Mga nagdo-donate napagod na kita ng mga online concert,barya-barya na lang!
SHOWBIZ GANERN! - Gorgy Rula (Pilipino Star Ngayon) - May 23, 2020 - 12:00am

Pahina nang pahina na ang donasyong nakakara-ting sa mga Facebook live o mga online concerts na halos araw-araw ay ginagawa ng ating mga artista at magagaling na singers.

Nung nagsisimula pa lang ang mga fundraising sa mga online shows at FB live chats ang tataas pa ng mga donasyon at talagang masigasig sa pagbigay ang mga kababayan nating kayang mag-donate.

Nung sinimulan ni Maestro Ryan Cayabyab ang Bayanihan Musikahan, talagang dumagsa ang mga donasyon at so far malalaki pa ang nalikom na donasyon sa online concerts nina Lea Salonga, Regine Velasquez, Sharon Cuneta, pati itong Huling El Bimbo na musical play.

Nakakatuwa rin itong kay Martin Nievera na gabi-gabi siyang nagku-concert sa kanyang Facebook account at marami pa ring views so far.

Malaki na rin ang nalikom niya, pero bandang huli pakonti na nang pakonti at nakakatawa nga ang pabiro niyang kuwento na may gabing naka-11 pesos lang daw na donasyon.

Mukhang pabiro lang niya iyun dahil wala kasi siyang donate button nung nagsimula siya, at saka tanggap na raw niyang may ‘donor fatigue’ na talaga ngayon.

Meron ding fundraising ang Actor’s Cue sa Facebook account ni direk Adolf Alix na para naman ito sa mga displaced film workers na apektado nitong ECQ.

May gabing malaki naman ang nalikom na donasyon, pero meron ding maliit talaga.

Inaasahang malaki itong nalikom nila kagabi na kung saan si Daniel Padilla ang special guest kasama si Joshua Garcia at Zanjoe Marudo. Kamakalawa ng gabi naman sa Bayanihan Musikahan ay tampok ang DenJen concert nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado. Mataas ang views nito dahil maganda naman ang show at ang ganda ganda roon ni Jennylyn, ang fresh fresh din ni Dennis.

Halos P20K lang ang nalikom nilang donasyon at mukhang patuloy pa rin naman ang pagdating mula sa kanilang mga supporter.

Nakasabay ng DenJen ang concert naman nina Rhian Ramos at Lovi Poe. Pero hindi ito gaanong mataas ang views at halos dalawang libong piso lang ang nalikom nilang donasyon.

Naintindihan naman ng lahat na hindi naman puwedeng araw-araw may nagbibigay ng donasyon, at pahirap na nang pahirap ang buhay. Mas marami siyempre ang nangangailangan kesa sa kaya pang magbigay.

Kagabi ay tampok sa Bayanihan Musikahan ang back to back concert nina Tom Rodriguez at Manilyn Reynes.

Arnell kinasuhan si Mystica sa paninira

Nagsampa ng tatlong kaso si Arnell Ignacio laban kay Mystica dahil sa patuloy niyang pagsasalita ng laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang blog. Kasong Inciting to Sedition, Cyberlibel at Violation to Bayanihan To Heal as One Act.

Ang isinampa niya sa Imus, Cavite kahapon ng umaga.

Sabi Arnell, taga-Gen. Trias daw si Mystica kaya talagang nagsadya siya sa City Prosecutor’s Office ng Imus para doon i-file ang kaso. Hindi ko na pinanood ang mga sinabi ni Mystica sa kanyang blog, pero nung unang nagsalita pa lang ang singer ay gusto na raw itong kasuhan ni Arnell. “Noon ko pa gusto siyang kasuhan eh. Sabi ko tapusin lang ‘tong ECQ kakasuhan ko talaga yan,” pakli ni Arnell.

Kahit nag-sorry na noon si Mystica, ayaw nang palagpasin pa ito ni Arnell ang pagmumura sa Pangulo at sinasabi niyang wala itong karapatang mamuno. Niyaya pa raw si Vice President Leni Robredo na magtipon para pahiyain ang pangulo.

Nora namigay ng regalo  

Sinorpresa si Nora Aunor sa kanyang 67th birthday nu’ng nakaraang Huwebes kahit hindi naman siya puwedeng magpa-birthday party dahil sa Modified Enhanced Community Quarantine pa tayo. Sa halip na maghanda ay naghandog na lang daw siya ng mga regalo sa mga malalapit niyang fans at pati sa mga frontliner.

Pero sobrang natuwa raw siya sa dami ng mga regalong ipinadala sa kanya ng fans at bumati pa raw ang ibang malapit sa kanya gaya nina Kuya Boy Abunda, Gary Valenciano, Charo Santos at direk Joel Lamangan.

Naikuwento nga sa amin ni direk Joel na isa raw si Nora sa naging kaibigan niyang napakabusilak ang puso. Hanggang ngayon ay hinding-hindi raw niya nakakalimutan nung ginagawa nila ang Sidhi sa Nueva Ecija.

May isang magsasaka raw doon na malungkot kasi namatay ang kalabaw niya na ginagamit sa pagsasaka. Tinanong daw ni Nora kung magkano ang halaga ng isang kalabaw, P15K daw. Kaagad na inabutan daw ni Nora ng P15K para makabili ng bagong kalabaw.

ONLINE CONCERT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with