GCQ kinasasabikan na parang piyesta!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 30, 2020 - 12:00am

Parang isang napakagarbong piyestang pinakahihintay ngayon ng ating mga kababayan, lalo na sa NCR, ang pagdating ng Lunes.

Sa June 1 ay papailalim na ang maraming lugar sa general community quarantine, mas maluwag na, kaya ang mga kababayan nating nagkulong lang sa kanilang bahay sa loob nang mahigit na dalawang buwan ay parang mga bilanggong makakatikim na ng kalayaan sa darating na Lunes.

Nakakatakot ang araw na ‘yun, dahil para kasi tayong mga sanggol ngayon na sensitibo, walang panglaban, kaya dobleng pag-iingat pa rin ang dapat nating gawin.

Walang katiyakan ang GCQ, mismong mga taga-DOH na ang nagsasabi na kapag lumaki ang bilang ng mga apektado ng COVID-19 ay may malaking posibilidad na ibalik sa ECQ ang sitwasyon, kaya suntok sa buwan ang pinagdesisyunan ng ating pamahalaan na ipailalim sa GCQ ang maraming probinsiya lalo na ang NCR.

Pero siguradong marami ring mga Pinoy ang mag-iisip ngayon na huwag na munang lumabas dahil sa malaking takot na baka mawalan ng saysay ang dalawang buwan nilang pagsasakripisyo.

Baka sa isang araw nga lang naman ay bigla silang dapuan ng sakit, hindi tayo sigurado sa kaganapan, kaya magpapalipas muna sila ng panahon at magmamatyag lang muna.

May ugali rin tayong mga Pinoy na habang pinipigil ay lalong nanggigigil. Napakaraming pasaway nu’ng panahon ng ECQ, ayaw magsi-pirmi sa bahay, kung kailan pinagbabawalan ay saka naman naglalabasan.

May kuwento tungkol du’n. Sa isang ilog kung saan marami nang sinasalakay ang buwaya ay may naglagay ng babala. “Bawal lumusong para maligo, may buwaya. Marami nang napapatay.”

Walang pakialam ang mga tagaroon, liguan pa rin sila nang liguan, hindi nila pinaniniwalaan ang babala.

Isang umaga ay nagbago na ang anunsiyo, “Puwede nang maligo, nahuli na ang buwaya,” saka naman ayaw maligo ng mga tagaroon dahil totoo raw palang may buwaya. Paano raw kung meron pa palang kasamahan ‘yun na natitira pa?

Maraming magaganap na pagbabago. Nu’ng problemado ang gobyerno sa sobrang traffic ay ipinayo nila ang car pooling. Bawal magbiyahe na isang pasahero lang ang sakay, puwede raw magsakay ng iba kahit hindi kakilala, kailangan lang ng pag-iingat sa mga bibigyan ng libreng sakay.

Baligtad na ngayon. Bawal magsakay nang maramihan, bilang na bilang ang puwedeng isakay, para hindi raw magkahawaan at dapat sundin ang social distancing.

Masalimuot ang hatid ng pagbabago ng patakaran, nakapaninibago, pero kung para naman sa ating kaligtasan ang kakambal na malasakit ay wala tayong karapatang hindi sumunod sa ipinag-uutos.

Take It... limitado muna ang magiging galawan

Bago pa ipahayag ng ating pangulo na sasailalim na tayo sa GCQ ay napakarami nang nagtatanong sa amin kung kailan magbabalik sa ere ang Cristy Ferminute at ang Take It Per Minute... Me Ganu’n.

Madaling intindihin ang kanilang kasabikan, sa isang panahon nga namang nasa kani-kanyang bahay lang tayo ay inaatake tayo ng lungkot at pagkainip, kaya kailangan nating maaliw.

Iba kasi ang panghalina ng talk show. Sabi nga, habang naghihirap ang isang bansa ay lalong nalululong ang mamamayan sa entertainment, hinahanap natin ang nakasanayan na nating panoorin.

Lalo na ang mga kaibigan at kababayan natin sa iba-ibang bansa, gumagastos talaga sila sa load sa simpleng pagtatanong lang kung kailan na uli eere ang CFM at ang TIPMMG.

Nangilin kami. Hindi kasi napapanahon na mag-show kami at maghalakhakan habang dumudugo ang sugat ng buong mundo dahil sa coronavirus.

Pero malapit na tayong magkita-kita, mga araw na lang ang ating bibilangin, ilang tulog at gising na lang ay magkakabalitaan na tayo.

Mas mauunang umere ang Take It Per Minute... Me Ganu’n, sa ikalawang Martes ng June ay eere na kami, susundin namin nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu ang social distancing at pagsusuot ng face mask.

Limitado lang muna ang puwedeng manood nang live sa Mga Obra Ni Nanay, ang aming prodyuser lang na si Salve Asis at ang aming mga cameraman ang nandu’n, saka ang aming production designer na si Japs Gersin at ang aayudang sina Tina Roa, Richie at PJ Villarta.

Dahan-dahan lang muna ang mga galawan, pasasaan ba’t isang araw ay babalik na rin tayo sa normal, nakapaninibago lang pero kailangan nating tanggapin ang katotohanan na habang wala pang bakunang madidiskubre para panglunas sa COVID-19 ay mangangapa pa tayo sa isang mundong punumpuno ng pagbabago.

GENERAL COMMUNITY QUARANTINE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with