ABS-CBN high tech ang mga satellite
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - April 7, 2020 - 12:00am

Pagdating sa kumpletong teknolohiya ay walang makatatalo sa ABS-CBN. Kumpleto sila ng sandata pagdating sa SNG (satellite network gathering).

Minsan pa nilang pinatunayan na puwedeng tumakbo ang mga programa sa pamamagitan ng kanilang mga state of the art equipment.

Nasa bahay lang ang kanilang artista, nakapailalim sa enhanced community quarantine, pero hindi ‘yun sapat para pahintuin ang kanilang mundo.

Nu’ng Linggo nang tanghali ay minsan pa nilang binigyan ng saya ang publiko sa pamamagitan ng ASAP Natin ‘To. Kumpleto ang mga regular nilang performers, ang pagkakaiba nga lang ay nasa kani-kanyang tahanan sila, ginawa nilang entablado ang iba-ibang bahagi ng kanilang bahay.

Nakahahanga ang pagkanta ng Australian singer na si Rick Price na nasa Nashville, Tennessee, USA kaduweto sina Regine Velasquez at Morisette Amon.

Dalawang kanta ang ginawa nila, sabay na sabay ang atake nila ni Regine nang malayuan, para lang silang magkatabi habang nagdu-duet.

Sa ilang beses nang pagtatanghal dito sa atin ni Rick Price ay napamahal na sa kanya ang Pilipinas. Suportado ng mga Pinoy ang kanyang mga concert.

Sa kanyang mensahe ay sinabi ng banyagang singer ang kanyang hiling na sana’y malampasan ng mga Pilipino ang banta ng mapamuksang COVID-19.

Isinasama tayo ni Rick Price sa kanyang mga panalangin, kahit pa ang kanyang bansa ay inaatake rin ngayon ng salot, kahit pa nanganganib ang kanyang sitwasyon ngayon sa pamamamalagi sa Amerika.

Arnold Clavio at Kapuso stars nag-tribute sa mga totoong idol

Nu’ng isang araw ay nagpalitan kami ng text ni Arnold Clavio. Hindi nakalilimot sa pagpapaalala sa mapaghamong panahon ngayon ang magaling na news anchor-komentarista.

Abangan daw namin ang binalangkas niya, sa tulong ng mga kaibigan, na tribute para sa mga kababayan nating nagbubuwis ng buhay ngayong laganap ang COVID-19.

Napanood na namin kahapon ang binunong video tribute ng Igan Foundation para sa mga dakilang frontliners. Mga artista at singers ng GMA-7 ang mapapanood sa makabuluhang pagpupugay sa mga doktor, nurses, caregivers, sundalo, kapulisan, janitors at iba-iba pang trabahong napakalapit sa indulto ang buhay sa mga oras na ito.

“Hindi ako ang tunay na idol mo,” du’n umikot-tumakbo ang kabuuang video na pinangungunahan nina Alden Richards, John Estrada, Dingdong Dantes, Cesar Montano, Rocco Nacino, Lovi Poe at marami pang ibang pambatong personalidad ng GMA-7.

Napakaganda ng video, hinubaran ng popularidad ng mga artista ang kanilang sarili para ihandog ang korona sa mga frontliners ng tunay namang lumalaban sa digmaan ngayon para makapagligtas ng buhay ng kanilang kapwa.

“Hindi ako ang idolo mo,” sabi ni Alden Richards, karugtong ang pagtatawid ng mensahe na ang tunay na idolo ngayon ay ang mga kababayan nating hindi inaalintana ang disgrasyang kinakaharap nila sa pagliligtas sa mga maysakit nating kababayan.

Makabuluhan ang video dahil sa mga panahong nakasalang sa tiyakang disgrasya ang mga frontliners ay tanging dasal at suporta ng pagpapalakas ng loob lamang ang maitatawid natin para sa kanila.

Inuulit namin, ang mga bayani ay hindi nagmumula lang sa isang armadong labanan, ang mga frontliners ngayon ay maikukumpara rin sa mga sundalong nagbubuwis ng buhay para sa ating bayan, kaya nararapat lamang silang papurihan at ipagdasal.

Take It… nakaka-miss!

Magka-text kami ni Manay Lolit Solis araw-araw. Problemado siya dahil nauubusan na ng pagkain ang mga alaga niyang aso na kung ituring niya at mahalin ay parang mga tao.

Napakahirap lumabas sa kanilang subdivision, mahigpit ang mga nagbabantay, ang hirap-hirap nga namang kumilos kapag ganu’n.

Siguradong ubos na ang mga pinanonood niyang Korean novela, nangangati na rin ang kanyang mga paa dahil habambuhay naming mga reporters ay palaging halos sa labas na kami nakatira, binago talaga ng enhanced community quarantine ang ikot ng aming buhay.

Nagtatanungan kami kung magkakaroon ba ng ekstensiyon ang ECQ, maiintindihan namin kung tatagal pa dahil sa pagdadagdag ng bilang ng mga nagkakaroon ng mapamuksang salot, pero kasabay ng pang-unawa ang pagkabagot sa loob ng bahay.

Miss na miss na namin ang Take It, Per Minute... Me Ganu’n, miss na ni Manay Lolit sina Japs Gersin, Tina Roa, PJ at Richie Villarta, sobrang miss na namin ang parang pagpi-picnic namin tuwing Martes nang tanghali sa gallery.

Salve Asis, ano ba?

ABS-CBN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with