^

PSN Showbiz

Liza hindi nagpadala sa emosyon!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
Liza hindi nagpadala sa emosyon!
Liza
STAR/ File

Sa lahat ng mga personalidad ng ABS-CBN na umapela para sa muling pagbubukas ng istasyon ay katangi-tangi ang inilabas na pahayag ni Liza Soberano.

Marespeto. Parehas. Malalim. Punumpuno ‘yun ng pagtanaw ng utang na loob sa kanyang home network pero nailatag ‘yun ng magandang aktres sa paraang wala siyang sinusumbatan at inilalaglag.

Pagkatapos naming mabasa ang apela ni Liza Soberano ay naisip namin, ibang-iba talaga ang tabas ng dila at galaw ng utak ng taong ginagamit ang kanyang pinag-aralan at sentido komon, nasisimulan at natatapos niya ang kanyang litanya nang wala siyang sinasaktan.

Makikita mo sa pagitan ng kanyang pananalita na hindi lang siya maganda sa panglabas, masisilip mo rin ang maganda niyang puso, isang puso na nakapagpaparating ng mga hinaing pero dinadaan niya ‘yun sa makabuluhang argumento.

Malalim ang pagpapahalaga ni Liza sa tulong at pag-aalaga sa kanya ng ABS-CBN (bukod siyempre sa kanyang manager na si Ogie Diaz). Ang ipinasarang istasyon ang nagtiwala sa kanyang kapasidad bilang artista at lahat-lahat ng anumang meron siya ngayon ay napakalaking partisipasyon ang ginagampanan ng network.

Napakasarap basahin ang kanyang pahayag na pareho lang naman ang motibo ng ABS-CBN at ng ating gobyerno, ang makapaglingkod sa ating mga kababayan, ang makatulong sa mga panahong kailangang-kailangan ng ayuda ng mga Pinoy.

Hindi niya sinabing walang kasalanan ang ABS-CBN, ang kanyang opinyon, kung anuman ang mga naging pagkukulang ng kanilang network ay gumagawa naman ng paraan ang pamunuan para ayusin ‘yun.

Ang mahalaga, ayon pa kay Liza, ay ang pagkakaisa. Ginagawa ng istasyon ang kanilang aksiyon, pero sa kanyang paniniwala ay kumikilos din naman ang Senado, Kongreso at ang ating pamahalaan para mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.

At kapag nagtagpo na sa gitna ang mga nagtutunggaliang puwersa ay positibo ang magiging resulta. Muling sasahimpapawid ang network at idiniin niya na wala nang mawawalan ng trabaho.

Ganu’n ang pinakamakabuluhang atake. Utak ang pinagagana at hindi ang emosyon. Hindi nagpapakawala ng mga salitang nanunugat kundi nagpapahayag lang ng kanyang saloobin.

Hindi makasarili ang apela ni Liza Soberano, para ‘yun sa mayorya, iniintindi niya ang sitwasyon ngayon ng istasyong pinaglilingkuran niya pero inuunawa niya rin ang katayuan ng mga mambabatas na magdedesisyon kung bibigyan ba ng prangkisa ang ABS-CBN o habampanahon na lang na mabubuhay sa pag-asa ang kanilang mga nasasakupan.

Sa isang giyera ay si Liza Soberano dapat ang tagapamuno. Siya ang magbibigay ng senyal kung susugod na ba ang kanyang tropa o hindi pa muna.

Siya ang Heneral. Tagasunod niya lang ang iba.

Protesta ng diskriminasyon sa amerika, mas lumala

Hindi kami bumibitiw ng panonood sa malawakang protestang nagaganap sa iba-ibang siyudad sa Amerika. Mainit na mainit na naman ang isyu ng diskriminasyon na ang sentro ay sa Minneapolis.

Nag-ugat ang matinding pag-aaklas ng mga African-American sa pagkamatay ni George Floyd, isang Black American, nang luhuran ng isang Pu­ting police officer at diinan nang mahigit na tatlong minuto sa mismong leeg.

Napanood namin mula sa umpisa ang kaganapan. Pinadapa si George Floyd, habang hawak-hawak ng police officer na si Derek Chauvin ang mga nakaposas niyang kamay ay niluhuran siya nito, diniinan habang sumisinghap-singhap si George at hindi na makahinga.

Panay-panay ang kanyang pagmamakaawa, “I cannot breathe,” pero mas diniinan pa ng pulis ang panunuhod sa kanyang leeg.

Namatay ang Black American sa kawalan ng oxygen. ‘Yun ang nagpasiklab sa mga Itim mula  sa iba-ibang siyudad ng Amerika, sinunog ng mga ito ang police station ng Minneapolis, habang nagpoprotesta rin ang kanilang mga kalahi sa marami pang ibang siyudad.

Ilang siglo nang namamayani ang isyu ng diskriminasyon sa Amerika, pero sa pagkakataong ito ay mas malalim ang sigaw ng mga Itim, hindi na ito isyu ng pulitika kundi ng kawalan ng puso ng police officer na lantarang pumatay kay George Floyd.

Hustisya ang kanilang hinihingi, kailangang maparusahan ang kumitil sa buhay ni George Floyd, habang sinusulat namin ang kolum na ito ay mas lumalawak-lumalalim pa ang mga protestang nagaganap sa Amerika.

Pati ang reporter at crew ng CNN ay pinosasan din, napakainit ng paggigirian ngayon ng mga pulis at nagpoprotesta, sumabay ang kaguluhang ito sa matinding problema ng COVID-19 kung saan mahigit nang isandaang libong mamamayan ng bansa ang pumapanaw.

Good luck na lang kay President Donald Trump na hindi nagsusuot ng face mask kung paano nito reresolbahan ang mga kaguluhan ngayon sa kanyang bansa.

vuukle comment

ABS-CBN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with