^

PSN Showbiz

Paglabas ng bahay nakakatakot pa rin!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Nakakabagabag ang kasalukuyang sitwasyon. Ipinahayag bilang modified enhanced community quarantine na ang maraming lugar na dating nakapailalim sa enhanced community quarantine.

Literal na parang mga bakang ikinulong sa kural nang dalawang buwan ang mga kababayan nating nagsuguran agad sa mga malls at iba pang matataong lugar.

Nasabik sila sa kalayaan, hindi nga naman biro ang dalawang buwan na pagkakulong lang sa bahay, kaya kani-kanyang pulasan na sila sa mga pampublikong lugar na armado ng face mask.

Nakakatakot ang senaryong ito dahil usad-pagong pa rin naman ang pangakong mass testing, hanggang hindi pa kumpleto ang implementasyon ng mass testing ay masasayang lang ang pinaghirapan nating ECQ, manalamin tayo sa China.

Sabi’y maayos na raw ang sitwasyon, nagluwag sila, pero ano ang nangyari? Nagkaroon ng ikalawang sultada ang coronavirus na sa ibang lugar naman naganap at hindi sa pinag-ugatang Wuhan.

Nakakatakot pa ring lumabas ng bahay, ang pansamantalang paglaya mula sa dalawang buwang pagkukulong lang sa bahay ay puwedeng maghasik ng lagim, magpairal pa rin dapat tayo ng personal na pagdisiplina sa ating mga sarili.

Huwag naman sana, pero paano nga kung mas lumaganap pa ang COVID-19 dahil sa pagluluwag ng gobyerno, saan nang kangkungan pupulutin ang taumbayang tatamaan ng salot?

Natural lang na lulutang ang mga katanungang paano na ang mga kababayan nating walang trabaho dahil pinagbawalan? Habampanahon na lang ba silang aasa sa ayuda ng kanilang komunidad na bukod sa hindi naman sapat ay napakadalang pang maganap?

Paano na ang ating ekonomiya? Laslas na ang bulsa ng mga kapitalista, hindi kumikita ang kanilang mga negosyo dahil ipinasara, habampanahon na lang ba silang malulugi at magpapakatalo?

Ang dami-daming tanong. Malaking-malaki ang problema ng ating gobyernong humahagok na rin sa hirap dahil limitado lang ang pinagkakasyang budget para sa mga matitinding pangangailangan.

Pero sa huling suma, sa pagtatapos ng araw ay isa lang ang tanong na kailangan nating mas bigyan ng pagpapahalaga-buhay o pangkabuhayan?

Dingdong maraming inaalala pagbalik ng trabaho

Makabuluhan ang lockdown para kina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Hindi sila nagpapasarap lang sa buhay habang nananatili lang sila sa loob ng kanilang bahay.

Bukod sa may sapat na panahon sila ngayon para kina Zia at Sixto ay inaabala ng mag-asawa ang kanilang sarili para sa pagtulong sa mga mas nangangailangan ngayon mga oras na ito.

Nagluluto ng mga pagkaing pamigay si Marian pero ang pinakatampok ay ang masarap nitong menudo na ang recipe ay nagmula pa sa kanyang lola.

Ang ganda-gandang pagmasdan ng dati nang magandang aktres habang hinahalo ang mga sangkap sa isang malaking lalagyan. Marami raw humihingi ng recipe ng menudo sa kanyang lola pero sa kanya lang nito ‘yun ibinigay.

Ang kanyang premyo sa pagluluto nang maramihan, “Ang saya ko kapag nakararating sa akin ang feedback na may mga nasarapan sa ipinadala kong food sa kanila.”

Palagi kaming saludo kay Dingdong Dantes, wala kaming nakikitang hindi maganda sa kanyang mga mata, mula sa pagiging tao, pamilyadong personalidad at magaling na aktor ay taas ang magkabila naming mga kamay para sa kanya.

Palagi siyang nasa tamang puwesto at tiyempo. Mulat siya sa mga nagaganap sa ating lipunan, nakikilahok siya sa mga aktibidad na ang mapapaboran ay mayorya, nagagawa niyang lahat ‘yun sa kabila ng pagiging abalang-abala niya bilang artista.

Sa pagbabalik ng new normal ay marami siyang agam-agam sa pagbabalik sa trabaho. Inaalala niya ang kanyang mga kasamahang artista dahil siguradong mababawasan sa pagrespeto at obserbasyon sa social distancing.

Nangangalahati na ang kanyang pinagbibidahang Descendants Of The Sun nang mag-lockdown, paano nga naman ‘yun sa pagpapatuloy ng serye, ang malalaking eksenang kinabibilangan nang maraming karakter ay ninipis na.

Ang inaalala ni Dingdong ay ang mga mawawalan ng trabaho, ang mga matatanggal sa cast, hindi makasarili ang personalidad na ito.

Hindi ang sarili lang niyang kapakanan ang iniintindi ni Dingdong Dantes kundi pati ang mga kapwa niya artistang kung walang trabaho ay wala ring kita.

Kasalu-saludong kaluluwa.

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with