Sikat na personalidad nabawi na ang freedom
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - February 28, 2020 - 12:00am

Bumubuhos ngayon ang maraming kuwento tungkol sa matinding sakripisyong pinagdaanan ng isang sikat na female personality.

Hindi lang pala sa pera siya pinaghihigpitan ng kanyang ina, maging sa pakikipagkaibigan ay pinanghihimasukan din nito ang kanyang desisyon, isa talaga siyang bird in a golden cage.

Kuwento ng aming source, “Walang-wala siyang freedom, talagang hinawakan siya sa leeg ng mommy niya. Kung ano ang gusto niya, e, hindi puwedeng mangyari kung ayaw ng mother niya!

“Huwag na sa aspetong pampinansiyal, hindi naman kasi maluho ang girl, kung ano ang nand’yan, e, okey na sa kanya ‘yun! Wala siyang palag. Napakabait niyang anak,” umpisang kuwento ng napapailing naming impormante.

Hindi siya malayang nakasasama sa mga kaibigan niya, magpunta man siya sa isang okasyong hindi matatanggihan, nakabuntot ang kanyang ina.

Balik-komento ng aming source, “Wala siyang freedom na pumili ng mga kakaibiganin niya. Nakikialam du’n ang mother niya! Kapag may boyfriend ang personality at very open tungkol sa pakikipagrelasyon niya, e, hindi na ‘yun magiging kaibigan ng anak niya!

“Agad-agad, huhusgahan na ‘yun ng mommy niya! Hindi magandang influence daw para sa kanya ang mga babaeng ganu’n. Ayaw nga niya kasing makipagrelasyon ang anak niya, e!

“Kapag naramdaman ng mommy niya na matapang ang personality at marunong makipaglaban, no way din ang ganu’n sa mommy niya! Hindi pa rin magandang impluwensiya ang ganu’n!

“Kasi nga, e, baka mahawa ang anak niya, baka biglang marunong nang mangatwiran at lumaban! Ayaw niyang mangyari ang ganu’n!

“Kaya kapag gustong makipagkaibigan ng female personality sa mga kasamahan niyang artista, e, palihim na lang niyang ginagawa ang ganu’n.

“Hindi siya open sa mommy niya, kunwari, e, wala siyang mga friends! Napakahirap ng sitwasyon niya, hanggang sa pagpili ba naman ng mga kakaibiganin niya, e, pinakikialaman pa rin siya?

“Ganu’n katindi ang pinagdaanan niya, kaya kita n’yo naman, para siyang nakawala sa kural nu’ng finally, e, nakatakas na siya!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Mommy Divine may bagong pangalan na!

Ang galing-galing ng mga Pinoy sa paglalaro sa mga pangalan ng mga sikat na personalidad. Nakakambalan nila ng kung anu-anong salita ang mga pangalan.

Sa social media ay may bago nang tawag ngayon sa ina ni Sarah Geronimo. Ang tawag na sa kanya ngayon ay “Money Divine.”

Nag-ugat ang lahat sa salitang pera. Money. Dahil ang opinyon ngayon ng ating mga kababayan ay pera lang na iniaakyat ni Sarah sa kaban ng yaman ng kanyang pamilya ang habol ni Mommy Divine.

Sabi ng isang netizen, “Naku, Money Divine, tanggapin n’yo na lang po ang katotohanan na asawa na ni Matteo Guidicelli ang anak n’yo! Nalusutan kayo!”

Sabi naman ng isa pang nag-post, “Alam n’yo, Money Divine, kung naging open lang sana sa inyo ang anak n’yo, e, di hindi sana kayo nagmukhang gatecrasher sa kasal nila ni Matteo?”

Hanggang ngayon ay pinagpipistahan pa rin ng buong bayan ang naganap na pagpapakasal nina Matteo at Sarah. Starring the kontrabida siyempre na si Mommy Divine.

Sa bangko, ‘yun ang pinag-uusapan ng mga teller habang nagbibilang sila ng pera, sa palengke ay ang kontrobersiyal ding kasalan ang ikinukuda ng isang tindera habang tinitipak ang mga paninda nitong karne, isang napakahabang nobe­la para sa ating mga kababayan ang kasal nina Matteo at Sarah.

Siyempre’y palagi namang kinaiinisan ang mga kontrabida sa pelikula at serye, si Mommy Divine ang kinabubuwisitang karakter sa kasalan, bihirang-bihira ang nakaiintindi sa ina ni Sarah.

Nasaksihan kasi ng buong bayan ang pagsalang agad sa entablado ng teenstar pang si Sarah. Halos hindi nga yata siya nakapaglaro ng manyika. Hindi niya na-enjoy ang pagiging teenager niya dahil puro trabaho na ang kanyang inatupag.

At ‘yun ang dahilan kung bakit pinalitan na ng mas nakararami sa social media ang pangalan ng kanyang ina—Money Divine na.

FEMALE PERSONALITY MOMMY DIVINE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with