^

Punto Mo

Balik-Balik Series: Balik-Tahanan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

ISA sa itinuturo sa atin ng COVID-19 pandemic ay ang pagtalikod sa kumplikadong pamumuhay sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa “Back to Basic,” ito’y ang pamumuhay nang simple at naaayon sa mga “Fundamental Principles.” Tatalakayin natin ito sa serye ng pag-uusap na tatawagin kong “Balik-Balik Series.”

Pag-usapan natin ngayon ang “Balik-Tahanan.” Hindi lamang ito ang lockdown sa tahanan para maligtas sa coronavirus. Ito’y ang pagbabalik sa tahanan bilang sentro ng pagsasaya, pagtatrabaho at pag-aaral.

Noong araw, ang pagsasaya ng pamilya, katulad ng selebrasyon ng birthday, ay karaniwang ginagawa sa loob lamang ng tahanan at hindi sa restaurant o mall. Bago mag-COVID-19, mas maraming oras ang ginugugol nang marami sa loob ng mga malls, kaya’t ang mga tahanan ay tila naging sleeping quarters na lamang.  Dahil sa COVID-19, balik-tahanan ang mga pagsasaya na mas ligtas at matipid pa.

Isang halimbawa ay ang pagdiriwang ng mga debut na dati’y sobrang garbo at gastos. Ngayon, ang pagsasaya ay naging virtual, ang seremonya ay sa pamamagitan na lamang ng Facebook o Zoom, at ang handaan ay para lamang sa pamilya sa loob ng tahanan. Mas matipid at mas makahulugan pa!

Noong araw, maraming hanapbuhay ang ginagawa sa loob ng tahanan. Ang maunlad na shoe industry ng Marikina ay nagsimula lamang sa mga silong ng tahanan. Ngayon, mara-ming empleyado ang nagtatrabaho sa pamamagitan ng “work from home arrangement.” Kahit na nga mas maliiit ang suweldo, mas maganda pa rin ito, dahil ligtas sa panganib at stress ng pagko-commute araw-araw.

Sa pagbubukas ng klase, maraming pag-aaral ang idaraan sa “online learning” kung saan sa bahay mag-aaral ang estudyante at ang kanyang magulang ay may mahalagang papel na gagampanan sa kanyang pagkatuto. Noong araw na wala pang mga eskuwelahan, talagang ang pag-aaral ay sa loob ng tahanan. Ang “home schooling” ay noon pang sinaunang panahon. Dahil sa COVID-19, ibinabalik sa mga magulang ang pangunahing responsibilidad sa pagkatuto ng mga anak, lalo na sa “character building”.

Ang balik-tahanan ay nangangahulugan din ng pagbabalik-probinsiya ng mga taong nandayuhan sa Metro Manila sa pag-aakalang dito nila matatagpuan ang magandang buhay.  Marami sa kanila’y bumagsak sa squatter areas. Napatunayan na sa panahon ng matinding krisis, mas madaling mag-survive sa probinsiya. Dahil sa COVID-19, marami ang nagpasyang bumalik na sa dati nilang mga tahanan sa probinsiya. Kay ganda nito! Wala nang ibang paraan para maging maayos ang paninirahan sa Metro Manila kundi ang pagbabawas sa 13 milyong populasyon nito.

Kasama sa konsepto ng balik-tahanan ang pagbabalik ng OFWs sa Pilipinas.  Apektado ang ating mga OFWs ng COVID-19 pandemic. Ayon sa DOLE, mahigit sa kalahating milyong OFWs ang mawawalan ng trabaho.  Napatunayan ng ating mga kababayan na sa panahon ng krisis, sila’y nasa hulihan ng listahan ng prayoridad ng mga bansang kanilang pinaglilingkuran.

Nawa’y dumating na ang panahon na hindi na kailangang magtrabaho sa ibang bansa ang mga Pilipino para hanapin ang kanilang kinabukasan. Nawa, ang COVID-19 ay magpatatag sa pamilyang Pilipino dahil sa mga natutuhan natin mula rito. Nakasaad nga sa Kawikaan 24:3-4, “Sa pamamagitan ng karunungan ay naitatayo ang bahay; at naitatag sa pamamagitan ng kaunawaan. Napupuno ang mga silid sa pamamagitan ng kaalaman, ng lahat ng mahalaga at kaaya-ayang kayamanan.”  

vuukle comment

BALIK-BALIK SERIES

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with