Gay personality na panay ang pasaring, binanatan ng dalawang kilalang personalidad sa pagbabalita
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - October 18, 2020 - 12:00am

Dalawang kilalang-kilalang lalaking personalidad sa linya ng pagbabalita ang hindi nagkagusto sa matabil na dila ng isang gay personality.

Halos iisa ang kanilang damdamin, nagkaiba lang sa atake, ang pagiging maangas ng gay personality ang kanilang tinutumbok.

Sabi ng unang popular na news anchor, “Dapat lang siyang pinatitikim ng paalalang karinyo brutal. Dapat niyang unawain na hindi lahat, e, tulad niyang sukdulan na ng yaman.

“At ang mga personalities na lumulundag ng ibang network, e, may kani-kanyang dahilan at hindi lahat ng bagay sa mundo, e, pera-pera lang,” pahayag ng kilalang-kilalang tagapagbalita-komentarista.

Halos ganu’n din ang nararamdaman ng ikalawang broadcaster, hindi rin nito nagugustuhan ang tabas ng dila ng gay personality, ito naman ang kanyang komento.

“Tama lang na pitikin siya, hindi niya dapat inaapakan ang nasa ilalim, bagkus, e, inaalalayan niya para makatayo. Nakakatakot ang bawi sa kanya ng kapalaran,” mahinahong sabi ng ikalawang kilalang-kilalang tagapagbalita.

Maging ang mga kababayan nating tumututok sa kanyang programa ay hindi rin sang-ayon sa kadulasan ng dila ng gay personality.

Sabi ng isa naming source, “Hindi kasi siya consistent. Nu’ng may naganap sa network nila, e, isa siya sa napaka-emotional, inaalala niya ang buhay ng mga kasamahan niya sa network na nawalan ng trabaho.

“Pati ang mga co-stars niyang madi-displace, matindi rin ang sentimyento niya, paano na raw ang mga artistang mawawalan ng trabaho? Paano na raw ang mga pamilya nila?

“So, ang ganda-ganda ng datingan niya, di ba? Maraming pumuri sa kanya dahil hindi siya makasarili, inaalala niya ang mga kapwa niya artistang mawawalan ng trabaho,” unang sabi ng aming impormante.

Pero pagkatapos nu’n ay umariba na naman ang taklesang dila ng bakla, nagpaparinig na naman siya, pinatututsadahan niya ang mga kasamahan niyang lumundag sa ibang network.

Balik-komento ng aming source, “Di ba naman napaka-consistent niya sa pagiging inconsistent? Paawa-awa pa siya nu’n, pero nu’ng tumanggap na ng trabaho sa ibang network ang mga kasamahan niya, e, nagpapatutsada naman siya?

“Naku, dapat na lang siyang magpasalamat dahil ang mga personalities na nawalan ng trabaho, e, may inaasahan nang pambuhay sa mga pamilya nila ngayon! Hindi maganda ang ginagawa niya, hindi talaga maganda,” napapai­ling na lang na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Angel at Liza may pinaglalaban, inaakusahan agad na makakaliwa

Mahirap ang posisyon ng mga personalidad na nagpapakatotoo sa kanilang nararamdaman. Ang mga artistang bukas ang bibig sa pagtatawid ng kanilang mga opinyon ay napagbibintangang kumokontra sa pamahalaan at miyembro ng mga kalaban.

Dalawang sikat na artista ang pinaghihinalaang komunista at miyembro ng New People’s Army nang dahil lang sa pagsisiwalat ng kanilang mga saloobin.

Sina Angel Locsin at Liza Soberano, dahil sa bukal nilang pagpapakatotoo tungkol sa mga nagaganap sa ating bayan ay binabalaang iboboykot, kumakampi raw kasi sila sa makakaliwang grupo.

Mga artistang mulat sina Liza at Angel, mga milenyal silang bukas ang bibig sa paglalantad ng kanilang nararamdaman, komunista at NPA na ba agad-agad ang mga tulad nila?

Kapag ipinaglaban ba natin ang ating karapatan bilang tao ay akusasyon na agad ‘yun ng pagiging NPA natin? Hindi ba puwedeng unawain muna natin ang kanilang kinokontra na para naman sa kapakanan ng mas nakararami nating kababayan?

Kung kami ang tatanungin ay mas pipiliin namin ang mga tulad nina Angel at Liza na may paninindigan. Hindi sila katulad ng ibang tao na papikit na lang na nananahimik dahil nabubuhay sa takot.

Mas kailangan ng ating lipunan ang mga mamamayang may boses na ipaabot sa publiko ang talamak na korapsiyon, ang kaliwa’t kanang pangyuyurak sa dignidad ng mga kababaihan, ang kawalan ng hustisya ng maliliit na walang kalaban-laban.

Kapag ganu’n ba ang linyada ng ating bibig ay komunista na tayo? Miyembro na ba tayo ng makakaliwang grupo ng NPA na mortal na kalaban ng pamahalaan kapag ganu’n?

Hinay-hinay lang sa paghusga, puso ng tao ang dapat nating ginagawang barometro, tulad ng ginagawang pag-ayuda nina Liza Soberano at Angel Locsin sa mga kababayan nating walang-wala at may mahigpit na pangangailangan.

GAY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with