Aktres na favorite escabeche ng mga milyonaryo, hindi apektado ng pandemya ang kabuhayan
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - October 30, 2020 - 12:00am

Hindi lang maparaan ang isang kilalang female personality, matalino pa siya, ginamit ng aktres ang kanyang utak para sa kinabukasan ng kanyang pamilya.

Ganu’n kung ilarawan siya ng kanyang mga katrabaho, ng mga nakakakilala sa kanya nang mula ulo hanggang paa, nang magsabog ng talino ang langit ay nagbukas siya ng bubong ng kanilang bahay.

Pero ano nga bang panghalina meron ang female personality na ito? Bakit siya mabenta sa mga kalalakihang may edad na? Ano ba ang karismang pinagagana niya?

Kuwento ng isang source, “To think na hindi naman siya ‘yung masasabi nating super-ganda, di ba? Kung ihihilera natin siya sa magagandang artista, e, nasa hulihan siya.

“Pero bakit siya ang gustung-gusto ng mga mil­yonaryong naghahanap ng escabeche? Ano nga ba ang mga qualities na meron siya?” unang tanong ng impormante.

Bakit siya tinataguriang matalino? Mahilig ba siyang maglambing ng kung anu-ano sa kanyang sikretong karelasyon? Bilmoko ba siya?

Sabi agad ng source, “Matalino siya dahil sa unang galaw pa lang, e, alam na niya ang gagawin niya. Nanghihinayang siya sa komisyong ibibigay sa nagtulay sa kanya at sa kung sinumang magi­ging benefactor niya.

“In short, solong-solo na niya ang transaksiyon, ang mga biyaya, wala na siyang binibigyan pa ng komisyon! Ayaw na niyang mabawasan ang hawak niya.

“At totoong nangyari ‘yun! Dalawang Boogie Wonderland na ang nakaranas sa kanya ng ganu’n. Sila ang naging tulay, pero winasak agad ng female personality ang tulay, kaya hindi na makatawid ang mga matchmakers niya!

“Sinolo na ni ate ang mga biyaya, wala na siyang hinahatian, matalino siya! Kung kaya rin lang naman niyang solohin ang transaksiyon, e, bakit pa siya kukuha ng assistant? Di ba naman, ang tali-talino niya talaga?

“Marami na siyang naipundar, hindi na siya natatakot kahit ilang pandemya pa ang dumating, sigurado na ang future nila ng family niya!

“’Yan, ‘yan ang mga kata­ngiang meron siya, kabog niya ang lahat ng mga personalidad na gumagawa ng milagro, walang tatalo sa kanya!” madiing pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Trump, nangangamoy lotlot!

Kung paniniwalaan natin ang inilalabas na survey ng CNN, kung sasang-ayunan natin ang mga pahayag ng iba-ibang lahi na naninirahan ngayon sa Amerika, ay nangangamoy-Lotlot de Leon si President Donald Trump sa ilang tulog na lang at gising nilang presidential election.

Nangangamoy-Winnie Santos naman ang dating vice-president nilang si Joe Biden, maging sa mga balwarteng inaangkin ni President Trump ay pumapabor sa humahamon, abangan na lang natin kung ano ang magaganap sa mga susunod na araw.

Magwawagi pa rin ba ang pangulong hindi naniniwala sa paggamit ng face mask? Iboboto ba siya ng lahing sumisigaw ng “Black lives matter”?

Abangan!!!

Fans ni Angel, nag-all out sa ginawang red-tagging ng heneral

Nakatikim ng mula ulo hanggang paang pamba-bash si Lt. General Antonio Parlade mula sa sari­ling hukbo ng mga tagasuporta ni Angel Locsin.

Ahahay! Nagrereklamo ang heneral, bakit daw ito tinatakot ni Angel sa social media, samantalang puwede namang dumirekta ang magandang aktres sa pakikipaglinawan sa kanya?

Teka lang muna. Wala pa tayong dementia para agaran nating makalimutan kung sino ang unang pumukol sa pipit sa sanga ng isang kahoy.

Sino ba ang unang kumuda sa social media at sa mga pahayagan laban sa mga artistang diumano’y makakaliwa? Sino ba ang unang nagli­tanya ng maaaring kahinatnan nina Liza Soberano, Catriona Gray, Angel at sa kapatid niyang si Ella dahil sa kanilang mga sinasabi at ginagawa?

Ang heneral ang unang bumato. Nagpahayag ito sa mga pahayagan na dinampot naman ng social media. Nagpahayag na nga si General Delfin Lorenzana (DND) na huwag agad-agad na mag-akusa, at kung merong natutunugan ang ahensiya ay kailangang mayhawak silang ebidensiya, pero sige-sige pa rin sa pagpapainterbyu si Lt. General Parlade.

At ngayong nagising ang mga tagasuporta ni Angel Locsin, ngayong naglabas ng ebidensiya ang aktres na habang sinasabi ng heneral na namundok si Ella ay hayun at nag-aaral pala sa isang kolehiyo, biglang sasabihin nito na nananakot si Angel?

Sabi nga ni Senador Ping Lacson, “Okey lang na magpaalala siya, pero meron pa siyang binabanggit na sumapi sa NPA na napatay, natural, mabubulabog ang kampo ng mga tinutukoy niya!”

Huwag nating kalilimutan na kung may hukbong sandatahan ang Pilipinas, meron ding sariling hukbo ng mga tagasuporta ang mga artista, kaya preno-preno lang sa pagsasalita at pagbibintang.

ANGEL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with