Sarah and Matteo
Matteo at Sarah, ninanamnam ang lockdown
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - April 3, 2020 - 12:00am

Mabuti na lang at naunahan ng pagpapakasal nina Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo ang enhanced community quarantine.

Biruan nga ng marami ay mas matindi pa sa lockdown ang pinaiiral na paghihigpit ni Mommy Divine kay Sarah, kaya kung hindi sila nagpakasal nu’ng Pebrero ay paano na sila ngayong may ECQ, purnada ang pagkikita nila.

Sa kahit anong anggulo tingnan ngayon ang mga bagong kasal ay alam mong ninanamnam nila ang bawat minuto ng kanilang relasyon ngayon.

Napakaganda ng bukas ng mukha ni Sarah, lantaran namang magpakita ng emosyon si Matteo sa kanyang misis, napakaraming maligaya para sa kanila.

Si Sarah kasi ay maihahalintulad sa isang ibon na palaging nakakulong lang sa hawla. Masaya siya dahil natupad ang kanyang mga pangarap, nabigyan niya ng magandang buhay ang kanyang pamilya, pero ang personal niyang kaligayahan ang naisasakripisyo.

Tanging si Mommy Divine lang ang nakakaalam ng totoong dahilan kung bakit sa edad ngayon ng kanyang anak ay pinaghihigpitan pa rin nito.

Mabuti na lang at literal na mabait at masunuring anak si Sarah, wala tayong anumang salitang narinig mula sa kanya tungkol sa sobrang paghihigpit ni Mommy Divine sa kanya, ipinanganak na marespeto ang singer-actress.

Kung naging maluwag lang sana si Mommy Divine ay hindi na sana aabot pa sa palihim na pagpapakasal ang ginawa nina Matteo at Sarah. Isang kasalan sanang kumpleto sa mga miyembro ng dalawang pamilya ang pinagsaluhan nila.

Ang inaabangan ngayon ng kanilang mga tagasuporta ay ang pagkakaroon nila ng anak. May usap-usapan nu’n na nagdadalantao na raw si Sarah kaya nagpakasal na sila ni Matteo.

Pero walang katotohanan ‘yun, hindi pa “nakabuo” ang mag-asawa, ang pagkakaroon ng anak ay pinaniniwalaan nilang dalawa na nagaganap kapag kalooban na ng Panginoon.

“In His time,” madalas isagot ni Matteo sa mga nang-uusisa sa kanya kung malapit na ba silang magka-baby ng kanyang misis.

Mayor Enrico hindi pinalampas ang nanabotahe

Nu’ng Miyerkoles nang tanghali ay dumating ang mga pinagkakatiwalaang staff ni Mayor Enrico Roque sa aming bahay sa Valenzuela.

Hindi siya nakalilimot mangumusta sa aming mag-iina, kahit pa halos wala na siyang pahinga sa pag-iikot sa kanyang mga nasasakupan sa Pandi ay may nakalaan siyang panahon para alamin ang sitwasyon ng kanyang mga kaibigan, sa panahong ito ng enhanced community quarantine natin maihihiwalay ang mapagmahal at mapagmalasakit sa mga walang pakialam.

Maraming ipinadalang sari-saring gulay sa amin si Mayor Enrico. Meron ding mga de-lata. Nang tawagan namin siya para magpasalamat kami ay biniro namin ang mapusong mayor ng Pandi.

Sabi nami’y kinausap na namin si Mayor Rex Gatchalian, nagpaalam kaming lilipat na sa Pandi ang aming pamilya, dahil malingap siya sa kanyang mga kababayan.

Sa totoo lang, maraming tagapamuno ng mga bayan at barangay ang napakahirap matagpuan ngayon. Nagtatago sila, malalakas lang ang kanilang boses sa entablado de kampanya, pero kapag panahon na ng indulto ay mahirap na silang hagilapin.

Si Mayor Enrico Roque ay hindi lang mayor ng mga Pandieno sa panahon ng kasiyahan at halakhakan, mayor siya lalo na sa panahon ng kagipitan, nauunawaan ng kanyang pamilya kung bakit mas mahabang panahon ang ipinaglalagi niya sa piling ng kanyang mga kababayan.

Nagkamali ng atake ang isang barangay chairman ng Pandi sa pamamahagi ng luma at inuumok nang bigas sa kanyang mga nasasakupan. Hindi na raw ‘yun tatanggihan ng mahihirap, pasasalamatan na rin, dahil napakahirap ng buhay ngayon.

Nasaling nito ang pinakasensitibong bahagi ng pagkatao ni Mayor Enrico, huwag na huwag kakawawain ang maliliit, dahil bukod sa walang-wala na nga sila ay isandaang porsiyentong umiiral ang pagiging sensitibo nila sa mga ganitong panahon.

Para sa amin ay pananabotahe ang maaaring itawag sa mga pinuno ng barangay na nangmemenos ng mahihirap nating kababayan. Dalawa ang kanilang puntirya, ang literal na kawalan ng respeto sa mga nagdarahop, saka ang pagsira sa pangalan ng kanilang mayor.

Nagaganap ang mga ganu’ng pailalim na pagkilos, lalo na kung mas nakakiling sa ibang kampo ang barangay chairman, mabuti na lang at nakarating agad ang impormasyon kay Mayor Enrico Roque para hindi na pamarisan pa ng ibang barangay chairman.

MATTEO GUEDECELLI SARAH GERONIMO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with