Sikat na personalidad nang-iniinis sa mga umuupak sa dyowang suportado ang pamilya
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - August 1, 2020 - 12:00am

Nakakaawa naman ang isang male perso­nality na kung upakan at husgahan ngayon sa social media ay parang wala na siyang karapatang mabuhay. Grabe ang pangmamaliit sa kanyang pagkatao.

Parang pinalalabas ng mga taong ‘yun na kung hindi dumating sa kanyang buhay ang isang sikat na TV-movie personality ay baka namatay na sila sa gutom ng kanyang pamilya.

Mabuti na lang at mahaba ang pisi ng pasensiya ng male personality, nasasaktan siya, pero tinitiis na lang niya ang masasakit na salitang ipinupukol laban sa kanya.

Kuwento ng isang source, “Kung hindi lang mayaman ang karelasyon niya ngayon, e, hindi naman niya aabutin ang ganyan kasasakit na salita. Nagkataon lang kasing mayaman ‘yung TV-movie personality, kaya siya sinasaktan at hinuhusgahan,” unang komento ng aming source.

Pero walang dapat ikalungkot ang male personality, hindi nagpapadala sa mga bulong at sulsol ang kanyang karelasyon, ang mahalaga ay maligaya sila nito.

Patuloy ng aming source, “Mabuti na lang at ang natagpuan niyang karelasyon, e, parang si Kulas na habang pinipigil, e, lalong nagpupumiglas!

“Ugali niya ‘yun! Mas maraming kumokontra sa mga desisyong ginagawa niya, e, mas lumalalim ang pagmamahal niya sa taong ibinabagsak ng iba.

“Ginagawang mukhang pera ang boyfriend niya? Lalo siyang nang-iinis! Lalo niyang sinusuportahan ang guy at ang family niya!

“E, bakit nga naman, pera niya ang ginagastos niya, ang ipinangtutulong niya, ano nga naman ang pakialam ng ibang tao sa mga ginagawa niya para sa pamilya ng male personality?

“Isa pa, maligaya ang beki, sobrang kaligayahan ang ibinibigay sa kanya nu’ng male personality, kaya bang ibigay ‘yun ng ibang tao sa kanya?

“Kaya mapapagod lang ang mga bashers sa kabibira sa boyfriend niya, nagsasayang lang sila ng pagod at laway! Walang pinakikinggan ngayon ang beki kung hindi ang puso niya!” napakadiin pang komento ng aming impormante.

Maganda nga naman ang takbo ng kanilang relasyon, ramdam ng beki na totoo ang pagmamahal sa kanya ng male personality, kesehodang sinasabi ng marami na datung lang ang habol sa kanya ng lalaki.

“Ayown! Maliwanag na ang kuwento, walang pakialam ang beki sa mga paninirang ibinabato sa male personality na nagpapaligaya sa kanya ngayon!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Matapos apihin Kris nakatanggap ng blessing sa pandemic

Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ng mga tagasuporta ni Kris Aquino ang kanyang pagbabalik-telebisyon pagkatapos nang halos apat na mahahabang taon.

Sa totoo lang, hindi nga naman kumpleto ang mapa ng telebisyon kung wala ang Queen Of Talk, ibang-iba ang karismang meron si Kris Aquino.

At napakamarkado ng kanyang pagbabalik sa August 15 para sa Love Life With Kris na sigurado nang mapapanood sa Cignal TV5, nabaligtad ang tadhana, sasahimpapawid uli si Kris sa isang panahong nagluluksa ang bakuran ng ABS-CBN na naka-padlock na ngayon ang lahat ng mga bintana at pintuan.

Makabuluhan ang ipinadalang mensahe sa amin ni SOS, isang anak-anakang palaging nakatutok sa mga nagaganap sa lokal na aliwan, ito ang kanyang opinyon.

Sabi ni SOS, “Read your PSN column, happy rin po kami na finally, magbabalik na si Kris Aquino. Mabuti naman po at wala nang aberya, mapapanood na namin siya sa August 15.

“Very memorable po ang August 15 dahil Feast of the Assumption of Mary po ‘yun. Malaking event po ‘yun sa Catholic church. Kilala naman natin na devout Catholic si Kris, kaya naisip din po namin na nagkaroon siya ng divine justice pagkatapos siyang abandonahin ng ABS-CBN na sarado na ngayon.

“Sana po, e, maging magnanimous in victory si Kris, sana po, e, maging humbling experience para sa kanya na after siyang apihin, pero sa panahon pa ng pandemic siya nakatanggap ng blessing.

“Kaya dapat po, e, behave na siya, dapat, ang maging theme song na niya ngayon, e, ang This Time I’ll Be Sweeter ni Angela Bofill!” kumpletong makabuluhang mensahe ni SOS.

Totoo ang kanyang punto. Ibang klase talagang magbiro ang kapalaran. Kung kailan ipinasarado na ang network na nagsarado rin ng pintuan, bintana at bubong para kay Kris Aquino ay saka naman siya niregaluhan ng pagkakataong makabalik uli.

Sabi nu’n ni Kris ay bakit pa siya babalik sa istasyong hindi naman nagparamdam sa kanya ng pagmamahal? Ibabasura na niya ang litanyang ‘yun dahil wala na talaga siyang babalikang istasyong hindi nagpahalaga sa kanyang pagseserbisyo nang mahabang panahon.

Litanya nga ni Angel Locsin sa mga nananahimik nitong kasamahang artista sa pakikipaglaban sa ABS-CBN, “Wala na kayong network, wala na kayong career!”

Ipagpaumanhin, sila lang ‘yun, dahil may career pa rin si Kris Aquino, Buhay na buhay pa, sumisipa pa rin, at muli siyang magbabalik para magpalaganap uli ng kaligayahan sa sambayanan.

KRIS AQUINO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with