Abnormal, hindi new normal!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - June 4, 2020 - 12:00am

Sa totoo lang ay hindi naman dapat tawaging new normal ang sitwasyong kinakaharap natin ngayon. Mas wastong sabihin na abnormal pa rin ang kapaligiran.

Paano natin masasabing bagong normal ang nangyayari ngayon samantalang pinagalaw nga ang aspeto ng kalakalan pero wala namang mga sasakyang maghahatid sa mga kababayan natin patungo sa kanilang pinagtatrabahuhan?

Binuksan ang mga negosyong esensiyal, bagsak na bagsak na kasi ang ekonomiya, pero nakakaawa ang mga manggagawa na naglalakad na lang para may kitain lang.

“Mas mabuti na po ang ganito, titiisin na lang namin ang pagod, kesa naman sa wala kaming kinikita,” ganu’n ang katwiran ng mga kababayan nating tinutukan ng media sa mga unang araw ng GCQ.

Tanong ng isang nakausap namin na nagpalungkot sa aming araw, “Bakit ganu’n? Palagi na lang walang pamimilian ang mahihirap? Napakahirap maging mahirap.”

Pero kailangan nating yakapin ang sinasabing new normal. Hanggang wala pang bakunang nadidiskubre bilang panglunas sa COVID-19 ay ganito ang magiging kapalaran natin.

Hindi lang naman sa ating bansa laganap ang ganitong sitwasyon, ang tinagurian ngang super power na Amerika ay tumatambling na rin ang ekonomiya, marami pang negosyong nagsasarado bukod pa sa pag-aaklas ng mga manggagawa dahil sa kahirapang laganap ngayon sa buong mundo.

Haaay, buhay, parang life.

Willie daig pa ang pusa na siyam ang buhay

Hindi na pala pansamantala lang na mapapanood ang Wowowin sa 42nd floor ng Wil Tower. Dahil ipinagbabawal pa ang mga live shows na may audience ay ‘yun na talaga ang magiging studio ni Willie Revillame.

Kumpleto na ang kanilang mga gadgets, pinaghandaan na nila ‘yun ng GMA-7, malinaw na malinaw nang napapanood ngayon ang Tutok To Win sa You Tube, Twitter at Facebook Live.

Dahil limitado na lang ang magiging staff ng programa ay natural lang na maraming dating production staff ang hindi na makakasama ngayon.

Bawal ang maraming staff, bilang na bilang lang, para sa obserbasyon ng physical distancing. Siyempre, ang mga hindi na makakasama ni Willie ngayon ay mawawalan ng trabaho, pero kung kilala nga namin ang actor-TV host ay hindi niya naman pababayaan ang mga taga-produksiyon na hindi na kabilang sa kanyang staff ngayon sa Tutok To Win.

Si Willie pa? Kung ang mga kababayan nga nating tinatawagan niya ay nakakatanggap nang libu-libong papremyo, inaayudahan niya, ang mga nakasama pa kaya niya nang mahabang panahon ang pababayaan niya?

May kakambal talagang suwerte sa buhay ang taong ito. Sino ba ang mag-aakala na makalulusot na naman ang kanyang programa sa dami ng mga ipinagbabawal dahil sa ECQ?

Tinawagan niya agad ang kanyang mga bossing sa GMA-7, nagbalangkas sila ng mga dapat gawin para magpatuloy ang Wowowin, ngayon ay napakataas ng rating ng kanyang programa hindi lang sa free TV kundi pati sa mga digital platform.

Komento ng mga kaibigan namin, kung si dating Senador Ramon Revilla, Sr. daw ay may hawak na anting-anting, si Willie Revillame naman ay parang pusa na may siyam na buhay.

Take it… babalik na, ilang tulog na lang

Sa mga loyalista ng Take It, Per Minute... Me Ganu’n na pudpod na ang mga daliri sa katse-check-katatanong kung kailan babalik sa ere ang programa ay ilang tulog at gising na lang ang kanilang hihintayin.

Sa darating na Martes ay magkakasama-sama na tayong muli nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu, dating oras pa rin, alas-dose nang tanghali.

Siguradong napakarami naming baon sa muli na-ting pagkikita-kita, maraming kuwento kaming ibibigay, at siyempre’y hindi pa rin mawawala ang mga blind items na ewan lang kung ibubuking pa rin ni Manay Lolit pagkatapos ng dalawang buwan at kalahati naming pagkukulong lang sa bahay.

Matutuwa na ang mga tagapanood namin mula sa iba-ibang bansa na ang katwiran ay ngayon nila kailangang maaliw dahil sa pandem-yang pinagdadaanan natin.

Tapos na ang pagtutok ni Manay Lolit sa mga Koreanovela, mababawasan na rin ang pagtutok namin sa mga dokumentar-yo, ewan kay Mr. Fu kung ano ang kanyang pinagkaabalahan nu’ng mahabang panahon ng lockdown.

Sa wakas, sabi nga ng aming mga tagasubaybay, ay hahalakhak na naman sila sa pagbabalik ng TIPMMG.

Walang pagbabago. Martes nang alas dose nang tanghali, paki-follow lang sa Facebook ang Pilipino Star Ngayon (facebook.com/pilstarngayon), kitakits.

UBOS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with