-19 sa shooting!

May pasabog na balita si Lakay Deo Macalma sa kanyang radio program sa DZRH kahapon ng umaga, tungkol sa pelikulang nag-shoot sa Bulacan kung saan nagkahawa-hawa raw doon ng COVID-19 pagkatapos na-positive sa COVID ang direktor nito.

May binanggit siyang project ito ng Viva Films at kinumusta pa niya si Boss Vic del Rosario, pero wala siyang binanggit kung anong pelikulang ito.

Mahirap lang banggitin ang buong detalye dahil wala pang pahayag ang taga-Viva rito at wala pa namang statement ang direktor kaugnay sa pagkakaroon niya ng COVID-19.

Sa aming pagtatanong-tanong, nalaman namin kung anong pelikula pero nilinaw ng ilang napagtanungan naming okay na raw at pagaling na raw ang direktor ng pelikulang ito. Hindi raw kasi alam ni direk na may COVID na pala siya dahil wala naman daw siyang naramdaman.

Normal lang daw sa kanya ang tumataas na blood pressure, pero nagkalagnat nga siya. At nang lumipat sila ng location, nagpa-exit swab at doon nalamang positibo na siya sa COVID-19.

Nalaman na ring pati ang assistant director ay positibo na rin sa naturang virus at may isa pang staff.

Ang unang balita ay mahigit 20 raw ang nagkahawa-hawa sa set, na itinanggi ng nasa production.

Dalawang araw na lang daw ay tapos na ang shooting kaya nang nai-report ito sa production, tinigil muna ang shooting. Itinuloy na lang nila nang may sumalong direktor para matapos na ito dahil available na ang mga artista sa mga naka-schedule na araw.

Natapos na ang shooting, at okay na raw ngayon ang direktor pati ang ilang staff. Ang mahalaga ay negative raw ang lahat ng artistang involved at tumuloy pa nga sa ibang project ang ibang artista.

Napraning-praning lang daw ang mga artistang involved nang malaman nilang nagkasakit na ang direktor at mga nahawa.

JAMIR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with