Aktor, hindi na lang kotse ang kinokolekta!

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - November 19, 2020 - 12:00am

Ayan na, nag-uumpisa nang mabugbog-sarado ang kilalang male personality dahil sa bagong isyung kinasasangkutan niya, hindi lang daw siya kolektor ng magagarang sasakyan. Kolektor din daw siya ng karelasyon.

Dahil sa hindi niya pagsasalita para bigyan ng linaw ang kontrobersiyang naghiwalay na sila ng kanyang girlfriend na aktres ay may kani-kanyang bersiyon na ng kuwento ang malalapit at nakakakilala sa kanya.

Ang pinakalutang na paglalarawan sa male personality ay sobra siyang makasarili. Sa pakikipagrelasyon niya ay siya lang ang dapat masunod.

Kung ano ang sabihin niya ay batas. Walang kahit sinong puwedeng kumontra. ‘Yun ang sinasabing dahilan kung bakit matagal man siyang humawak ng relasyon ay hindi pa rin ‘yun humahantong sa altar.

Kuwento ng isang source na matagal na nakasama ng male personality sa trabaho, “Pag-aralan muna natin ang past relationships niya. Hindi totoo ang sinasabi ng iba na madali siyang magsawa sa babae.

“Kalokohan ‘yun! Meron bang sawain na tumatagal nang limang taon ang pakikipagrelasyon? Ang sawain, e, months lang ang binibilang. Maghahanap na naman ng iba.

“Pero itong si ____ (pangalan ng hunk actor), matagal siyang makipagrelasyon. Taon ang binibilang. Hindi sawain ang ganu’n,” paliwanag ng aming impormante.

Totoo naman. Puwera ang mga kuwento ng “tikiman” lang ay bumibilang nang maraming taon ang pakikipagmahalan ng male personality. May tatlong taon, may apat, may limang taon.

Dagdag na impormasyon ng aming impormante, “Hindi pa siya handang magpamilya. Hanggang sa pakikipagrelasyon lang muna siya. Sa dami na ba naman ng nakarelasyon niya, kahit minsan lang ba, e, hindi man lang pumasok sa utak niya ang pag-aasawa?

“E, nakatagpo siya ng girl na hindi pala handa sa ganu’n? Hindi pang-live-in lang ang girl, kasal muna bago live-in, ‘yun ang prinsipyo sa buhay ng babae.

“Du’n sila hindi nagkasundo, naging malaking issue ‘yun sa kanila, pinagdiskusyunan nila ‘yun nang matindi! Magkaiba ang pananaw nila sa buhay kahit pa nagmamahalan sila.

“Ayun, sumuko ang babae, hindi siya makapapayag na magsasama sila nang walang basbas ng kasal. Baka naman ito ang magbukas ng mga mata nu’ng male personality na hindi habampanahon, e, hanggang sa pakikipag-live-in na lang siya!” bigay na bigay nang pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Lea nagalit sa deskripsyon ng DepEd na kriminal ang mga may tattoo

Inaasinan talaga sa alat ang departamento ng edukasyon. Sunud-sunod ang mga pagpansin sa kanila ng publiko na kailangan nilang lapatan ng tugon.

Pagkatapos silang bulabugin ng international performer na si Lea Salonga sa inilabas nilang module na tinawag na ostrich ang nakalarawang owl ay heto na naman ang isa pa.

Hindi pa man nakababangon ang DepEd sa kapalpakang ginawa ng isang guro sa pamimintas at pangba-body shame kay Angel Locsin ay may bago na namang sasagutin ngayon ang departamento sa ayaw nila at sa gusto.

Sa isang learning module ay nakasaad, multiple choice ‘yun, “Ang tattoo ay simbulo ng A. pagiging kriminal, B. pagkaalipin, C. kagitingan at kagandahan, D. pagiging mababa ng katayuan sa lipunan.”

Sa key answer ng module ay A ang sagot. Ang pagkakaroon ng tattoo ay simbulo ng pagiging kriminal. Pinalagan ni Lea Salonga ang key answer, may tattoo lang ang tao ay kriminal na agad-agad, at mas kinontra ‘yun ng mga kababayan nating naniniwala na ang tattoo ay isang sining. Art.

Paltos na ay napakamapanghusga pa ng mga ipinakakalat na learning modules ng mga gurong nagbabalangkas ng mga impormasyon para sa mga kabataang Pilipino.

Galit na galit ang mga kilala naming tattoo artists, oras nga naman ang binibilang bago nila mabuo ang obra sa katawan ng kliyente nila, pero ang interpretasyon lang pala sa kanilang sining ay simbulo ng pagiging kriminal?

Mapagpahalaga kami sa sining. Nirerespeto namin ang angking talento ng mga pintor, artista, mang-aawit at marami pang ibang linya.

Dugo, pawis at luha ang kanilang ipinupuhunan bago sila makabuo ng kanilang obra. Ibig bang sabihin, lahat ng mga tao sa buong mundo na nagpa-tattoo ay maituturing nang kriminal, nakapatay na, nanggahasa, nagnakaw sa kaban ng yaman ng pamahalaan para ituring na kriminal?

Kailangang mabigyan ng leksiyon ang gurong nagpakalat ng learning module na ang tattoo ay simbulo ng pagiging kriminal. Sila ang dapat bigyan ng module para maihiwalay nila ang impormasyon sa panghuhusga. Ng kagandahang-asal sa kabastusan.

May ilang guro na inaapuntahan ng pagkainis sa mga estudyanteng may kahinaan ang ulo. Kinakapos sila sa pang-unawa na kaya nga sila tinawag na titser ay para linangin ang murang isip ng mga kabataan.

Paano naman kapag ganyan na ni hindi nga alam ng gurong gumawa ng learning module ang pagkakaiba ng itsura ng ostrich sa kuwago?

Ano ang itatawag natin sa kanila?

AKTOR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with