Aktor na nagmatapang sa umpisa ng laban, iniwan sa ere ng kakampi
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - August 2, 2020 - 12:00am

Totoo pala ang umiikot na kuwentong nagkaroon nang matinding tampo ang isang sikat na male personality sa mga taong inaasahan niyang magbibigay ng proteksiyon sa kanya.

Kung matatandaan ay ang pamosong lalaking personalidad na ito ang unang-unang nakipaglaban para sa kapakanan ng kanilang network.

Itinaya niya ang kanyang sari­ling buhay, matatalim na salita ang binitiwan niya, na para pa nga siyang naghahamon.

Pero maraming nagtataka-nagtatanong kung bakit pagkatapos nu’n ay wala nang narinig pa uli mula sa sikat na male personality.

Kuwento ng isang source, “Talagang hindi na siya magsasalita pa uli. Kahit nga sa mga rally na ipinanawagan ng mga kasamahan niya, e, hindi na rin siya sumama, di ba?

“Matindi ang tampo niya sa mga taong dapat, e, nagbigay ng protection sa kanya. Lahat-lahat na nga naman, e, itinaya na niya, tapos, siya ang nadiin.

“Feeling niya, e, parang ipinambala lang siya sa laban, parang nagamit lang siya, na-bash pa nga siya nang matindi nang dahil du’n!” unang kuwento ng aming impormante.

Pagkatapos ng una niyang pagsasalita ay hindi na ‘yun naulit, hindi na rin siya masyadong aktibo sa social media, pero nandu’n pa rin naman ang matindi niyang pagtanaw ng utang na loob sa network na nagpasikat sa kanya.

Patuloy ng source, “Hindi na mawawala ang pasasalamat at pagtanaw niya ng utang na loob sa network, alam niya na napakalaki ng nagawang tulong sa career niya ng istasyon.

“Pero ‘yung haharap na naman siya sa mga camera at magpapakawala nang matitinding salita, e, hindi na niya gagawin. Tahimik na lang siyang makikisimpatya sa mga kasamahan niyang nawalan ng trabaho.

“In fairness, sa pananahimik niya ngayon, e, marami siyang natutulungan, nagbibigay siya ng ayuda, lalo na sa mga kasamahan niya sa serye na walang trabaho.

“Hanggang du’n na lang ang magagawa niya, hindi na siya magsasalita pa uli, dahil siya ang nalagay sa alanganin sa ginawa niya,” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!                                               

Kapamilya stars nabawasan na ang nararamdamang galit

Malagihay na ang ipinakikitang suporta ng mga artista ng ABS-CBN sa pagpapasarado sa kanilang network. May mga aktibo pa rin sa social media, pero hindi na tulad nang dati, nabawasan na ang kanilang emosyon.

Kahit nga si Angel Locsin na akala mo miyembro ng makakaliwang grupo sa pakikipaglaban ay medyo naghihinay-hinay na rin ngayon.

Aktibo pa rin sa social media si Kim Chiu, hinahanap ng aktres ang siyam na trillion na pagkakautang ng gobyerno, saan daw napunta ‘yun?

Si Jennylyn Mercado na Kapuso ay patuloy ang pakikisimpatya sa mga taga-Kapamilya, matapang ang aktres, wala siyang pakialam sa mga tumatawag sa kanyang sawsawera at pakialamera.

Bakit nga naman, kailan pa naging kasalanan ang makisimpatya sa mga kasamahan sa industriya na nawalan ng trabaho, krimen ba ‘yun?

Sabi ng isang pulitikong nakausap namin, “Matagal na panahon pa ang ipaghihintay ng ABS-CBN, sa 2022 pa sila magkakaroon ng pag-asa, hindi nila makukuha ang gusto nila sa mga panahong ito.”

Nakakalungkot na senaryo.

Kris kinasasabikan

Maging ang mga kaibigan naming nanini­rahan na sa iba-ibang bansa ay sabik na sabik na mapanood ang pagbabalik-telebisyon ni Kris Aquino.

Napakahaba nga naman ng ipinaghintay nila, halos apat na taong walang Kris Aquino sa TV, na nakasanayan na nila nang ilang dekada.

Komento ng kaibigan naming si Vangie Caperal Aleemi ng Virginia, USA, “Yes! Babalik na ang bratinela sa TV! Excited na kaming mapanood ang show niya sa TV5, anu-ano na naman kayang nakawiwindang na revelations ang sasabihin niya?

“Totoo naman na Philippine television was never the same nu’ng mawala siya! Nakaka-miss ang kataklesan niya, kaya waiting na kami sa August 15,” sabi ng aming kaibigan.

Literal siyang inetsa-puwera ng ABS-CBN na ang totoong dahilan ay hindi pa malinaw magpahanggang ngayon. Basta hindi na lang siya binigyan ng bagong kontrata ng network.

May kilabot na mararamdaman na kung kailan naman ipinasarado na ang ABS-CBN ay saka siya muling mapapanood.

Ang tadhana talaga, kahit hindi naman komed­yante, ay mapagbiro.

ABS-CBN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with