Mga pasaway sa GCQ, parang si Trump?!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - June 2, 2020 - 12:00am

Napakaaga naming nag-monitor ng mga nagaganap sa unang araw ng pagbubukas ng pintuan ng kalayaan para sa mga lugar na nakapailalim sa GCQ.

Balik sa dati ang matinding traffic, pila-pila ang mga kababayan natin sa kalye sa pag-aabang ng kanilang masasakyan, pero wala silang inasahan kaya nagsipaglakad na lang sila papunta sa kanilang destinasyon.

Nakakatakot dahil may mga pasaway pa rin na iniidolo yata ang presidente ng Amerika sa hindi pagsusuot ng facemask. Hindi rin nasusunod ang social distancing dahil sa pagkukumpulan ng mga tao sa iba-ibang lugar.

Nakakatakot pa ang panahon, wala pa ring katiyakan, mas nakakatakot pa nga ang kasalukuyang senaryo kesa nu’ng unang pinairal ang lockdown.

Mas ligtas pa ring nasa bahay lang tayo, maghintay na lang muna nang tamang panahon para sa paglabas, mas mabuti nang safe tayo kesa sa sabihin natin ang salitang sorry kalaunan.

Hindi naman nababawasan ang bilang ng mga naaapektuhan ng epidemya, mas nadadagdagan pa nga, kaya huwag nating pahintulutan na maging isa tayo sa mga magsisisi dahil sa hindi pag-iingat at pagiging maagap.

Mang Ramon, kailangan ng dasal

Patuloy ang paghiling ng panalangin ng pamilya Revilla dahil sa kanilang ama, ang kanilang pundasyon na si dating Senador Ramon Revilla, Sr., ay nasa kritikal na sitwasyon ngayon sa ICU.

Madaling sabihin na sulit na sulit na ang regalong buhay ng Maykapal para kay Tito Ramon, napakarami na niyang napatunayan, lahat ng kanyang mga pangarap ay natupad na maging para sa kanyang pamilya.

Ang katotohanang ‘yun ay hindi madaling matatanggap ng kanyang mga anak. Hanggang sa kahuli-hulihang sandali ay dasal nilang makasama pa rin ang kanilang ama.

Gumagawa ng milagro ang mga panalangin, maraming beses na nilang napatunayan ‘yun, kaya patuloy ang hiling ng magkakapatid para sa panalanging muling malampasan ng kanilang ama ang paghamong ito.

Naiisip namin si Senador Bong Revilla na kapag ang kanilang ama na ang paksa ay nangingilid agad ang luha. Wala kang maririnig na anumang salita mula sa aktor-pulitiko.

Basta makikita mo na lang siyang umiiling, maya-maya ay makikita mo nang nagpapahid siya ng luha, saka magpapakawala ng alanganing ngiti.

Ang Pepe’s girl na si Princess, bahagi na ng kanyang buhay ang pagdalaw sa kanyang ama kahit pa grabe ang trapik sa Imus, hindi namin masusukat ang sobrang pagmamahal ng magkakapatid sa kanilang daddy.

Harinawang totoo ang agimat ni Tito Ramon. Sana nga ay hindi lang pampelikula ang makasaysayang agimat na kinakabit sa kanyang pangalan, kundi maging sa tunay na buhay man.

Vice nawalan ng anghang ang kataklesahan

Maraming naninibago sa mga pananalita ngayon ni Vice Ganda. Hinahanapan siya ng anghang ng ating mga kababayang nasanay na sa kanyang pataklesang pahayag. Kabaligtaran nu’n ang imahe ngayon ng komedyante.

Pinagsasabong pa rin sila ni Pastor Quiboloy na nagsalita dati na hindi lang ang Ang Probinsyano ang magsasara kundi ang kanilang istasyon mismo.

Nababasa ‘yun ni Vice pero hindi niya sinasagot, hindi niya pinaglalaanan ng panahon ang mga paghamon, sa halip ay ang pagpapalaganap ng toxic positivity.

Sinasang-ayunan namin ang ginagawa ni Vice. Sa mga panahong ito ay positibong mga salita ang dapat nating pinakakawalan at hindi ang pagiging negatibo.

Ang pagbibigay ng pag-asa sa mga nalulumbay na puso ngayon ng ating mga kababayan ay napakalaking tulong. Nakalublob sa kawalan ng pag-asa at kalungkutan ang mga Pinoy ngayon dahil sa walang katiyakang kinabukasang kailangan nating harapin dahil sa pandemyang COVID-19.

Matindi ang epekto ng kalungkutan sa ating kalusugan, nakapagpapababa ‘yun ng immune system, kailangang happy hormones pa rin tayo sa kabila nang matinding paghamong ito sa ating buhay.

Tulad ng corona virus ay wala pang eksaktong gamot na panglunas sa stress. Puro remedy lang pero walang cure.

Kaya sa mga panahong ito na nililigalig tayo ng mga agam-agam at problema ay laban lang tayo, kapit lang, halos tanaw na natin ang bagong umaga.

GCQ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with