Nanay ng actress / tv host, maraming nalokong online seller
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - October 21, 2020 - 12:00am

Iniiwasan ngayon ng mga kababayan nating nagbebenta ng mga produkto online ang ina ng isang kilalang female personality. Maliit lang kung tutuusin ang mundo ng mga online sellers.

Kumalat na sa kanilang balwarte ang mga kuwento tungkol sa mommy ng female personality, kaya tumawag man siya nang tumawag ngayon, kontakin man niya ang mga online sellers ay wala nang papatol sa kanya.

Kuwento ng aming source, “Napakayabang na nanay! Ang dami-dami niyang kuwento na kesyo dolyares ang tinatanggap niyang pera buwan-buwan, kaya nu’ng una, e, pinapatulan naman siya ng mga online sellers.

“Pero ilang buwan lang siyang maayos kausap, pagkatapos nu’n, e, parang bola na sa PBA na nagtatalbugan ang mga ini-issue niyang checks!” unang sultada ng aming impormante.

Mahilig ang mommy ng female personality sa mga bonggang-bonggang kagamitan. Italian furniture ang gustung-gusto niya, mga naglalakihang jars, maganda ang panlasa ng ina ng babaeng perso­nalidad.

Patuloy ng aming source, “Mga ilang months pa lang ito, ha? May pandemya na. umorder siya ng mga decorative stuff sa isang online seller. Idineliber naman sa bahay niya ang mga inorder niya online.

“Magara nga ang kanyang bahay, puro imported ang mga furniture niya, magaling siyang magdekorasyon ng balaysung niya. May tumawag sa online seller, isang kasamahan niya sa pagbebenta online, sinabi niya kung nasaan siya.

“Sabi ng kausap niya, ‘Naku, ikarga mo na pabalik sa truck ang mga idineliber mo, mamaya, sasabihin niya sa iyo na hindi pa siya nakakapagpalit ng dollar to pesos. Tseke ang ibabayad niya sa iyo! Isa lang du’n ang magu-good, the rest, maghabol ka na hanggang gusto mo!’

“Naloka ang online seller na gustong kumita kahit paano, agad niyang sinabihan ang mommy ng female personality na kukunin na niya uli ang delivery niya dahil tumawag ang nanay niya, ayaw nang ipabenta ang mga inorder ng mudra ng female personality!

“Wala pang kalahating oras, naikarga na ng online seller at ng mga tauhan niya ang mga furniture pabalik sa truck. Galit si mommy, wala raw isang salita ang online seller!

“Pero hindi bale na, sabi niya, nag-abono man siya sa delivery, e, hindi naman siya magdurusa sa panini­ngil sa mommy ng female personality na napakayabang!

“May kapangalang singer-performer ang anak ni mommy, iba nga lang ang kanyang linya, sayaw nang sayaw ang girl!” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Lol, tumatak agad

Sa lahat ng mga programang inilunsad ng Brightlight Productions mula nu’ng Linggo sa pamamagitan ng TV5 ay merong isang nagmarka sa amin bilang manonood.

Bongga ang SNL (Sunday Noontime Live), may bril­yo ang mga ilaw at maganda ang kanilang stage design, bulag lang ang magsasabing hindi dikit ang programa sa ASAP Natin ‘To.

Hindi naman ‘yun nakapagtataka dahil utak ni Direk Johnny Manahan ang nagbuo sa kabilang programa, kanya ang buong konsepto, kaya may hawig talaga ang SNL sa programang pinanggalingan ng mga hosts na sina Piolo Pascual, Catriona Gray, Maja Salvador at Donny Pangilinan. Dagdag na host si Jake Ejercito.

Sinundan ‘yun ng I Got You at kinumpleto naman ng Sunday Kada na sangdamakmak ang cast. Ibang klase talaga si Congressman Albee Benitez!

Pero ang pinakanagmarka sa amin ay ang unang sultada ng Lunch Out Loud. Sa unang kuwadro ay iniluwa si Billy Crawford, madilim ang buong paligid, blackbacking ang konsepto na siya lang ang tinatamaan ng ilaw.

Tusok sa puso ang kanyang litanya, binalikan ni Billy ang kanyang pinagmulan, binaybay niya ang maraming paghamon na ang pinakamatindi ay ang pagkawala ng kanilang trabaho dahil sa pagpapasarado ng ABS-CBN.

Pero may bagong bahay na tumanggap sa kanila, ang TV5, sa pamamagitan ng produksiyon ni Congressman Albee Benitez na buong pusong pinasalamatan ni Billy sa ngalan ng kanyang mga kasamahan sa Lunch Out Loud.

Madiin ding pinasalamatan ni Billy ang ABS-CBN, ayon sa magaling na dancer-TV host-singer ay habambuhay niyang dadalhin ang lahat ng magagandang karanasan at pagpapahalagang ibinigay sa kanila ng Dos.

Ang ganda-ganda ng pagsisimula ng LOL, damang-dama ng manonood ang pagpapakumbaba ng mga hosts, na sinundan ng mga nakaaaliw nilang segments na walang contestant nila ang uuwing luhaan dahil sa malalaki nilang papremyo.

Sa unang araw pa lang ay humirit na ng pagkoko­medya si Bayani Agbayani na kanyang-kanya lang. Malaking tulong sa show sina Wacky Kiray, K Brosas at KC Montero.

Sa mga naghahanap kay Alex Gonzaga siguradong kasama na ito sa LOL, kaya lang ay may mas nauna itong kompromiso kaya sa susunod na lingo pa lang ito makakasama ng grupo.

PBA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with