Manay Ichu malaking kawalan sa industriya
Manay Ichu
STAR/ File
Manay Ichu malaking kawalan sa industriya
ISYU AT BANAT! - Ed de Leon (Pilipino Star Ngayon) - September 9, 2020 - 12:00am

“Huwag kayong gagawa ng pelikula para sa sarili lang ninyo. Papaano ang gagawin ninyo kung walang ibang manonood? Ang pelikula, aminin natin, negosyo iyan. Kailangan mabawi mo man lang ang pinuhunan mo para ma­kagawa ka ng isang pelikula ulit. Tayo ay isang industriya, isipin din natin ang mga manggagawa sa industriya natin. Kung hindi kikita ang mga pelikula, papaano?” ang madalas sabihin ni Marichu Vera Perez Maceda, na itinuturing na isa sa mga haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino.

Hindi mo masasabing si Manay Ichu ay hindi progresibo ang kaisipan.

Katunayan wala pa ang mga gumagawa ng mga “art films” na sinasabi nila, gumawa na siya ng isang experimental project, ang Batch 81. Bukas siya sa pagpo-produce ng mga pelikulang progresibo, ang sinasabi lang niya, ito ay isang industriya na kailangang kumita naman.

Iyan ang natutuhan niya sa kanyang mga magulang. Magmula pa sa kanyang lolo na si Senator Jose Vera, at lalo na nga sa kanyang ama na si Dr. Jose Perez, nalaman niya ang tamang pagpapatakbo ng isang kumpanya ng pelikula, at kung papaano rin maka-discover at magpasikat ng isang artista. May panahong ang kanilang kumpanya ng pelikula ang siya ring kinikilalang number one sa pagpapasikat ng mga artista.

Lumaki si Manay Ichu sa ganyang kapaligiran. Nagsimula siya sa pelikula bilang costume manager. Lahat nang isinusuot at ginagamit ng mga artista, siya ang namamahala.

Sa panahon ngayon, trabaho iyan ng isang production designer, pero noong kanilang panahon isang namamahala lang sa costume, at props men ang gumagawa ng lahat ng iyan.

Nang malaunan, nagsulat na rin ng kuwentong pampelikula si Manay Ichu. At nang pumanaw na nga si Doc Perez, si Manay Ichu na ang kinikilalang namumuno ng Sampaguita Pictures.

Ang kanilang kumpanya lamang ang naiwan sa kinikilala noong “Big 4.”

Nagsimula ang Sampaguita bago pa ang World War 2, noong 1937. Dumating din ang panahon na pinasok ng Sampaguita Pictures ang produksiyon ng mga drama sa telebisyon. Lahat iyan nagawa sa pamamatnubay ni Manay Ichu.

Pero ang isang bagay na hindi makalimutan ng lahat kay Manay Ichu, ay ang kanyang kabutihang loob. Lagi siyang nakahandang tumulong sa kung sino man ang nangangailangan.

Kilala rin niya ang lahat ng tao, at nagagawa niyang batiin at tawagin sa kanilang mga pangalan. Kung sabihin nga, si Manay Ichu ang pinakamahusay na PR ng kanilang mga pelikula at kumpanya.

Kasama si Manay Ichu sa nagtayo ng Mowelfund, FAP na kung saan isa siya sa unang director general, ang Film Development Council kung saan siya ang unang chairperson, Metro Manila Film Festival,  PMPPA, at iba pang may kinalaman sa industriya ng pelikula.

Ngayon, wala na si Manay Ichu. Nagbalik na siya sa piling ng Maykapal noong Lunes ng umaga, matapos ang isang atake sa puso. Nai-cremate na rin ang kanyang mga labi, at dinala pagkatapos sa chapel sa loob mismo ng Sampaguita Studios sa Gilmore.

Napakalaking kawalan ang pagpanaw ni Manay Ichu, lalo na sa panahong ito na lugmok ang industriya dahil sa pandemya.

Marahil kung nabubuhay pa siya, marami siyang maiisip na paraan kung papaano makakabangon ang industriya. Marahil magagawan niya ng paraan para matulungan pa ang mga manggagawang matagal nang walang hanapbuhay dahil natigil ang pelikula.

Ang industriya ay parang napilay ngayong nawala si Manay Ichu.

Ipanalangin na lamang nating matagpuan niya ang kapayapaang walang hanggan sa kanyang kinaroroonan ngayon.

MANAY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with