Leeg ng aktres, hindi nagagawan ng paraan ng make-up artist!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - August 25, 2020 - 12:00am

Nakakalokang-nakakaaliw ang mga kuwento tungkol sa isang kilalang female perso­nality. Maganda na siya pero kailangan pa rin niyang magpa-make-up kapag humaharap siya sa mga camera.

Pero bakit nga ba iniiwasan siya ng mga make-up artists at nag-aayos ng buhok? Bakit kapag tumatawag na siya sa ka-ex-deal niyang parlor ay tumatanggi ang mga tauhan para siya ayusan?

Kuwento ng aming source, “Napakahirap kasi siyang gawin! Walang tumatagal na make-up artist sa kanya dahil sobrang likot niya habang inaayusan!

“Sobrang likot niya, hirap na hirap sa kanya ang make-up artist, pati ang nag-aayos ng hair niya. Paano nga naman kung sa kalikutan niya, e, mapaso siya ng nagbo-blower?

“Naku, ilang make-up artist na ba ang sumuko sa kanya? Okey lang na hindi kumikibo ang inaayusan, okey lang ang kasupladahan, pero ang kalikutan?” unang sultada ng aming impormante.

Mahilig makipag-usap sa telepono ang kilalang female personality. Pero sa kanyang pagtetelebabad ay kung anu-ano ang pinaggagagawa niya na ikinaiirita ng nag-aayos sa kanya.

Patuloy ng aming source, “Alam n’yo bang habang nakikipagkuwentuhan siya, e, bigla na lang siyang tatawa nang pagkalakas-lakas na may pahampas-hampas pa siya sa make-up table?

“Kung minsan naman, kapag maraming episodes ng show nila ang itine-tape nila, e, tinatamad na ang hitad, kaya bigla na lang siyang mahihiga sa bed na dala niya sa taping.

“Nakakaloka! Paano siya memeyk-apan at aayusan nang nakahiga siya? Talagang sakripisyo ang inaabot ng mga make-up artist sa kanya! Dusang malaki, kaya kapag tumatawag siya sa parlor, nag-iiwasan ang staff na ayusan siya!” tawa nang tawang kuwento pa ng aming source.

Maganda naman ang female personality, hindi nga siya alipin ng make-up, pero kailangan niyang magpalagay ng contour para magmukha siyang payat.

“Mismo! Masyuba kasi siya, pati ang face niya, lumolobo sa laki. Kaya kailangan siyang maayusan para matapyas-tapyas naman ang face value niya!

“Pero ang leeg ng girl, e, hindi na kayang gawan ng paraan ng make-up artist, ‘yun na ‘yun, hindi naman kasi milagrosa ang mga kamay ng make-up artist!” humahalakhak pa ring pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

TV5 dalawang araw nag-disinfect Raffy ayaw makakaamoy ng sigarilyo

Biyernes nang gabi ay nagkaroon ng stationwide na pagdi-disinfect sa gusali at buong bakuran ng TV5. Pinauwi na ang lahat ng mga empleyado at kinansela muna ang mga programang napapanood tuwing gabi.

Talagang nag-spray sa buong bakuran ng network, binusisi ang lahat ng mga studio at opisina, para sa kaligtasan ng mga nagtatrabaho sa istasyon.

Dalawang araw na ginawa ang pagdi-disinfect, kahapon lang uli ipinagamit ang mga studio para sa departamento ng News na live na ginagawa sa istasyon, pati ang mga shows na itine-tape.

Kailangan talagang ihanap ng panahon ang ganu’n kahalagang aksiyon, aktibo na naman ngayon ang TV5, maraming nadagdag na programa at para maiwasan ang pagpopositibo sa coronavirus ay tripleng pag-iingat ang kailangang gawin ng pamunuan ng network.

Wala pang pandemya ay maingat na sa kanyang kalusugan si Raffy Tulfo. Palagi siyang may alcohol habang tumatakbo ang kanyang programa. Kapag may staff siyang inuubo o sinisipon ay pinagagamit niya na ng face mask para hindi makahawa.

Malinis sa katawan ang walang inuurungang news anchor, kahit ang kanyang sasakyan ay napakalinis din, matindi ang pang-amoy niya lalo na sa amoy ng sigarilyo.

Hindi puwedeng magsigarilyo ang mga security niya habang kasama pa siya, magagawa lang ‘yun ng kanyang mga escort kapag nakauwi na siya ng bahay, matinding kautusan ‘yun ng matapang pero mapusong news anchor sa kanyang mga nasasakupan.

Tawa kami nang tawa kapag sumisingit sa pagyoyosi ang kanyang staff, spray sila nang spray ng cologne, para hindi sila maamoy ni Kuya Raffy.

“Magastos na boss siya! Kailangan mo talagang magbitbit ng cologne basta nand’yan siya, ang talas ng pang-amoy ni sir!” tumatawang komento ng kanyang pinagkakatiwalaang si Carol.

Dating naninigarilyo si Kuya Raffy, pero kinailangan niyang huminto dahil nagkaroon siya ng sinusitis, napakahirap nga naman sa kanyang trabaho ang ganu’n na habang nagtatawid siya ng mga balita ay pasinga-singa siya.

Tamang desisyon.

ARTIST
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with