Male personality nabuking ang pagiging cheater sa social media
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - October 14, 2020 - 12:00am

Buking na buking! Pasok sa banga! Dahil sa hindi pag-iingat sa pakikipagrelasyon ng isang kilalang male personality ay nabuking ng dalawang babaeng sinusuyo niya ang atake niyang alanganin.

Hindi niya akalain na social media lang pala ang makapangbubuking sa panliligaw niya sa dalawang babae. Artista ang isa at non-showbiz naman ang isa pa.

Kuwento ng aming impormante, “Kulang pa siya sa experience. Kapos pa siya sa kaalaman sa panliligaw. Nagpaturo muna sana siya sa kanyang mga kaibigan.

“Dalawang girls ang nililigawan niya, magkaiba ang mundo ng mga girls, isang artista at isang nag-oopisina. Natural, ang nasa isip ng guy, e, hindi siya mabubuking ng sinuman sa dalawa.

“Pero dahil sa iisang klase ng bulaklak, e, nabuking siya! Social media ang nambuking sa kanya! Kasi naman, hindi siya nag-iingat. Magkaparehong bouquet of flowers ang ipinadala niya sa dalawang girls!” simulang kuwento ng aming source.

Nagmamadali raw kasi ang male personality nu’ng bumili siya ng mga bulaklak, nawala na sa isip niya na puwede siyang mabuking nang dahil du’n, at naganap nga!

Patuloy na kuwento ng aming source,“E, ma-social media ang female personality na nililigawan niya, lahat na lang yata ng tungkol sa buhay niya, e, ipino-post niya!

“May kilig factor siyempre ang pagpapadala niya ng flowers sa female personality, kaya without mentioning the name ng nagpadala sa kanya, ipinost ‘yun ng girl!

“Kaso, may isang kaibigan siyang may matalas na mata at pang-amoy, tinawagan siya, ikinuwento sa kanya na may isa pang girl na binigyan ng kaparehong bulaklak ang nanliligaw na male personality sa kanya!

“Tiningnan nilang mabuti ang naka-post na bulaklak, mismong-mismo, magkapareho ngang bulaklak ang ibinigay sa kanila ng male personality! Walang pagkakaiba, plakado ang dalawang bulaklak!

“Para makasiguro, gumawa ng paraan ang female personality na matiyak kung dalawang bouquet of flowers nga ang inorder ng guy! Totoo, dalawa nga, saka pareho rin ang dedication sa card na nakasulat!

“Ayun, bukelya ang male personality, hindi na siya in-entertain pa uli ng female personality, kaya ang naging ending, ang non-showbiz girl ang nakarelasyon ng male personality.

“At may produkto na ang pagmamahalan ngayon ng non-showbiz girl at ng lalaking personalidad na magaling umarte,” natatawang pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Raffy, itinangging bilyonaryo

Ayon sa palabang news anchor na si Raffy Tulfo ay walang katotohanan ang umiikot na balitang bilyonaryo na siya ngayon. Hindi raw totoo ‘yun.

May mga ibinigay siyang palatandaan para malaman ng ating mga kababayan na bilyonaryo na nga siya. Madali raw malalaman ‘yun ng sambayanan.

Sabi ng mapusong news anchor-komentarista, “Napakadali n’yo pong malalaman kapag totoong bilyonaryo na nga ako. Bibili ako ng lugar na pagta­tayuan ko ng palengke. Pauupahan ko ang lugar, ang kikitain du’n ang ipangsusuweldo ko naman sa mga teachers na kukunin ko para sa isang eskuwelahang ipatatayo ko rin.

“Kapag nangyari ‘yun, marami tayong matutulungan. Libre ang matrikula sa school na ipatatayo ko, kaya ang suweldo ng mga guro, kukunin ko naman sa upa ng mga kukuha ng puwesto sa palengkeng ipatatayo ko,” mahabang paliwanag ng news anchor.

Mapagkumbaba lang si Raffy Tulfo. Wala siyang kaangas-angas at kayabangan. Hindi mo siya maririnig na nagkukuwento tungkol sa sobrang kaginhawahan nila sa buhay.

Dati na siyang mayaman, sila ng kanyang misis na si Congresswoman Jocelyn Tulfo ng ACT-CIS, pero maganda silang magdala. Dagdag na kayamanan na lang para kay Kuya Raffy ang milyun-milyong halagang kinikita niya ngayon sa YouTube dahil sa laki ng kanyang mga tagasuporta.

Hindi siya maglalabas nang kalahating milyon nang paganu’n lang sa isang stand-up comedian na lumapit sa kanya para maipambayad sa ospital.

Hindi simpleng maglabas nang daan-daang libong piso para sa mga dumudulog sa kanyang programang Wanted Sa Radyo kung wala siyang malalim na buslo ng biyaya na pagkukunan.

Itinatawa lang niya ang mga umiikot na kuwentong bilyonaryo na siya. Pero para sa mga nakakakilala sa kanya nang lubusan ay makahulugan ang ngiting ‘yun.

Alam nila ang totoo. Pinagpala si Raffy Tulfo. Biyayang ibinabahagi rin niya sa mga kababayan nating nangangailangan.

Hindi lang bukas ang kanyang mga palad sa pag-ayuda. Butas na butas.

BUKING
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with