^

PSN Showbiz

Pamimigay ng bangus ni Jinggoy, nahaluan ng pulitika?!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
Pamimigay ng bangus ni Jinggoy, nahaluan ng pulitika?!
Jinggoy

Basta biyaya, sa anumang hugis at paraan, ay katanggap-tanggap ngayong panahon ng enhanced community quarantine.

Lalo na sa mga kababayan nating mang-gagawa na walang kinikita ngayon dahil pinagbawalan silang magtrabaho, ang bawat butil ng bigas ay napakahalaga ngayon, bilang pangtawid-gutom.

Primera klaseng bigas man ‘yun o inuumok na sa bodega ay biyaya pa ring maituturing lalo na sa mga panahong ito na naghihingalo na ang bulsa ng maliliit nating kababayan kasabay ang pagkalam ng kanilang sikmura.

Hindi napapanahon ang ginawang pang-iimbita (pinagandang termino sa pag-aresto) ng pamunuan ni Mayor Francis Zamora kay dating Senator Jinggoy Estrada habang namamahagi ng mga produktong bangus mula sa kanilang palaisdaan.

Unang tanong, kailan pa naging krimen ang pagtulong sa kapwa, sa ganitong klase ba ng sitwasyong kinapapalooban natin ay kailangan pang kuwestiyunin kung sino ang nagbibigay ng tulong?

Wala namang nilabag na batas ang dating senador, kitang-kita naman na habang nagbibigay siya ng ayuda sa kanyang mga kababayan sa San Juan ay naka-face mask siya, pati ang kanyang mga kasamahan?

Pinapayuhan din ng mga tauhan ni dating Senador Jinggoy ang mga tumatanggap ng tulong na huwag magdikit-dikit bilang pagsunod sa social distancing na ipinatutupad ng DOH at ng ating pamahalaan.

Nakakalungkot lang isipin na nakapagitna na nga ang ating bansa sa isang senaryong marami nang nagugutom dahil sa lockdown ay kailangan pang mahaluan ng pulitika pati ang pagmamagandang-loob.

Dapat ay matuwa pa tayo dahil may mga taong mapuso sa pagbabahagi ng kung anumang meron sila para sa mga nangangailangan.

Hindi na dapat kuwestiyunin kung bakit siya namimigay, kung ano ang kanyang intensiyon, ang pinakaimportante ay ang maganda niyang puso sa pagtugon sa sigaw ng kanyang mga kababayan.

Taal na taga-San Juan ang mga Ejercito-Estrada. Sa lugar nang ‘yun namuhay ang kanilang kanunu-nunuan. Mahal na mahal ng pamilya ang kanilang mga kababayan na pinag-lingkuran din nila nang mahabang panahon.

Ayon sa mayor ng San Juan ay namimigay raw ng pera si dating Senador Jinggoy. Isang kuwentong-kutsero ‘yun na pinaniwalaan agad ng mayor.

Bangus lang ang kanyang ipinamimigay, bangus na alam ng aktor-pulitiko na magiging kapakipakinabang para sa mga kababayan nating hirap na hirap na dahil walang pinagkakakitaan, ipagdadamot pa ba naman ‘yun ng mayor ng San Juan sa kanyang mga nasasakupan?

Bakit ang ibang nagmamagandang-loob sa mga taga-San Juan, ang mga nagluluto ng pagkain na ipinamimigay sa mga barangay, bakit hindi ‘yun kinukuwestiyon ng bagong upong mayor?

Bakit kailangang pag-initan si dating Senador Jinggoy, bakit binibigyan ng kulay ang kanyang pagtulong, ganu’n ba katindi ang nararamdamang insekuridad sa kanya ni Mayor Zamora?

Puwedeng magbigay ng tulong ang iba, pero hindi ang mga Estrada, dahil dagdag na papuri ‘yun sa kalaban nila sa pulitika?

Minsan ay sinabi ng namayapang lider ng simbahang Katoliko na si Cardinal Sin, “Kahit kay satanas pa galing ang biyaya, kung ang nakinabang naman ay mahihirap ay kailangang tanggapin.”

Hindi na importante kung kaalyado ba o kalaban ng partido ang nagbigay ng tulong, ang mahalaga ay may mga bitukang natugunan ang gutom, may mga taong kahit pansamantala lang ay hindi muna magtatanong kung saang kamay ng Diyos sila kukuha ng kanilang makakain.

Sa ganitong panahon na binabalot na ng takot ang mga kababayan natin dahil sa kawalan ay isantabi na ang pulitika. Hindi panahon ng kampanya ngayon, walang nagpapabango-nagpapapogi, ang tanging hangad lang ay ang makatulong sa mga walang-wala dahil sa lockdown.

Pinasasalamatan at hindi ipinaaaresto ang taong may busilak na hangarin, hindi kinukuwestiyon ang paglalahad ng mga palad sa mga nangangailangan, hindi idinadaan sa paligsahan ang pagtugon sa gibik ng mga kababayan nating nakakulong sa bartolina ng kahirapan.

JINGGOY

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with