Aktor na nagpapaka-profound, kinalimutan ang mga naitulong ng binibirang kampo
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - February 14, 2020 - 12:00am

Sa isang panahon na ang akala ng mas nakararami ay ang lalaking personalidad na ito ang nagbubuo ng tulay sa pagitan ng mga naglalabang kampo ay maling-mali pala ang kanilang inaasahan.

Hindi pala siya nagtatayo ng tulay, sa kanyang mga pahayag ay ramdam na ramdam na pader pa pala ang kanyang binubuo, hinahanapan ng publiko ng loyalty ang male personality.

Kuwento ng isang source, “Nakakalungkot. Siya pa naman ang sinasabing puwedeng gumawa ng paraan para hindi na umabot pa sa sukdulan ang problema, pero hindi naman pala siya puwedeng asahan.

“Kitang-kita, ramdam na ramdam ang pagkampi niya sa isang panig, parang nilukuban siya ng amnesia, parang kinalimutan na niya ang napakalaking tulong na nagawa para sa kanya ng kabilang kampo,” malungkot na komento ng aming impormante.

At hindi lang siya ang talagang natulungan ng kampong parang nilalaglag pa niya ngayon, maging ang mga kapamilya niya, ang laki-laki ng utang na loob na dapat niyang lingunin sa kampong parang idinidiin pa niya ngayon.

Balik-komento ng aming source, “Nakakagulat ang mga pinagsasasabi niya! Sobra-sobra ang paniniwala niya sa taong kadikit niya ngayon!

“Ang pinakamaganda na lang sana niyang ginawa, para hindi siya bina-bash ngayon, e, ang nanahimik na lang siya! Nakapagitna siya sa dalawang nag-uumpugang kampo, kaya pananahimik na lang sana ang ginawa niya!

“Pero hindi, e! Meron pa siyang sinasabing mga rebelasyon na nakatakdang lumabas! Puro batas ang ipinipilit niya, puro batas, puro batas!

“Ano na ba ang nangyayari sa taong ‘yun? Nilamon na siya ng sistema! Nagpalamon na siya sa mga taong hindi naman palaging tama ang ginagawa!

“Natatakot ba siyang kumontra sa kampo ng parang sinasamba na niyang politician? Nakakalungkot ang mga pinaggagagawa niya ngayon!

“Hindi muna siya nag-iisip bago magsalita! Maling-mali ang iniisip nu’n ng iba na siya ang puwedeng magtulay sa mga nagbabanggaang kampo ngayon, siya pa pala kasi ang pader!

“Kunsabagay, sawsawero naman talaga ang male personality na ‘yun! Pabibo! Nagpapaka-profound pa siya, kiyemeng alam niya ang kasaysayan, magtigil na nga siya!” inis na inis na komento ng aming impormante.

Ubos!

Maraming magugutom senaryo sa pagpapasara ng ABS-CBN nakakakilabot

Dahil sa nakapangingilabot na senaryo ng pagpapasarado sa ABS-CBN ay maraming kuwentong nagbalik sa aming isip nu’ng nagseserbisyo pa kami sa network.

Kapag dumarating na ang araw ng suweldo ay may isang babaeng kinakatagpo ang mga em­pleyado ng istasyon sa may kanto ng Sgt. Esguerra.

Hawak ng naturang babae ang ATM cards ng mga empleyado. Kinukuha na nu’ng babae ang kanilang utang, ang sobra sa kanilang pagkakautang ang ibinibigay sa kanila, ganu’n ang senaryo tuwing adiyes at abeinte singko ng bawat buwan.

Dahil sa mga gastusin sa kanilang mga pamilya ay napipilitang mangutang sa mga usurero ang mga nagtatrabaho sa ABS-CBN. Hindi kasya ang kanilang sinasahod, lalo na kapag pasukan na sa eskuwela ng kanilang mga anak, kumakapit sila sa patalim ng pangungutang nang may tubo.

Ngayong may mga puwersang gigil na gigil na maipasara ang ABS-CBN ay naalala namin sila. Mahigit na sampung libong manggagawa ng istas­yon ang mawawalan ng trabaho kapag natupad ang kanilang kapritso.

Kung ‘yung sumusuweldo na nga sila ay hindi pa rin kasya sa kanilang mga pangangailangan ang sinasahod nila, paano pa kapag nawala ang bukal na pinagmumulan ng kanilang mga biyaya, ano na ang mangyayari sa kanila?

Saang kamay ng Diyos sila kukuha ng ipampapakain sa kanilang mga pamilya? Maraming magugutom, maraming batang mapagkakaitan ng edukasyon, maraming makikipagsuntukan sa buwan para lang sila mabuhay.

‘Yun ba ang pangitaing gustong masaksihan ng mga gigil na gigil na maipasarado ang ABS-CBN? Maaatim ba nilang makita ang mga batang nag-iiyakan dahil sa panghahapdi ng bituka dahil sa gutom?

Matindi rin ang epekto sa mga artista ng ABS-CBN sa nakakikilabot na senaryong ito. Pero meron sila, kahit paano’y nakapagtabi na sila sa pagdating ng tag-ulan sa kanilang karera, meron silang madudukot sa kanilang bulsa.

Isang pulitiko ang buong-ningning na nagsabing hindi lang daw ang ABS-CBN ang simula at wakas ng mundo. May buhay pa rin daw sa labas ng ABS-CBN.

Pero katulad ng mga kababayan nating nililigalig ng mga kalamidad, katulad ng mga nagiging biktima ng pagputok ng bulkan ay isa lang din ang magiging tanong ng mga nagtatrabaho sa ABS-CBN na mawawalan ng trabaho, gaano ba kadali ang muling pagbangon?

ABS-CBN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with