^

PSN Showbiz

Senaryo ng prangkisa, nag-iba na naman?!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Sa isang panahon na nakakahinga-hinga na sana nang maluwag ang pamunuan ng ABS-CBN, ang kanilang mga artista at empleyado, ay biglang nagdilim na naman ang kulay ng langit para sa kanila dahil sa pinakahuling aksiyon ng Kamara.

Matatagalan na naman ang proseso dahil ang panukalang-batas na ihinain sa plenaryo tungkol sa probisyunal na prangkisa ng ABS-CBN sa una at pangalawang pagdinig ay kinuwestiyon ng mga mambabatas na hindi siyempre sang-ayon sa naganap.

Nirekol ang proseso. Ano ang ibig sabihin nito? Mag-uumpisa na naman sa zero ang Kamara. Napakatagal na debatehan na naman muna ang mangyayari bago sila mauwi sa kung anumang desisyon na makabubuti ba sa network o mas magdidiin pa nga?

Wala raw kasing naganap ng interpelasyon, walang naging debatehan, kaya kahapon ay inupuan uli sa Mababang Kapulungan ang usapin tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN.

Nakapag-aalala ang panahon, kung makalulusot sa Kamara ang pagbibigay ng probisyunal na prangkisa para sa network ay ibibiyahe pa ‘yun sa Senado, magkakaroon pa ng bicam na kakain na naman nang napakatagal na proseso.

Nabuhayan na sana ng loob ang mga artista at manggagawa ng ABS-CBN na makababalik na sila sa himpapawid bago magtapos ang Oktubre.

Balik-live shows na sana sila, balik-taping at shooting, pero heto at lumabo na naman ang kanilang pag-asa dahil sa naganap sa Mababang Kapulungan.

Nakakalungkot ang ganitong senaryo hindi lang para sa mga kunektado sa network kundi para sa mga kababayan din natin sa pangkalahatan.

Lalo na para sa mga Pinoy na nabuhay na nang kasabay ang pagtutok sa ABS-CBN, napakasakit ng pangyayaring ito, may mga kababayan tayong sarado ang utak para sa ibang network at ang tinatangkilik lang talaga ay isang istasyon.

May mga kaibigan kaming GMA-7 lang ang tinututukan, meron naman kaming mga kaibigan na solidong mga programa lang ng ABS-CBN ang pinanonood, pagdating naman sa mga programang pambalitaan at palakasan ay sa TV5 sila nakatunghay.

Harinawang bumiyahe nang mabilis ang pagdinig tungkol sa hinihinging prangkisa ng ABS-CBN. Sana nga ay kakitaan ng mga mambabatas ng dahilan para makapagpatuloy sa pag-ere ang network.

Huwag na sanang lahukan pa ng usaping-pulitika ang isyu ng pagbibigay ng probisyunal (lang muna) na prangkisa sa istasyon.

Sana lang.

Mga Pinoy na pilosopo, walang takot makahawa

Sinasang-ayunan namin ang panawagan ni Vice Ganda sa ating mga kababayan na kung hindi naman ganu’n kahalaga ang paglabas ng bahay ay ipagpaliban na muna.

Tama lang ‘yun dahil hindi pa tayo sigurado sa anumang maaaring mangyayari kapag nakipagsabayan tayo sa hugos ng paglabas ng ating mga kababayan na parang mga bakang nangakawala sa kural dahil sa dalawang buwang pagkaka-”house arrest.”

Okey lang sana ang paglabas kung ang lahat ay nagpapahalaga sa disiplina. Kaso nga ay hindi naman. Mas marami pa ring walang pakialam sa buhay at kaligatasan ng kanilang kapwa.

May mga lumalabas na hindi naman guma­gamit ng face mask, hindi rin nila pinahahalagahan ang social distancing, kaya napakalaki ng posibilidad na madagdagan pa ang bilang ng mga apektado ng epidemyang nagpapahirap ngayon sa buong mundo.

Napakahalaga ng buhay natin. Hindi naman ito produkto na kapag nawala ay maaari pa nating mapalitan. Iisa lang ang ating buhay, kapag nawala na ay tapos na ang yugto ng ating biyahe sa mundo, wala nang makakapalit.

Nakakalungkot ang katwiran ng isang pilosopo, ang sabi nito sa isang panayam, “Naku, kung talagang oras mo na, may coronavirus man o wala, e, mamamatay ka na talaga!”

Totoo namang kani-kanyang tadhana lang ‘yan. Sabi nga, sa pagkapanganak pa lang sa atin ay nakaguhit na sa ating palad kung gaano tatagal ang ating buhay, pero bakit kailangang magpahirap pa tayo ng mga kapwa nating magdurusa sa pagkakasakit dahil sa pagkahawa?

Nakakatakot pang lumabas ng bahay ngayon dahil mabagal ang implementasyon ng mass testing na ipinangako ng DOH o Department of Health at ng ating pamahalaan, hindi pa tayo sigurado sa maaaring maganap kapag nakihalo na tayo sa karamihan, kaya ang pinakaligtas pa ring lugar ngayon ay ang ating mga tahanan.

Sa anumang aspeto ng buhay ay masarap maging malaya. Walang hangganan ang pagmamahal natin sa kalayaan.

Pero sana’y kalayaan ‘yun na wala tayong masasagasaan, matatapakan, mahahawa at pahihirapan.

vuukle comment

ABS-CBN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with