Aktor pinasok ang build and sell kahit jobless, naturuang magnegosyo ng rich friends

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - November 23, 2020 - 12:00am

Mag-asawang sampal na lumagapak sa pisngi ng mga bashers ng isang sikat at magaling na aktor ang pagkalantad ng kahusayan niya sa pananalapi.

Nang maging karelasyon niya ang isang female personality na kilalang mula sa angkan ng mayayaman sa kanilang probinsiya ay napakabilis na hinusgahan ang lalaking personalidad.

Pera lang diumano ng babae ang kanyang habol, peperahan lang daw niya ang sexy actress, hindi ‘yun pinansin ng aktor. Deadma lang siya sa pamba-bash sa kanya.

Kuwento ng aming source, “Kapag alam mo naman kasing walang katotohanan ang issue, e, tatawanan mo na lang ‘yun! Bakit siya sasagot, e, secure na secure naman siya sa sarili niya?

“Alam niya naman ang totoo, siya lang ang nakakaalam kung ano ang worth niya, wala namang alam du’n ang mga namba-bash sa kanya! Sayang nga naman ang panahon kung sasagutin niya ang mga walang katuturang kuwento!” unang sultada ng aming source.

Mahusay humawak ng pananalapi ang male personality. Sa kanyang kinikitang hindi naman barya-barya lang ay nagtatabi agad siya ng para sa kanyang kinabukasan at para sa kanyang pamilya.

Balik-chika ng aming source, “Nagkaroon siya ng mga kaibigang anak-mayaman na maagang nagnegosyo. Magandang influence sa kanya ang tropa dahil tinuruan siyang mag-invest sa mga properties.

“So, sa savings niya na hindi naman malaki ang nagiging interest sa bank, e, itinutok niya sa pagbili ng mga ari-arian na one day, e, mapapakinabangan niya.

“Marami siyang nabiling properties, piling-pili ang mga probinsiyang pinagpundaran niya ng pera niya, malaki ang naitulong sa kanya ng mga young professionals na nabarkada niya,” impormasyon ng aming source.

Ngayon ay umaani na ang sikat na aktor. Ang mga propyedad na nabili niya sa mas mababang halaga ay sobrang taas na ang presyo ngayon. Pero hindi siya nagbebenta, panibagong negosyo ang pinasok niya, build and sell.

Madiing komento ng aming impormante, “Ngayon magsalita ang mga taong nagduda nu’n na peperahan niya lang ang girlfriend niya? Pahiya sila ngayon, di ba?

“Hindi siya nagsasalita, hindi siya nagyabang dahil humble naman talaga ang taong ‘yun, pero namulagat ang mga mata nila ngayon! Marami pala siyang naipundar na properties!

“Hindi pala niya kailangan ang kayamanan ng pamilya ng girl! Aysus, kabarus, Vito Cruz, Sta. Cruz! Kailangan pa ba ng clue kung sino ang male personality na ito na mahusay humawak ng mga pinaghihirapan niya?” pagtatapos ng nagmamalaki naming impormante.

Ubos!

Ted ayaw na ayaw na sa pulitika

Si Ted Failon ang nag-iisang bisita ni Ms. Luchi Cruz Valdes sa Usapang Real Life nu’ng Sabado nang gabi. Malusog ang kabuuang panayam, punumpuno ng impormasyon, lalo na’t hindi palabigay ng interbyu ang magaling na news anchor.

Isang sanggol na nakapantalon ang napanood naming Ted Failon, palabang komentarista, pero umiiyak kapag ang kanyang pamilya na ang tutok ng istorya.

Matindi ang kanyang pinagdaanan bago siya nakilalang news anchor. Naging makinista siya, bellboy, waiter, habang pumapasok siya sa kolehiyo.

Kontra ang kanyang ama sa kanyang ambisyong maging radio announcer, magtinda na lang daw siya sa construction site, gaganda pa ang kanyang buhay.

Pero ipinaglaban ni Ted ang kanyang pangarap, nagsimula siyang magprograma sa isang istasyon sa Tacloban na singkuwenta pesos lang kada kinsena ang suweldo, hanggang sa magpalipat-lipat na siya ng istasyon at makarating sa ABS-CBN.

Hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa kanyang ama, sa halip ay sinamantala niya ang mga nalalabing panahon ng kanyang tatay, nangibang-bansa sila at du’n sila nagkausap nang masinsinan.

Ayaw na niyang balikan pa ang kanyang buhay-pulitika, never again, sabi ng magaling na broadcaster. Sapat nang naranasan niyang maging kongresista ng kanilang distrito sa Leyte.

Ted aminadong naprisyur ang misis sa hinahanap niyang ipon

Siya na ang tumayong ama at ina ng kanyang mga anak nang mawala ang kanyang maybahay na si Trina. Hindi siya nagdamot ng impormasyon, nagpakamatay ang ina nina Kaye at Karishma, dahil sa presyur sa hinahanap niyang ipon nila.

Beinte kuwatro na ngayon si Karishma, si Kaye naman ay nagbigay na sa kanya ng dalawang lalaking apo, tuloy ang buhay para sa kanilang mag-aama sa kabila ng kalungkutan sa pagkawala ng ilaw ng kanilang tahanan.

Nanibago siya nu’ng una pero natutuhan na rin niyang yakapin ang sitwasyon bilang ama at ina ng kanilang tahanan.

Nasa TV5-Radyo 5 na ngayon si Ted kasama si DJ Chacha. Matagumpay ang kanilang tambalan. Sumunod kay Ted Failon ang mga tagasuporta niya nu’n sa DZMM.

“Hindi naman sana ako lilipat kung meron pa ring radyo. Kaso, wala na ang teleradyo, ang tunay na mundo ko, ang pangarap ko,” sabi niya.

Puring-puri siya ng aming mga katrabaho sa Radyo 5 (92.3 News FM), sobra ang kanyang propesyonalismo, walang bagyo at baha para kay Ted Failon. Dumarating siya nang maagang-maaga sa istasyon.

Mahal namin si Ted Failon. Wala siyang maskara kapag magkakuwentuhan kami. Napakatotoo niya. Inilalatag niya ang kanyang baraha sa mesa, wala siyang itinatago, malalim at mahabang panahon na ang aming pinagsamahan.

Nagpapahiraman kami ng kandila sa dilim, naglalaan ng panahon para sa pakikinig, at napakasarap basahin ang kanyang mensaheng “Maraming-maraming salamat sa biyaya ng tunay na pagkakaibigan.”

AKTOR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with