Tekla, trabaho lang ang pagiging bakla

MANILA, Philippines  — Sa totoo lang, nagulantang din kami doon sa reklamo laban kay Tekla. Si Tekla, o Romeo Librada sa tunay na buhay ay inireklamo ng kanyang live in partner na si Michelle Lhor Bana-ag, dahil diumano may mga pagkakataong pinipilit siya ng komedyante na makipagtalik kahit na masama ang kanyang pakiramdam. May pagkakataon din daw na gumagawa iyon ng kahalayan kahit na sa harapan ng kanilang anak. Kung hindi raw nangyayari ang kagustuhan noon ay aalis ng bahay at hindi bibili ng pagkain.

Ang sinasabi ni Michelle, nagpupunta raw iyon sa bahay ng kapwa komedyanteng si Donita Nose at doon nagba-vlog, at hanggang hindi raw umuuwi iyon ay nagtitiis sila ng gutom.

Pero ang narinig lamang nating nagbigay ng pahayag ay si Bana-ag, wala pang statement si Tekla sa mga akusasyon laban sa kanya. Nahiwalay rin si Tekla sa kanyang unang asawang si Irene Gonzales at mayroon din silang isang anak na babae. Sampung taon din silang nagsama. Hindi natin alam ang sitwasyon doon, pero wala tayong narinig na anumang reklamo mula sa kanyang unang asawa.

Dalawang bagay iyan, kung magtutuluy-tuloy ang problema, posibleng may mangyaring hindi maganda kay Tekla. May pananagutan siya sa batas. Kung iyan naman ay maaayos, magkakasundo sila at babawiin ng kanyang live in partner ang lahat ng kanyang sinabi, tutal naman hindi pa niya pinanunumpaan  sa korte, wala ring mangyayari.

Ang natawa lang kami ay ang reaksiyon ng karamihan sa mga taong nakaalam ng reklamo ng kanyang live in partner. Parang gulat na gulat pa silang nagsabing “hindi pala bakla si Tekla.”

Matagal na namang sinabi ni Tekla na hindi siya totoong bakla, pero kailangan nga niyang gawin iyon sa mga comedy bar, at hanggang sa telebisyon nga ngayon.

Mark, natupad na ang pangarap

Gumawa ng isang maternity photo shoot si Mark Herras at ang kanyang girlfriend na si Nicole Donesa. Manganganak na nga kasi si Nicole sa loob ng tatlong buwan mula ngayon, at ang isisilang niya ayon sa ginawang maternity scan ay isang baby boy, na ngayon pa lang ay pinapangalanan na nilang Corky.

Sa kanyang ginawang caption sa isang picture na inilabas niya sa social media, tinawag ni Mark si Nicole na “my wife” at sinabi niyang ang pangyayaring iyan sa kanyang buhay ay isang “dream come true.”

May nauna nang anak si Mark, isang babae, si Ada Sofia Nicollete Herras, na ngayon ay anim na taong gulang na. Hindi inilabas noon ni Mark ang nanay ni Ada, pero lumabas na ang nanay noon ay ang dati niyang personal assistant na si Dianne Evangelista. Pero hindi sila nagsama ng nanay ni Ada, ang sinabi lang niya ay ayaw niyang mapag-usapan iyon pero sinusustentuhan naman niya.

Male star at model, kinakalkal ang nakaraan

Mahirap talaga ang maging isang artista, kahit na hindi ka pa sumikat nang husto makakalkal ang buong pagkatao mo, at minsan pati pamilya mo. Aywan kung bakit nagiging usapan ngayon ang buhay ng isang male star at model. Pinagtsitsismisan nila ang buhay noon dati sa Olongapo, at ang pakikitungo noon sa mga bading sa kanilang lugar.

Ang sinasabi pa, pati ang nakababata niyang kapatid na lalaki na kasing tangkad din niya ay “kaibigan” ng mga bading sa kanilang lugar.

Bakit naman inuungkat pa ang nakaraan. Maaaring nagbago naman ang kanyang buhay simula nang mag-artista siya. Pabayaan na natin ang nakaraan.

Show comments