Willie hinahanap ang kinasanayan!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - March 26, 2020 - 12:00am

Anumang kinasanayan na ay hinahanap talaga ng ating sistema. Kung ano ang nakagawian na nating gawin ay hinahanap-hanap talaga ng ating katawan.

Ilang dekada nang nakasanayan ni Willie Revillame ang pagho-host ng isang programang hindi lang saya ang hatid sa ating mga kababayan.

Mula sa kanyang Wowowee sa ABS-CBN hanggang sa Willing-Willie sa TV5 at sa kanyang Wowowin ngayon ay bahagi na ng kanyang show ang pamamahagi ng mga biyaya sa ating mga kababayan.

Walang umuuwing luhaan sa programa ni Willie, kaligayahan na niyang makita ang ngiti ng mga tagasuporta niya, ‘yun ang pinakabalon ng kaligayahan para sa kanya.

Niyayakap siya ng matatanda, ganu’n na lang kung halikan siya ng mga bata, may kakaibang magnetong hawak si Willie sa publiko.

Bagsak-bangon ang kanyang buhay at karera, mas makulay pa nga sa bahaghari ang mga naganap sa kanyang biyahe, pero sa bandang huli ay palagi siyang itinatayo ng panahon.

Siya ang anak-anakan naming may siyam na buhay kung biruin namin. Binibilang namin ang mga paghamong naeengkuwentro niya at pagkatapos niyang malampasan ‘yun ay lagi naming sinasabi sa kanya na meron pang natitira na ikinahahalakhak niya.

Napakababaw ng kaligayahan ni Willie Revillame. Kung iimbitahan n’yo siya para sa isang masaganang tanghalian o hapunan ay huwag n’yo siyang ipaghahanda ng mga masarsang pagkain.

Bibigyan namin kayo ng tip. Hindi niya papansinin ang mga pagkaing pangmayaman. Palibhasa’y hindi naman siya ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig, napakasimple lang ng kanyang panlasa.

Ginaganahan siyang kumain kapag hinainan n’yo siya ng sinigang, karne man o isda, saka mga nilagang gulay na ang sawsawan niya ay buro.

‘Yun ang hinahanap ng kanyang panlasa, kung saan siya nasanay ay hindi niya iniiwanan, kahit pa milyonaryo na siya.

Hindi mapakali sa quarantine sa beach house

Inabutan si Willie ng enhanced community quarantine sa kanyang beach house sa Puerto Galera kasama ang kanyang production staff.

Hindi siya mapalagay, hindi siya mapakali, kung kailan nga naman matindi ang pangangailangang ayuda ng marami nating kababayan ay saka naman parang nabaldado siya.

Pero hindi pa rin niya ‘yun pinalampas, namahagi siya ng tulong sa mga kababayan nating Mangyan, ginawa niya ‘yun na may kakambal na respeto at pagpapaalam sa mayor ng lugar na nakasasakop sa kanyang beach house.

Napakaligaya ng mga katutubo ng Mindoro sa kagandahan ng kanyang puso. Hindi alam ng mga ito kung paano nila pasasalamatan ang personal na pagtulong sa kanila ni Willie.

Puro dasal lang ang maaari nilang ibalik sa TV host na pinangunahan pa ang pagre-repack ng mga produktong ipinamahagi niya sa mga Mangyan.

At sa isang pagkakataong meron na siya ng lahat-lahat ng materyal na bagay sa mundo ay panalangin ang kailangang-kailangan ni Willie.

Dasal na sana’y manatili siyang malusog at ligtas sa anumang kapahamakan, panalangin na sana’y magkaroon pa nang mahabang-mahabang ekstensiyon ang kanyang buhay, ‘yun ang regalong hindi niya maaaring mabili sa anumang tindahan.

Walang kalansing ang kanyang salapi para sa mga bagay-bagay na hindi nabibili, pero pinakamahalaga, lalong hindi hindi ‘yun nahihingi kundi kusang ipinagkakaloob bilang tugon sa kagandahan ng kanyang puso na nakikita ng kanyang kapwa.

Naturalesa na....

Isang kaibigan ang nagsabi sa amin na kayang-kaya raw naman kasing tumulong ni Willie dahil umaawas na ang kanyang kayamanan.

Sa kapasidad ay totoong-totoo ‘yun, sobra-sobra ang meron siya para maipangtulong sa kanyang kapwa, pero hindi naman lahat ng taong umaagos ang mga biyaya ay makagagawa ng ganu’n.

Nasa naturalesa pa rin ‘yun, nasa dikta ng puso, sadyang may mga taong tulad ni Willie na hindi maligaya kapag hawak lang niya ang mga biyayang patuloy na ipinagkakaloob ng Diyos sa kanya.

At napakahalagang pinagdaanan niya ang sobrang kahirapan na puro pangarap lang ang kakambal ng bawat paggising niya.

Ngayong natupad na ang lahat-lahat ng kanyang mga pangarap, ngayong nasa kanya na ang lahat ng mga materyal na bagay sa mundo, ang dikta ng kanyang puso ay ang makapagpaligaya at makatulong naman sa kanyang kapwa na pinalalaminan niya ng kung ano siya nu’ng bata pa siya.

WILLIE REVILLAME
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with