Aktres na hindi hinabol ng network, hindi alam ang pakikisama
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - November 22, 2020 - 12:00am

Kaya naman pala! ‘Yun lang ang naging reaksiyon ng aming mga impormante kung bakit pinakawalan na ng network na kanyang pinagserbisyuhan nang maraming taon ang isang kilalang female personality.

Nu’ng patapos na ang kanyang kontrata ay panay-panay ang pagpaparamdam ng babaeng perso­nalidad kung pipirma ba uli siya ng panibagong kontrata sa kanyang network?

Kuwento ng aming source, “Pero parang naging bingi ang network sa pagpaparamdam niya. Wala, deadma lang ang mga executives. Walang nangyari sa panawagan niya.

“Ang tagal na niyang nagtatrabaho sa network, homegrown talent nga siya kung tutuusin, ‘di ba? Pero anyare? Bakit hindi na siya ini-renew ng network?” unang plastada sa kuwento ng aming source.

May mga naalalang kuwento ang aming mga impormante, matagal nang nangyari ‘yun, nu’ng marami pang ginagawang proyekto ang female personality sa istasyon.

Patuloy ng aming source, “Lahat ng nangyayari sa set ng kahit anong project sa station, e, nakararating sa katas-taasan. May character evaluation ang production.

“E, namayagpag din naman kasi ang attitude ng babaeng ‘yun! Marami siyang hanash, marami siyang kuda, akala siguro niya, e, hindi ‘yun nakaaabot sa mga executives!

“Isa pa, sa tagal na ng panahong binibigyan siya ng magagandang projects, e, wala namang nangyayari sa kanya. Nangitlog na ang career niya, walang improvement, samantalang ‘yung ibinigay na ka-loveteam niya, kahit paano, e, nakaalagwa!

“Pagpansin din ng mga katrabaho ng female personality, e, kulang siya sa PR. Kapos na kapos siya sa pakikisama sa mga co-stars niya. Lalo na sa production!

“Ang akala niya siguro, e, sikat na sikat na siya at kailangang-kailangan siya ng network! Marami pang ibang reasons na pinagsama-sama, ano ang nangyari sa kanya?

“Hindi na siya binigyan ng bagong contract! Tinakot pa niya ang network na may offer sa kanya sa ibang bakuran, helloooooo!!!! E, di du’n na lang siya!

“Naku, ganyan na ganyan din ang nangyari sa isang sikat na female persona­lity nu’n! Hindi na rin ‘yun binigyan ng renewal kahit pa kung tutuusin, e, may pakinabang pa sa kanya ang network!

“Hala! They have something in common pa naman! Pareho ang na­ging kapalaran nila!” nakaarko ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Nanghingi ng tulong kay Raffy lola ni Charice binato ng mineral water, nangangailangan ng tulong

Napanood namin ang kumpletong video ng panawagan ng lola ni Charice Pepmpengco na si Nanay Tessie Pineda kay Raffy Tulfo.

Maysakit siya, nanglalabo na rin ang kanyang mga mata, humihingi siya ng tulong sa mapusong broadcaster para gumaling siya.

Dagdag pa niyang hiling ay pagkalooban siya ng isang makina, mananahi kasi si Nanay Tessie, ang mga isinusuot ni Charice nu’n sa mga amateur contest ay siya ang gumagawa.

Matindi ang nilalaman ng panawagan ni Nanay Tessie, wala na raw siyang ibang maaasahan, iniwan na raw siya ng kanyang mga anak.

Meron pa siyang kuwento na binato raw siya ng mineral water ng ina ni Charice na si Aling Raquel, kinuha raw siya nito at tumira siya du’n pero hindi siya nagtagal, meron daw hindi nagustuhan sa kanya ang mommy ni Jake Zyrus.

“Meron palang batas du’n sa kanila na bawal kong sabihing apo ko si Charice. Dahil du’n, e, nagalit siya, binato niya ako ng mineral water,” kuwento ni Nanay Tessie tungkol sa kanyang anak na si Aling Raquel.

Sabi pa ni Nanay Tessie, “Charice, apo ko, tulungan mo naman ako. Maysakit ako, hindi na maganda ang pakiramdam ko, nasaan na kayo?”

Nakakaawa naman si Nanay Tessie. Siya ang kasama-sama nu’n ni Charice sa ABS-CBN nu’ng lumaban ito sa singing contest na si Sarah Geronino ang host na Little Big Star.

Siguradong bibigyan ng atensiyon ni Kuya Raffy sa Wanted Sa Radyo ang mga hinaing ni Nanay Tessie Pineda. Nabanggit pa nga niya na kilala siya ng mga magulang ng palabang news anchor dahil sastre siya ng pamilya nito.

Totoo man o hindi ang mga kuwento ni Nanay Tessie sa kabuuan ng video laban kay Aling Raquel ay isa lang ang mahalaga. Nangangailangan siya ng tulong ngayon dahil sa kanyang kalagayan.

Isang nagmagandang-loob na senior citizen ang kumukup­kop ngayon kay Nanay Tessie. Taas-baba ang kanyang blood pressure at wala siyang maipambili man lang ng mga gamot.

Iisa lang ang ating ina. Kung wala sila ay hindi natin masisilip man lang ang kagandahan ng mundo. Ang ating ina ang naglihi, nagdala nang siyam na buwan sa atin sa kanyang sinapupunan, hanggang sa ipanganak tayo.

Bilang isang mapagmahal na anak kay Mommy Caring ay siguradong tutugunan ni Raffy Tulfo ang panawagang ito ni Nanay Tessie.

Isandaang porsiyento ‘yun.

PERSONALITY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with