Utility men nag-uumpisa nang ma-miss ang aktres na sobrang takaw at bansot na aktor na pangit ang ugali

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - July 23, 2020 - 12:00am

Problemado ngayon ang mahalaga pero maliliit na manggagawa ng isang istasyon dahil damay sila sa pagkawala ng kanilang trabaho.

Sila ang mga nag-aalaga sa mga pangangaila-ngan ng mga artista habang gumigiling ang mga camera sa shooting at taping. Inaasikaso nila ang buong produksiyon.

Sila ang mga utility men na tagatimpla ng kape at tagabili ng kung anumang gusto ng mga artista. Wala na silang trabaho ngayon dahil kanselado na ang mga programang pinagseserbisyuhan nila.

Puro alaala na lang ang naiiwanan sa kanila ngayon, ‘yun ang mga artistang hinding-hindi nila makakalimutan, dahil sa iba-ibang dahilan.

Sabi ni Source A, “Natural, hindi na nila makakasama ngayon ang isang sikat na female personality na napakalakas lumafang! Ang payat-payat niya, parang wala nga siyang mga bituka sa sobrang flat ng tiyan niya, pero naman!

“Nakakatatlong serving kaya siya ng rice! Nagtatanungan nga ang mga utility kung saan niya dinadala ang food, kasi nga, sobrang flat ng tiyan niya!

“Pero ang lakas-lakas niyang kumain! Tatlong rice, e, hindi nga makaubos ng isang serving lang ang mga katrabaho niyang lalaki?

“Mami-miss nila ngayon ang female personality na ‘yun na hindi mapili sa ulam! Kahit ano, kinakain niya, nakakatatlong serving ng rice siya, para siyang hindi kumakain sa bahay nila!” tawa nang tawang pag-alala ni Source A.

Natural, hindi magpapakabog si Source B, meron din itong naaalala. Tungkol naman ‘yun sa isang male personality na maangas at walang respeto sa maliliit na manggagawa ng network.

Kuwento ni Source B, “Buti naman at hindi na nila makakasama ang maangas na lalaking ‘yun na kung makapag-utos sa mga utility, e, akala mo siya ang nagpapasuweldo!

“May kabastusan at kaangasan ang pandakukok na aktor-aktorang ‘yun! Ni hindi nga niya tinatawag sa pangalan ang mga utility, pinapaswitan lang niya, hoy ang pangtawag niya!

“E, napikon na sa kanya ang isang utility, ang sabi sa kanya, ‘Sir, ____ po ang pangalan ko. Hindi po hoy ang pangalan ko!’ O, loko, di nakahanap siya ng katapat!

“Kung ang mga tunay ngang bida sa serye, e, magagalang sa mga utility, siya pa kayang hindi pa naman bumibida ang aasta ng ganu’n! Kasing-igsi ng name niya ang ugali niyang hindi kagandahan!

“Naku, maraming naiinis na utility sa male personality na ‘yun na bahagya nang umangat sa lupa ang height! Maangas siya!” pagtatapos ng napapailing naming source.

Ubos!

Catriona ‘di kumuda, mabilis ang aksyon sa retokadong hubad na litrato

Pinakatamang paraan ang ginawa ni Catriona Gray. Napapalibutan siya ng mga tamang taong nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya.

Wasto ang ginawa nilang pagdulog sa NBI. Tamang hakbang ‘yun para masolusyunan ang kanyang problema tungkol sa kanyang mga larawang pinakakalat na wala siyang saplot sa katawan.

Basta may kinalaman sa social media ang problema ay ang mga ahente ng NBI ang tamang pagsumbungan. Cyber libel, cyber bullying, cyber photoshop at iba pang krimen ang linyang isandaang porsiyentong nasosolusyunan ng NBI.

Umaandar na ngayon ang kaso, nag-iimbestiga na ang NBI kung saan nag-ugat at kung sino ang taong nasa likod ng paglalantad ng mga retratong hubad ni Catriona Gray, kailangang managot-maparusahan ang nagpasimuno ng kabastusang ito.

May nakaputong na korona sa ulo si Catriona. Isa siya sa mga Pilipinong nagsulat ng pangalan ng ating bansa sa mapa ng mundo.

Kung ang mga kababaihan ngang walang titulo ay hindi dapat babuyin, si Catriona Gray pa bang isang malaking karangalan ang ibinigay sa ating bayan ang bababuyin, ang ipahiya sa buong bayan sa pamamagitan ng kanyang mga retratong dinoktor lang naman?

Tama lang ang ginawa niya. Hindi siya kumuda nang kumuda sa kanyang social media account para depensahan ang kanyang sarili, kumuha siya ng abogado at sa NBI lumapit para humingi ng tulong, ‘yun ang pinakatamang hakbang.

At sana’y idamay na rin sa kanyang paglapit sa mga otoridad ang mga taong nambabastos sa kanya, ‘yun mga taong dahil hindi makatanggap sa katotohanan ay panay-panay ang mga malisyosong kuwentong ipinakakalat tungkol sa kanya, sentruhan na rin sana ‘yun ng NBI.

Huwag na siyang magsayang ng laway sa mga ganu’ng klase ng tao, kamay na bakal ang kailangang makatapat nito, para magising sa katotohanan na ang babae, nakarelasyon man o hindi, ay nirerespeto.

AKTOR AKTRES
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with