^

Punto Mo

Kailangan din ba natin ng face shield?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

SANAY na ang marami sa atin sa pagsusuot ng face mask saan man tayo naroon. Bahagi na siya ng “bagong normal” sa araw-araw nating pamumuhay.  Obligado ang sino man na magsuot nito kapag papasok sa botika, ospital, pampubliko at pribadong opisina, restawran, pampublikong sasakyan, pampublikong pamilihan, shopping mall, supermarket,  at iba pa.

Bukod sa face mask, dumarami na rin ang nagsusuot ng face shield na sinasabing kabilang sa proteksyon laban sa COVID-19. Kasama ang face shield sa itinuturing na personal protective equipment (PPE) na karaniwang ginagamit ng mga doktor, nurse at iba pang mga nagtatrabaho sa ospital at mga nag-aalaga ng mga pasyenteng may COVID.

Wala namang ipinapahiwatig ang mga kinuukulang awtoridad kung dapat din bang magsuot ng face shield ang publiko bukod sa face mask kapag nasa labas ng bahay at nagtutungo sa mga pampublikong lugar o sasakyan o palengke, shopping malls, botika, pinagtatrabahuhan, tanggapan ng gobyerno at iba pa.

Pero may mga tao na ring gumagamit ng face shield kahit hindi naman sila health worker. Kaya, bukod sa face mask, naglipana na rin sa kapaligiran ang mga nagbebenta at gumagamit  ng face shield. Sa harap ng pandemya at community quarantine o lockdown, maraming tao ang nakakita ng dagdag na pagkakakitaan.

Itinuturing ding dagdag na proteksyon ang face shield lalo na para sa mga nagtatrabaho sa mga ospital. May mga ekspertong nagmumungkahing dapat ipaubaya na lang sa mga health worker ang pagsusuot ng face shield.

Isang bentahe sa face shield na tinatakpan nito ang buong mukha na hindi tulad ng face mask na bibig at ilong lang ang natatakpan. Natatakpan din ng face shield ang mga mata para hindi mapasok ng virus. Sa face mask kasi, tangi lang natatakpan ang bibig, ilong at pisngi. Napipigilan din ang gumagamit ng face shield na hawakan ang kanyang mukha.

Hindi na rin kailangang tanggalin ang face shield kapag nagsasalita, madali rin itong idisinfect at muling nagagamit bukod sa maluwag na nakakahinga rito. Pero bukas naman ang magkabilang gilid nito na maaaring mapasok ng virus na hindi tulad ng face mask na saradung-sarado.

Maaaring paulit-ulit gamitin ang face shield na puwedeng linisin lang ng sabon at tubig o ng karaniwang disinfectant. Mas maginhawa rin itong isuot kumpara sa face mask. Nagpapaalala rin ang face shield sa pagtalima sa social/physical distancing. Hindi tulad sa face mask, sa face shield ay nakikita ang buong mukha ng tao at ang galaw ng kanyang mga labi.

Gayunman, anuman ang bentahe at disbentahe ng face shield at face mask, nasa ordinaryong mamamayan na rin kung nais din  nilang magsuot ng una. Tutal naman, pareho din silang proteksyon laban sa virus. Sabi nga, dagdag na proteksyon din ang face shield bagaman mas higit na itinuturo ng mga kinauukulan ang pagsusuot ng face mask para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Email: [email protected]

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with