Aktor, ayaw umalis sa probinsiya ng kanyang ex

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - June 28, 2020 - 12:00am

Maraming naguguluhan sa totoong estado ng relasyon ng sinasabing nagkahiwalay na showbiz couple. Meron nang bagong karelasyon ang babae pero ang lalaki ay parang hindi pa rin bumibitiw.

Kung anu-ano nang dahilan ang ibinigay ng female personality tungkol sa paghihiwalay nila ng aktor, hindi kagandahan ang kanyang mga litanya, pero mukhang hindi naman tinatablan ang male personality.

Nagtatakang tanong-opinyon ng isang source, “Magulo ang set-up nila. Nakapagtataka dahil sinabi na nga nu’ng babae na hindi niya natagalan ang ugali nu’ng male personality, pero bakit ganu’n?

“Hindi pa rin naman umaalis ‘yung guy sa place nu’ng girl! Nandu’n pa rin naman siya, ang dami-daming nakakakita sa kanya na palakad-lakad sa mga lugar kung saan nakatira ang pamilya ng babae?

“Kung hiwalay na talaga sila, di ba dapat, e, umalis na siya sa probinsiya ng ex niya? Di ba dapat, e, bumalik na siya sa Manila?

“E, bakit nandu’n pa rin naman siya, hindi pa rin siya umaalis, samantalang lantaran na ngang ipino-post nu’ng girl ang bago niyang karelasyon?

“Ano ‘yun, hindi pa rin niya matanggap na tapos na sila? Hindi pa rin niya maiwan-iwan ang place na sabi nga niya, e, sobrang napamahal na sa kanya?

“Ano ba ang totoo? Hiwalay na ba talaga sila o trip-trip lang ang lumalabas na may bago nang boyfriend ‘yung girl?” takang-takang tanong ng aming source.

Iniisip naman ng iba na siguro nga ay may usapan ang dating magkarelasyon na hindi muna aalis sa lugar na ‘yun ang lalaki para matagal pa niyang makasama ang bunga ng kanilang pagmamahalan.

Baka naman nagkasundo sila sa ganu’ng sitwasyon, tutal naman ay kumuha ng sarili niyang tirahan ang male personality, pero malapit lang din sa bahay ng babae.

Balik-komento ng aming source, “Nakakapagtaka lang kasi ang sitwasyon nila, parang lumalabas kasi na kapit-tuko pa rin ang guy sa girl, samantalang kung anu-ano na nga ang mga pintas na pinagsasabi tungkol sa kanya!” pagtatapos ng naguguluhan naming impormante.

Ubos!

Mga pelikula ni Ramon Revilla Sr., nakaukit na sa showbiz

Nu’ng nakaraang episode ng Take It, Per Minute... Me Ganu’n ay naging paksa namin nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu ang patuloy na pakikipaglaban sa buhay ni dating Senador Ramon Revilla, Sr..

Sa edad na nobenta’y tres ay napakalinaw pa rin ng isip ng beteranong aktor. Marami pa rin siyang pinapansin, kilala niya ang mga bumibisita sa kanya sa pangalan, matindi ang memorya ni Tito Ramon.

Maysakit na siya nu’ng mga panahong ‘yun, labas-masok na siya sa ospital, nang imbitahan kami ni Princess Revilla sa farm ng kanilang ama na nasa likod lang ng pag-aari nilang memorial park.

Habang kumakain kami ay sinabi ni Tito Ramon, “Bakit hindi mo pa kinakain ang itlog sa arroz caldo mo?” Nagulat kami, pati ‘yun ay napansin pa niya, malinaw talaga ang kanyang memorya.

Mula nang itakbo siya sa ospital nu’ng katapusan ng Mayo ay nagsimula na ang pakikipaglaban ni Tito Ramon. Minsang gumaganda ang kanyang kundisyon, minsang kailangan siyang tutukan talaga ng mga doktor, kaya patuloy ang paghiling ng panalangin ng kanyang mga anak.

At nu’ng nakaraang Biyernes nga, alas-singko beinte nang hapon, ay tuluyan nang nagpaalam ang beteranong aktor-puliitko.

Ibinalik na niya sa Panginoon ang kanyang hiram na buhay sa edad na nobenta’y tres. Mga taong walang-wala siyang pagsisisihan dahil isang matagumpay na karera ang ibinigay sa kanya.

Natikman niya ang masarap na pagmamahal at pagpapaha­laga sa kanya ng buong pamilyang hindi siya iniwan kahit kailan.

Ibabaon ni Tito Ramon sa kabilang buhay ang pagmamahal ng kanyang mga anak at apo, ng ating mga kababayan, ang publikong binigyan niya ng mga makasaysayan at hindi malilimutang pelikulang Nardong Putik, Pepeng Agimat, Hulihin Si Tiagong Akyat, Sunugin Ang Samar, Tonyong Bayawak, Joaquin Bordado, Ang Supremo, Pepeng Kuryente at marami pang iba.

Magiging mahirap para sa magkakapatid na Revilla ang pagpanaw ng kanilang ama. Hahanap-hanapin nila ang mga pagbibiro ni Tito Ramon.

Pero si Senador Bong Revilla na rin ang nagsabing ngayon ay wala nang paghihirap na nararamdaman ang kanilang ama. Tapos na ang mga pisikal na sakit. Payapa na ang kanyang kaluluwa ngayon sa kabilang buhay.

Ang taos-puso naming pakikiramay sa lahat ng mga mahal sa buhay na iniwan ni dating Senador Ramon Revilla, Sr., isang payapang paglalakbay sa lugar na pupuntahan nating lahat--sa takdang panahon.

AKTOR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with