Singer-actress na magpapakasal sa ibang bansa, hindi sisiputin ng pamilya
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 21, 2020 - 12:00am

Hindi kayang itago ng isang pamosong singer-actress ang kalungkutang nararamdaman niya ngayon kahit pa nakikita siya ng publiko na humahalakhak.

Matindi ang pinagdadaanan ngayon ng popular na female personality, problemado siya, dahil mukhang hindi niya makukuha ang isandaang porisyentong basbas ng kanyang mga magulang sa bagong mundong papasukin niya.

Kuwento ng isang source, “Nakakaawa naman ang girl, akala pa naman natin, e, naplantsa na ang personal problem niya, pero hindi pa rin pala.

“May sarili siyang buhay, nagawa na niya ang lahat-lahat para sa pamilya niya, kaya hindi na dapat pang harangan ang personal niyang kaligayahan.

“Ano ba? Ano pa ba ang kulang sa mga sakripisyong ginawa niya para mapaganda lang ang buhay ng family nila? May kulang pa ba?” simulang reaksiyon ng aming impormante.

Sa ibang bansa gaganapin ang pagpapakasal nila ng kanyang karelasyong aktor, natural lang na dadayo sa bansang ‘yun ang mga bahagi ng kasalan, pati ang kanilang mga kaibigan.

Patuloy ng nalulungkot na source, “Hindi kasi pupunta sa kasal nila ang parents niya. Natural, matinding lungkot ang hatid nu’n para sa singer-actress.

“Napakahalaga nga naman kasi ng celebration na ‘yun, minsan lang namang magaganap sa buhay niya ang pagpapakasal, pero hindi pa pala niya makakasama ang parents niya.

“Nandu’n man ang mga friends nila at ang family ng mapapangasawa niya, e, hindi pa rin magi­ging kumpleto ang happiness ng girl! Kaya kahit pa tumatawa siya ngayon, e, hindi pa rin niya maitatago ang sobrang lungkot niya.

“Mabuti na lang at wala silang iwanan ng boyfriend niya. Matiyaga ang guy, ha? Sa kabila ng mga naranasan niya sa parents ng girl nu’ng nanliligaw pa lang siya, e, hindi siya natakot at umurong!

“Ganu’n niya kamahal ang girl at ganu’n din naman siya kamahal ng girlfriend niya na ramdam na ramdam ang mga paghihirap na pinagdaanan niya!

“Hay, naku naman, ano pa ba ang kailangang gawin ng girl para lang makumpleto ang kaligayahan niya? Hindi pa ba enough ang mga ginagawa niya para sa pamilya niya?” napapailing na lang na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

PI ni Kathryn parang kay Claudine lang

Tao lang ang mga artista, sikat man o nagsisimula pa lang, na nagugulat, natatakot, nagagalit, natutuwa. Hindi sila naiiba sa mga taong hindi humaharap sa mga camera.

May mga namba-bash ngayon kay Kathryn Bernardo dahil sa hindi niya naman sadyang pagbibitiw ng salitang PI sa isang vlog nu’ng malapit na siyang madulas sa malaking bloke ng yelo.

Nagulat ang dalaga, natural lang na reaksiyon ang pagsasabi ng PI, dahil sa sobrang pagkagulat. Pero minasama ‘yun ng mga taong mapanghusga, hindi raw siya magandang ehemplo sa mga kabataan, dahil nagmumura siya.

Naaalala namin si Claudine Barretto sa isang episode ng ASAP. Glamorosong-glamorosong naglalakad ang aktres sa entablado, pero nasilat ang kanyang paa, kaya isang pagkalakas-lakas na “Ay, putang-ina!” ang kanyang naging reaksiyon.

Hindi ‘yun sinasadya ni Claudine, natural na reaksiyon lang ang mapamura, lalo na’t malapit na talaga itong mahulog sa entablado.

Ganu’n din ang naganap kay Kathryn, malapit na siyang madulas-bumagsak, kaya natural lang ang mapamura ang kahit sino sa ganu’ng pagkakataon.

Saka sige, sino ba ang hindi napapamura kapag nagugulat, nagagalit at malapit nang malagay sa aksidente? Dalawa-singko na lang ngayon ang pagmumura.

Kapag nabubuwisit ang mga motorista sa matinding trapik ay ano ba ang kanilang nabibitiwang salit a, di ba’t PI rin?

Walang nakaliligtas sa pagmumura, hinihinging reaksiyon ang ganu’n sa pagkagulat, pero ang seryosong pagmumura ay hindi dapat kinukunsinti.

Lagi nating iisipin na ang mga tinitiliang artista ay napapatili rin kapag nanonood ng mga pelikulang katatakutan.

Sumasakit din ang kanilang ulo, ngipin at katawan, hindi sila bukod na pinagpala na hindi nakakaramdam ng natural na nararamdaman ng mga ordinaryong tao, hindi sila imortal.

ATHRYN BERNARDO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with