^

PSN Showbiz

Mga artista at empleyado ng dos, walang katapusan ang pag-iyak

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
Mga artista at empleyado ng dos, walang katapusan ang pag-iyak
Vice Ganda

Anuman at sinumang naging mahalagang bahagi ng ating buhay, kapag humaharap sa matinding pagsubok, ay kalahati ng puso natin ang nakikiramay.

Walang taong namatay, wala tayong nakikitang kabaong, pero higit pa du’n ang nararamdaman ngayong pagluluksa ng mga may-ari, ehekutibo, artista at mga empleyado ng ABS-CBN.

Ayon sa ilang nakatanaw, sa unang araw pa lang ng pagdinig sa hinihinging prangkisa ng network ay kasado na ang kanilang pagkabigo, pero iba pa rin kapag harap-harapan na nating nakikita ang mga numero sa ginanap na botohan.

Napakalaki ng agwat, 70-11. Pitumpu ang bilang ng mga kongresistang humarang sa pagbibigay ng prangkisa sa istasyon at labing-isa lamang ang bumoto para sa kanilang pagpapatuloy sa himpapawid.

Hindi namin maimadyin kung anong uri ng kalungkutan ang bumalot sa lahat ng mga taong literal na nasagasaan sa pagpatay ng Kamara sa tanging hiling ng ABS-CBN.

“Walang script, pero napaiyak ako nu’ng makita ko si Angel Locsin na nagpapahid ng luha,” sabi ng kaibigan naming propesor.

Kinilabutan kami nang marinig namin ang panawagan ng isang empleyado ng istasyon, “Hindi na po magugutom ang pamilya Lopez, pero paano naman po kami na umaasa lang sa network ng ikinabubuhay ng aming pamilya?”

Tumawag sa amin ang isang dating katrabaho sa istasyon, iyak ito nang iyak, “Nanay, ito na ‘yun. Bumagsak na ang Damocles sword na kinatatakutan naming lahat sa network.

“Napakasakit. Dito na ako nakapangasawa, dito na ako nagkaroon ng mga anak, sobra pa sa kalahati ng buhay ko ang ginugol ko sa ABS-CBN, napakasakit ng pangyayaring ito,” iyak nang iyak na sabi ng aming kausap.

Komento ni Vice Ganda, “Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko, parang hindi ako makapagsalita. Basta ang alam ko lang, napakalungkot ko ngayon.”

Hindi matapus-tapos ang pagluha ng mga artista, empleyado at mga ehekutibo ng ABS-CBN. Walang mag-iisip sinuman sa kanila na hahantong sa ganito katindi ang kapalaran ng kanilang istasyon.

Willie at AiAi, tahimik pa sa hatol sa Kapamilya network

Maraming nagtatanong sa amin kung ano ang damdamin ngayon nina Willie Revillame at AiAi delas Alas sa pagpapasarado sa ABS-CBN?

Matagal na panahong nagserbisyo sa network sina Willie at AiAi, pero isang araw ay bigla na lang silang nawala, mas matindi ang naganap kay Willie dahil literal itong sinipa ng pamunuan ng network.

Iba naman ang kaso ni AiAi, miniting siya ng mga ehekutibo ng network, akala niya ay bagong proyekto ang kanilang uupuan pero hindi pala.

“Pinagso-sorry siya ng executive kay Kris Aquino. Hindi pumayag si AiAi. Feeling niya, e, bakit siya magso-sorry kay Kris, samantalang siya na nga ang sinaktan?” kuwento ng aming source.

Fast forward tayo. Lumipat si AiAi sa GMA-7, naging maayos ang takbo ng kanyang career sa kalabang istasyon ng kanyang pinanggalingan, napanatili niya ang kanyang korona bilang Comedy Concert Queen.

Pero ilang taon lang pagkatapos, ang kinampihan ng mga ehekutibong si Kris Aquino ay pinagsaraduhan ng pintuan ng istasyon, masalimuot ang kuwento ng hindi na pagre-renew ng kontrata ng aktres-TV host.

Nabasag ang kapaniwalaan sa network na mawawala ang lahat ng mga artista ng istasyon, pero hinding-hindi si Kris Aquino, dahil sa panahon ng kanyang inang dating pangulo nabawi ng mga Lopez ang kanilang broadcasting company na ipinasarado ng rehimeng Marcos.

Kanya-kanya na...

Ang tanungan ngayon ng lahat ng mga nagtatrabaho sa ABS-CBN ay paano na? Ano na ang naghihintay na kapalaran sa kanila ngayong ikinandado na ng Kamara ang kalayaang makapagsahimpapawid uli ang network?

Nagkaroon ng pangalawang buhay at karera sina Willie Revillame at AiAi delas Alas sa labas ng bakuran ng ABS-CBN. Hindi sila nawala sa gitna ng aksiyon.

Malaking utang na loob na tinatanaw ni Willie ang pagtanggap sa kanya ng TV5 at ng GMA-7. Kapipirma lang uli ng bagong kontrata ni AiAi sa Kapuso network.

Kung kinaya nila ay makakaya ring gawin ‘yun ng mga personalidad na wala nang trabaho ngayon. Palaging may pangalawang glorya.

Maliit na nga lang ang kanilang mundo ngayon, dalawang istasyon na lang ang kanilang maaaring puntahan, ang GMA-7 at ang TV5.

At napakarami nila, daan-daang artista ng ABS-CBN ang nangangailangan ng trabaho ngayon. Iilang piraso ng karne ang pag-aagaw-agawan nila ngayon para sa kanilang kabuhayan.

Napakasaklap pero totoong-totoo. Matira ang matibay na ang labanan ngayon. Ang mga armado ng talento ay may pupuntahan at ang mga hindi naman kailangan ay mababalagoong.

vuukle comment

ABS-CBN

VICE GANDA

WILLIE REVILLAME

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with