TV host, mabilis mamantikaan ang bibig
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - October 20, 2020 - 12:00am

Hindi lang dapat sa himpapawid nag-iingat ang mga personalidad sa pagsasalita. May mikropono man o wala ay kailangan ang kanilang pagpreno sa pagsasalita dahil hindi naman lahat ng taong nakakarinig sa kanilang mga sinasabi ay pipi at bingi.

Siguradong lalabas at lalabas ang kuwento, hindi man agad-agad ay lulutang pa rin ang mga komento, may tenga ang lupa at may pakpak ang balita.

Kuwento ng isang source, “Palaging nasasangkot sa ganu’n ang isang TV host. Ginagawa kasi niyang laruan ang mga kasamahan niyang artista. Nagbibiro man siya o half-truth ang mga sinasabi niya, e, nakaka­panakit pa rin siya.

“Ugaling-ugali niya ang ganu’n. kapag nala­ngisan na ang dila ng gay TV host, e, tuluy-tuloy na ‘yun, hindi na siya masaway ng mga kasamahan niya.

“So, ano ang mangyayari kapag ganu’n? Makikihalakhak na lang sa kanya ang mga nakapalibot sa kanya, paglalaruan na lang nila ang kung sinumang pinagtitripan nila.

“Siya ang nagpapasimuno, siya ang banderada sa kuwentuhan, kung anu-anong pamimintas ang ginagawa niya,” unang sultada ng aming impormante.

Lumalabas ang mga ganu’ng kuwento, nanganganank pa nga, ang dating kuwento ay nadadagdagan nang nadadagdagan.

Balik-kuwento ng aming source, “Pero siyempre, hindi niya naman aaminin ‘yun kahit mismong source nang nakarinig sa mga pinagsasasabi niya ang naglabas ng kuwento!

“Hindi rin ‘yun aaminin ng mga alipores niyang kasamahan dahil natatakot silang baka mag-trip ang TV host at mawalan sila ng trabaho!

“Pero ganu’n siya, masyadong minantikaan ang dila niya, pinaglalaruan niya ang maraming artistang hindi nila kapanalig,” madiing sabi pa rin ng aming source.

Ubos!

Spokesperson ng MMDA, mas dapat pakialaman ang matinding traffic kesa sa libing ni Baby River

Ilang araw nang nagrerebelde ang aming puso sa mga napapanood naming footage tungkol sa burol at libing ng walang kamalay-malay na anghel na si Baby River.

Hindi lang kami. Pati ang mga kababayan natin ay hindi makaapuhap ng dahilan kung bakit matinding pinagdamutan si Reina Mae Nasino, ang ina ng sanggol, para ibigay ang kanyang huling yakap at pagrespeto sa kanyang supling.

Aktibista si Reina Mae, nakikipaglaban para sa karapatan ng maliliit na­ting kababayan, isang buwan pa lang siyang nagdada­lantao nang hulihin at ikulong.

Ipinanganak niya si Baby River nu’ng Hulyo, nagkasakit ang sanggol nu’ng nakaraang buwan, humingi siya ng kunsiderasyong makasama ang kanyang anak sa ospital pero hindi siya pinagbigyan.

Namatay si Baby River, pinagbigyan naman siyang makadalaw sa burol sa loob nang talong oras, pero kumustahin naman natin kung ilang pulis ang nakabantay sa kanya.

Sangkaterbang pulis ang nakatutok sa kanya sa burol, parang kuta ng NPA ang nilusob ng ng grupo sa dami nila, ni hindi nga tinanggalan ng posas si Reina Mae para mayakap ang kanyang anak sa hu­ling pagkakataon maging nu’ng libing.

Tanong ng mga kaibigan namin, “Where is humanity? Where is mercy and compassion?” Nasaan ang puso ng mga taong nasa likod ng pagdadamot kay Reina Mae Nasino na mayakap man lang ang sanggol na siyam na buwan niyang dinala sa kanyang sinapupunan?

Ginigiyera ngayon ng ating mga kababayan sa social media ang tagapagsalita ng MMDA na si Celine Pialago. Nag-post kasi ito sa kanyang FB na huwag gawing drama-serye sa hapon ang burol at libing ni Baby River.

Umalsa ang buong bayan, galit na galit kay Celine Pia­lago, na sa opinyon namin ay nararapat lang dahil kinapos ng pang-unawa sa kanyang kapwa babae at ina ang taga-MMDA na ni hindi nga maiayos ang daloy ng trapiko kahit sa EDSA lang.

Drama? Ginagawang serye? Kahit sinong mapusong tao, lalaki man o babae, ay makikiiyak sa sinapit ni Reina Mae Nasino. Ang buhul-buhol na lang sanang trapik ang pakialaman nitong si Celine Pialago at huwag na itong makisawsaw pa sa damdamin ng buong bayan ngayon dahil sa pagsikil sa kalayaan ng kababayan nating aktibista.

Maraming nakakulong na pinagbibigyang makalabas nang pansamantala lang. Wala pang sanggol na nakasangkalan sa kanilang panandaliang paglaya. Pero bakit nilampasan ang hiling ni Reina Mae?

Kaninong puso ang hindi masasaktan at luluha sa kanyang sinapit? Meron ba?

HOST
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with