Willie
STAR/ File
Willie naaliw sa nagmurang viewer, dinagdagan ng bigay na datung
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 21, 2020 - 12:00am

‘Yun na nga siguro ang pinakamalakas at pinakamatunog naming halakhak mula nang panoorin namin ang pamamahagi ng biyayang pinansiyal ni Willie Revillame sa Tutok To Win.

Walang ibang gagawin ang ating mga kababayan kundi ang magparehistro ng kanilang pangalan at tirahan sa Facebook ng Wowowin, ang bantayang matawagan sila ng aktor-TV host, at maliwanag nang lima hanggang dalawampung libong piso ang mapapanalunan nila.

Meron pang mas malaking papremyo araw-araw, ang limampung libong pisong bigay naman ng kanyang sponsor na Shopee, napakala-king biyayang maituturing sa mga panahong ito ang ayudang ibinibigay ni Willie.

Nu’ng nakaraang Martes ay may tinawagan siya, “Sabihin mo na agad, maraming salamat, Shopee!” pagsigaw na sabi ni Willie.

Ang nakawiwindang na sagot ng babae sa kabilang linya, “G-go!” Sa halip na magalit-mapikon ay napahalakhak na lang si Willie.

Na tamang postura lang sa ganu’ng pagkakataon, ang palambutin ang kausap sa kabilang linya, saka muling pagpapakilala.

Mas nawindang ang babae, abut-abot ang panghihingi ng sorry sa kanyang minura, na sinalo naman ni Willlie na “guwapo” raw ang kanyang narinig at hindi naman pagmumura.

Sa halip na sampung libo lang ang premyo ng kanyang tinawagan ay ginawa pang labinglimang libo ni Willie. Pero may kakambal na paalala ‘yun, “Hindi po ngayon at nagmura kayo, e, dadagdagan ko na ang premyo n’yo!”

Madali ring maintindihan ang biglaang reaksiyon ng tinawagan ng TV host, napakarami naman kasi talagang manloloko sa mga panahong ito, lalo na sa pamamagitan ng text.

Madalas din kaming makatanggap ng mensaheng nanalo raw kami ng kotse at milyong halaga mula sa kung anong eklat, kailangan daw naming makuha agad, magpadala raw kami ng halagang pang-ayos sa kaukunin naming premyo.

Napakalinaw na panloloko, talamak ang mga ganu’n, kaya ‘yung tinawagan ni Willie ay madaling intindihin.

Si Willie lang ang nagla-live araw-araw ngayon, bukod sa GMA-7 ay meron pa siya sa YouTube, Facebook at Instagram, para makapagbigay ng aliw at tulong para sa ating mga kababayan.

Empleyado ng ABS-CBN matindi ang pasang krus

Ngayon-ngayon lang, habang tinitipa namin ang kolum na ito, ay isang dating kasamahan namin sa ABS-CBN ang aming kausap.

Punumpuno ng kalungkutan ang kanyang umaga, tinawagan kasi siya ng kanyang mga kahanay na kapag hindi agarang natapos ang pagdinig para sa probisyunal na prangkisa ng kanilang istasyon, sa Agosto ay magkakatanggalan na sa kanilang network.

Pagkatapos sa kolehiyo ay sa ABS-CBN na nagtrabaho ang aming kausap, du’n na siya nagdalaga at nakapangasawa, nagsimula siya bilang researcher hanggang sa tumaas na nang tumaas ang kanyang ranggo sa produksiyon.

Nakaipon lang sa isang basket ang kanyang kabuhayan, sa ABS-CBN lang, kaya kapag napuwersa ang network na magbawas ng kanilang mga tauhan ay matindi ang kanyang pag-aalala para sa kinabukasan ng kanilang pamilya.

Ganu’n din ang pinapasang krus ngayon ng iba pa naming mga dating kasamahan sa istasyon, paano na kapag dumating ang paghuhukom sa linya ng kanilang trabaho, paano na ang kanilang kapalaran?

May nagsabing uuwi na lang sila sa probinsiya, ang makukuha nilang kompensasyon mula sa network ay ipamumuhunan nila para sa isang maliit lang na negosyo, meron namang mamamasukan sa ibang klase ng trabaho.

Dumarating ang mga pagsubok, kakambal ‘yun ng pagbiyahe natin sa buhay na ito, pero hindi tayo dapat bumitiw sa pag-asa na isang araw ay may magiging katugunan ang ating problema.

Hanggang hindi tayo nagbibitiw ng huling hininga ay palaging nand’yan lang ang pag-asa, laganap ‘yun sa araw-araw, kailangan lang nating tuklasin kung sa anong paraan ‘yun ihinahain sa atin.

Magsarado man ang ABS-CBN ay hindi lang naman ‘yun ang mundo, napakalawak pa ng puwede nating ikutan, lalo na kung kipkip natin ang mga katangiang magtutulak sa atin sa tagumpay.

Sabi ng aming kausap, “Kaya nga kita tinawagan. Kapag ikaw kasi ang kausap ko, e, parang walang problema sa mundo. Parang ang ganda-ganda ng paligid.

“Salamat, ‘Nay, nagkagana na akong kumain. Bigla na akong nakaramdam ng gutom, salamat talaga,” pagkokomplimento ng aming anak-anakan.

WILLIE REVILLAM
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with