Kapamilya at Kapuso, natibag ang pader sa ‘heal as one...’
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - March 28, 2020 - 12:00am

Kung ang COVID-19 ang naging dahilan ng pagiging parehas lang ng buhay ngayon ng mga mayayaman at mahihirap ay ang virus ding ito ang naging paraan para ang mga artista at singers na kabilang sa magkabilang network ay magkaisa.

Nakababawas ng tensiyon at takot ang ginawa nilang pagtatawid ng piyesa sa kani-kanilang mga tahanan dahil sa pinaiiral na enhanced community quarantine.

“We Heal As One” ang naging piyesang kinanta nila, komposisyon ni Maestro Ryan Cayabyab na binigyang-boses naman ni Lea Salonga, ginamit ang materyal sa nakaraang kumpetisyon ng palakasan.

Wala nang pader na nakapagitan ngayon sa mga personalidad ng GMA-7 at ABS-CBN, wala nang tanong kung saang istasyon ba sila nagseserbisyo, ginawa nila ang pakorus na pagkanta na sumasalamin sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bayan.

Alam naman natin na dati’y may mga kundisyones bago makapag-guest sa magkalabang istasyon ang kanilang mga artista at singers. Pumayag man ang pamunuan ng kani-kanilang network sa paglundag nila ng bakod ay siguradong may malalim na dahilan at pakiusap lamang ‘yun.

Pero ngayon, dahil sa mapamuksang mikrobyong lumilipol ng sangkatauhan sa buong mundo ay nagsama-sama sila para makapagtawid ng mensahe sa mga kababayan nating hinuhulagpusan na ng pag-asang makababangon pa tayo sa madilim na estadong ito ng ating buhay, we can heal as one ang mensahe ng komposisyon.

Nilulukuban na ng takot ang sambayanan, araw-araw ay nadadagdagan ang bilang ng mga pumapanaw sa halip na mabawasan, dahil sa COVID-19.

Mas nakararaming Pilipino ang sumusunod sa mga alituntu­ning pinaiiral ng DOH at ng ating pamahalaan, pero meron pa ring mga pasaway, na pinamunuan ni Senador Koko Pimentel.

Ito ang pinakahinog na panahon para makilala natin ang mga taong may malasakit at pagmamahal sa kanilang kapwa. Hindi lang ang personal nilang kaligtasan ang kanilang inaalala kundi pati ang buhay ng mas nakararami.

Du’n kinapos si Senador Koko na alam na alam nang meron itong dinaramdam na malaki ang posibilidad na positibo ito sa virus pero buong-ningning pang nag-ikot nang nag-ikot sa ospital at pamilihan.

Napakalayo ng senador na ito kumpara sa kanyang mga kasamahang sina Senador Migz Zubiri, Senador Sonny Angara, kahit ng mga nag-self quarantine na sina Senador Sherwin Gatchalian, Senador Bong Revila at dating Senador Bongbong Marcos na kinakabahan pa lang ay agaran nang sumunod sa labing-apat na araw ng quarantine.

Itong ex-bayaw ni Angel Locsin na parang walang pakialam sa mundo ay umawra pa nang umawra na parang modelo, ni hindi man lang nito inisip ang kapakanan ng mga kababayan nating nakakasalamuha nito, Cocovid nga talaga ang dapat itawag sa pasaway na mambabatas na ito.

Napakasarap pag­  masdan habang sama-samang kumakanta mula sa kani-kanilang tahanan ang mga posteng singers ng GMA-7 at ABS-CBN.

Mula sa kampo ng Kapuso ay nandu’n siyempre ang kanilang pambatong Pambansang Bae na si Alden Richards kasama sina Julie Anne San Jose, Mark Bautista, Christian Bautista, Ken Chan, Rita Daniela, Lani Misalucha, Pops Fernandez, Aicelle Santos at iba pa.

At mula naman sa Kapamilya network ay nagbigay ng panahon sina Martin Nievera, Gary Valenciano, Lea Salonga, Ogie Alcasid, Sarah Geronimo Guidicelli, Inigo Pascual, KZ Tandingan, Apl de Ap, Jed Madela, Bamboo at iba pa nilang mga kasamahan sa istasyon.

Sa ganitong mga panahon ay tinatanggal na natin ang tatak kung saang bakuran ba tayo kabilang. Wasak na ang pader na nakapagitan sa mga naglalabang network.

Ang pinakamahalaga ay mga Pilipino tayong nangangarap ng isang magandang bagong umaga sa bawat paggising natin.

Ang importante ay buhay na buhay ang ating paniniwala na hindi pababayaan ng Maykapal ang ating bansa. Lalaban tayo sa COVID-19 bilang iisang lahi.

At ang pinakamahalaga ay mapapanalunan natin ang matinding paghamong ito nang iisa. We will heal as one.

KAPAMILYA AT KAPUSO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with