Aktor tuloy pa rin ang pagpatol sa mga bakla, ex mayaman na sa piling ng foreigner
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - October 12, 2020 - 12:00am

Umiikot talaga ang gulong ng buhay. Pana-panahon lang. Minsang nasa ilalim at minsang nasa ibabaw. Ganu’n kung ilarawan ng kanilang mga kaibigan ang naganap sa relasyon ng isang kilalang male personality at ng kanyang ex na non-showbiz.

Magulo na ang kanilang relasyon mula sa umpisa pa lang. Marami silang hindi pinagkakasunduan. Nauwi ang lahat sa pisikal na pananakit ng male personality sa kanyang misis.

Kuwento ng aming source, “Mayaman ang pamilya ng girl, hindi pera ang pinag-aawayan nila, may matatakbuhan ang misis niya kung pera lang ang nagiging problema nila.

“Ang hindi kinakaya ng girl, e, ang mga kuwentong nakararating sa kanya na bukod sa babaero na ang husband niya, e, may gay benefactor pa.

“Kaya nga ang biruan ng mga kaibigan nila, e, chickboy ang male personality, puwede sa chick, puwede sa boy,” unang kuwento ng aming source.

Wala nang solusyon ang kanilang pagsasama, sagana sa pananakit na pisikal ang babae, kaya nakipaghiwalay na siya sa male personality.

Nangibang-bansa ang babae, may nakilalang banyagang super-yaman, bukod sa mahal na siya at nirerespeto ay mahal din nito ang kanyang pamil­ya.

Patuloy ng aming impormante, “Sinuwerte ang girl, lahat ng sakit na natikman niya sa male personality, e, nabawi niya dahil sa sobrang bait ng nakarelasyon niya na foreigner.

“Awang-awa sa kanya ‘yung milronaryong businessman dahil ipinakita niya ang mga retrato niya nu’ng sinasaktan siya ng male personality. Sarado ang mga mata niya, punumpuno ng pasa ang katawan niya, hindi na halos siya makilala.

“Ang gusto ng foreigner, e, umuwi siya rito para kasuhan ang male personality. Gusto siyang ipaghiganti ng karelasyon niya. Pero hindi na pumayag ang girl, tutal naman, e, maayos na maayos na ang buhay niya ngayon sa poder ng foreigner.

“Saka nalaman niya na hanggang nga­yon pala, e, may mga gay benefactor pa rin ang male personality, hindi pa rin siya nagbabago, namamakla pa rin ang ex niya para lang masunod ang granatsa niya sa buhay.

“Kuwentas-klaras na lang daw ang laban. It’s a tie! Super-yaman na ang girl habang nagbebenta pa rin ng hotdog ang ex niya,” napapailing na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Iza at Jodi, walang kupas

Para kaming nasabik sa paborito naming ulam na matagal naming hindi natikman, kaya nu’ng nakaraang Sabado ay tumutok kami sa weekend teleserye marathon ng ABS-CBN, na napapanood na ngayon sa A2Z Channel 11.

Tatlong sunud-sunod na serye ‘yun, ang FPJ’s Ang Probinsiyano, Ang Sa Iyo Ay Akin at ang Walang Hanggang Paalam. Nahuli kami sa biyahe dahil hindi naman namin napapanood ang mga seryeng ‘yun sa digital channel ng nagsaradong network.

Tatak-Direk FM Reyes talaga ang seryeng pinagsasamahan nina Iza Calzado, Jodi Sta. Maria, Sam Milby at Maricel Soriano.

Walang kupas ang pagganap nina Iza at Jodi, kaya pati ang pinag-aagawan nilang lalaki na si Sam Milby ay nakasabay sa kanilang pag-arte, panalung-panalo ang kanilang mga eksena.

Kung gaano kamapagpatawad ang karakter ni Iza ay pailalim naman ang mga plano ni Jodi, sasadyain niya talagang angkinin ang lahat ng meron si Iza, maraming galit sa karakter nila ni Sam Milby.

Manonood nasabik sa mga serye nila Angelica

Para namang foreign movie ang maangas na pagsisimula ng Walang Hanggang Paalam, matikas ang datingan nina Jake Cuena at Paulo Avelino, wala kang itatapong eksena sa unang pagbubukas ng serye.

Labas ang mga personal na isyung kinasasangkutan ni Paulo Avelino, bilang aktor ay lutang na lutang ang kanyang talento, sayang na sayang ‘yun kung hindi siya mabibigyan ng mga seryeng mas susukat pa sa husay niyang gumanap.

Wala nang kuwestiyon ang mga atake ni Angelica Panganiban, ganu’n din ni Zanjoe Marudo, habang nang-iimbita naman ng pagkainis ang karakter ni Cherry Pie Picache bilang paimbabaw na doktora.

Marathon talaga ang palabas, literal na dyinggel lang ang pahinga, pero hindi ka makakaramdam ng pagkainip dahil nasabik kang panoorin uli ang mga serye ng ABS-CBN.

Pagkatapos ng Walang Hanggang Paalam ay biglang sumunod agad ang programa ng Jesus Is Lord, pasigaw na sinabi ni Brother Eddie Villanueva, Jesus is alive!” Buhay na buhay ang Diyos!

Napapitlag kami, oo nga pala, hindi na ABS-CBN ang istasyong pinanonood namin, dahil nakikisukob sila ngayon sa A2Z Channel 11.

ANGELICA PANGANIBAN IZA CALZADO JODI STA MARIA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with