_ngayon
^

PSN Showbiz

Virus ni Prince Charles, pinagtatakhan kung saan nanggaling

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
Virus ni Prince Charles, pinagtatakhan kung saan nanggaling

COVID-19 lang ang nakawasak sa pader na habampanahong nakapagitan sa mahihirap at mayayaman. ‘Yun lang ang salot na tinanggalan ng kapangyarihan ang mga nasa trono.

Sino ngayon ang mag-oopinyon na ang COVID-19 ay sakit lang ng mahihirap? Kapos kasi sa buhay, walang pambili ng gamot, magkakaumpukan kahit saan kaya nagkakahawahan.

Walang pinipiling estado sa buhay ang virus na nagpapahirap ngayon sa buong mundo. Wala itong mata para piliin lang kung sino ang dapat magdusa.

Si Prince Charles ng Inglatera ay napatunayang positibo rin sa COVID-19. Nakakaalarma nga na ang prinsipe pa ng tinamaan ng salot samantalang ang kanyang inang si Queen Elizabeth na nobenta’y tres anyos na ay maayos ang kalusugan.

Kung tutuusin ay hindi na nga nila kailangan pang pairalin ang social distancing dahil hindi naman agarang nakakapasok sa Buckingham Palace ang mga ordinaryong tao.

Palasyo lang ang nakikita sa labas na binabantayan ng mga Buckingham guards na pinagpaparetratuhan ng mga turista. Napakahigpit sa Palasyo.

Kung walang habilin ang kanilang Reyna ay hindi maaaring makapasok ang kahit sino sa Buckingham Palace.

Saan at kanino nahawa ng COVID-19 si Prince Charles? Saganang-sagana naman siya sa mabitaminang pagkain, napakalinis ng kanilang kapaligiran, maging ang kanyang misis na si Camilla ay nagtataka.

Mga Pinoy nurse sa Amerika, malapit na rin sa disgrasya

Sobrang alarmado na rin ang mga mamamayan ng Amerika, naturingan silang pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo, pero mahigit nang animnapu’t limang libong Puti ang positibo sa virus.

Mahigit na siyam na raang Amerikano na ang namamatay habang sinusulat namin ang kolum na ito kahapon. Ang may kahanginan nilang pangulo ay sinisisi na ng kanyang mga nasasakupan dahil puro daldal lang naman daw si Pangulong Donald Trump pero kapos na kapos naman sa aksiyon.

Dalawang pamangkin naming nagtatrabaho sa isang ospital sa San Francisco ang inilalagay rin sa sangkalan ang sarili nilang kaligtasan ngayon.

Napakalapit pa naman sa disgrasya ng kanilang trabaho sa osptial, si Rene de Leon ay nasa emergency room at ang kanyang misis namang si Roma ay nakadestino sa ICU, sa mga departamentong nabanggit nag-uumpisa at inilalagak para gamutin ang mga positibo sa pandemic corona virus.

May dalawa silang anak na babae na kapag na-expose sa maysakit ang kanilang mga magulang ay kailangan ding bantayang mabuti para sa kanilang kaligtasan.

Kasalu-saludo ang mga tulad nina Rene at Roma na dahil sa pagtupad sa kanilang tungkulin bilang mga nurses ay mas una pa rin para sa kanila ang pagseserbisyo kahit pa nakaumang sa alanganin ang kanilang buhay.

Mabuhay ang mga frontliners dito at sa iba-ibang bansa man na sa kabila ng delikadong sitwasyon ngayon sa buong mundo ay naglilingkod pa rin para sa kaligtasan ng kanilang kapwa.

Sen. Koko, cocovid ang bagong ‘pangalan’

Nagpositibo rin sa COVID-19 si Senador Koko Pimentel pero sa malas ay hindi niya kakampi ang bayan ngayon, sa halip na makisimpatya sa kanya ang marami ay puro pamba-bash pa ang inaabot ngayon ng mambabatas sa social media.

May bago nang tawag sa kanya ang mga bashers, Cocovid na, dahil sa pag-alma ng pamunuan ng Makati Medical Center na alam na pala niyang dinapuan siya ng virus ay nag-iikot pa silang mag-asawa sa ospital.

Pero sumangga agad ang senador, hindi raw niya gustong manghawa, nang magpunta raw siya sa MMC ay hindi niya pa alam na positibo na pala siya sa corona virus.

Isa lamang daw siyang amang sabik na sabik na sa panganganak ng kanyang misis kaya sinamahan niya ito sa ospital.

Hindi pinakinggan ng mas nakararami ang kanyang paliwanag, patuloy pa ring pinakakain ng ampalaya at pinaiinom ng apdo ngayon ng mga bashers si Senador Koko Pimentel, wala raw siyang malasakit sa kanyang mga kababayan.

Inuulit namin, walang pinipiling estado sa buhay at katungkulan ang COVID-19, patuloy pa ring tayong magdobleng ingat para lumakas ang ating resistensiya.

COVID-19 PRINCE CHARLES
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with