^

PSN Showbiz

COVID may positibong epekto rin!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
COVID may positibong epekto rin!
Kris

Sa ganitong panahon na halos lahat ng sulok ng ating bahay ay malinis na malinis na, ano pa ba ang maaari nating tutukan, para lang makaraos ang isang nakaiinip na maghapon?

Puwede nang kainan ang aming sahig sa sobrang linis, iniikot na namin ang mga paintings para maiba naman ang itsura ng paligid, pero hindi natin maaaring takasan ang pagkabagot sa isang sitwasyong hindi natin nakasanayan.

Hinahanap natin ang aksiyon, gusto nating makita ang langit, pero gustuhin man nating lumabas ng bahay ay hindi puwede dahil sa umiiral na enhanced community quarantine.

Mabuti na lang at malaganap ang naaabot ng social media. Ang mga pamilyang magkakalayo ay nagkakabalitaan pa rin, nagkakausap na parang magkaharap lang, kung walang social media ngayon ay paano na?

Dati’y kulang na kulang ang ating panahon para maasikaso ang ating mga tahanan, pero ngayon ay parang kulang na ang ating gagawin, para lang tumakbo nang mabilis-bilis ang oras.

Ang isang napakapositibong ibinunga ng ECQ ay ang solidong pagsasama-sama ngayon ng magkakapamilya. Natupad ang pangarap ng mga anak na mas mahabang oras nilang makasama ang mga magulang nila.

Totoo ‘yun. Sa paghahanapbuhay ng mga magulang ay mas mahabang panahon ang inilalagi nila sa labas ng kanilang tahanan. Lumalaki ang kanilang mga anak nang hindi nila namamalayan.

Habang ikinaliligaya ng mga anak ang maghapong pagsasama nila ay meron namang nagtatagong tanong sa likod ng isip ng mga magulang, paano na ang bukas, kapag ganitong lockdown na tigil sa pagtatrabaho ang lahat?

May positibo at negatibong hatid ang malaganap na pag-atake ng COVID-19. Nakaaalarma pero mas kailangan nating pahalagahan ang mga magagandang nagaganap, bawal ang depresyon sa mga panahong ito, happy hormones lang tayo.

Mahal Na Araw naiba

Mahal Na Araw na. Lunes Santo na ngayon. Hindi lang ang ikot ng pang-araw-araw na­ting buhay ang naapektuhan ng lockdown.

Pati kultura ay binago na rin. Ang nakasanayang Pabasa ay ipinagbabawal na rin ngayon dahil sa social distancing. Lumaki at namulat tayo na kapag dumarating ang Mahal Na Araw ay laganap sa buong bansa ang Pasyon.

May mga naririnig pa rin kami, pero parang mangisa-ngisa na lang, napakalaki talaga ng binago ng corona virus na ito sa buong mundo.

At hindi lang naman sa Pilipinas nakatuon ang mga pagbabago, sa iba-ibang bansa man ay kailangang ihinto ang nakasanayan na nila, lalo na sa Amerika at Italya na araw-araw ay pataas nang pataas ang numero ng mga namamatay.

Isang pitik lang ito ng nagpabago sa ikot ng mundo. Harinawang sa lalong madaling panahon ay bumalik na sa normalidad ang ating buhay.

Kung sa isang pitik lang ay nagkaganito na ang ating buhay, sa isang kumpas lang ng Diyos ay     matutuldukan din agad ang mga kaganapang ito, sa Kanyang itinakdang panahon.

Puwedeng panlibro lovelife ni Kris may mga ‘ebidensiya’

Hindi kami nagtatapon ng mga luma naming teleponong hindi na nagagamit. Lumang-luma pa rin ang aming hawak hanggang ngayon, E52 na malapit na yatang mabura sa mundo ng teknolohiya, pero gumaganap pa rin naman hanggang ngayon.

Isang hapon, dahil sa pagkaburyong, ay binuksan namin ang mga nakatabi naming telepono. Natatawa kami sa mga mensaheng nandu’n, bidang-bida si Kris Aquino sa mga nababasa naming mensahe niya, ngayon lang namin mas napatunayan ang pagpapabagu-bago ng kanyang isip.

Kumpleto kami ng kanyang mga text messages mula sa paghihiwalay nila ni Phillip Salvador, ni Mayor Joey Marquez, ni dating Governor Mark Lapid hanggang sa makasaysa­yan nilang pahihiwalay ni James Yap.

Makapagsusulat pala kami ng libro na si Kris Aquino lang at ang kanyang mga nakarelasyon ang mga karakter sa istorya. Magulo, maintriga, makulay na parang bahaghari ang lovelife ni Kris.

Sa kanyang mga mensahe pa lang ay lumipas ang buong hapon namin, tawa kami nang tawa sa kanyang mga kalokahan, nag-iisa lang talaga si Kris Aquino!

Nabasa rin namin ang mga mensahe ng pagdedenay ng isang babaeng personalidad, pero ilang buwan lang pagkatapos ay pumutok din ang kuwento na totoong magkarelasyon nga sila ng may edad nang negosyante at nagkaanak pa nga sila.

Marami pa kaming babasahing text, nagsisimula pa lang kami, hawak ng kasaysayan ang kanilang nakaraan.

vuukle comment

KRIS AQUINO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with