Bokalistang sobrang attitude nag-perform na mga lamesa at upuan lang ang audience
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 15, 2020 - 12:00am

Sumikat nang todo ang isang musikero. Kinabaliwan siya nu’n ng mga kabataan. Pati uhuging bata ay kayang-kayang kantahin ang kanyang mga piyesa.

Ganu’n katindi ang popularidad na inabot ng musikero at ng kanyang banda. Mataas ang kanilang talent fee, kung wala rin lang malaking budget ang kumukuha sa kanilang serbisyo, siguradong bigo ang mga humihiling na mapanood sila.

Maraming kuwento tungkol sa musikerong may sariling mundo. Nu’ng kanyang kasikatan ay piling-pili lang ang kanyang kinakausap.

Kuwento ng isang source, “Kahit ang mga kasamahan niya sa banda, e, hindi siya puwedeng basta na lang kausapin. Parang by appointment ang pakikipag-usap sa kanya.

“Kapag ayaw niyang magsalita, walang makapipilit sa kanya. Kung ano ang gusto niya, e, ‘yun ang kailangang mang­yari, kahit pa kontra ang mga kabanda niya.

“Ganu’n siya katindi! Talagang hari siya ng kanyang sarili. Kung ano ang trip niya, e, ‘yun na ‘yun!” unang kuwento ng aming impormante.

May ipagyayabang naman kasi ang musikero, markado ang halos lahat ng kanyang mga piyesa, ginagawa pa ngang titulo ‘yun ng pelikula.

“Nu’ng minsan, e, tumanggap sila ng show sa isang hindi naman kalakihang venue. Intimate lang ang show, magkakabarkada lang ang kumuha sa banda nila.

“Alas nuwebe ang start ng show, pero kahit anino ng bokalista, e, wala pa sa paligid ng lugar. Naiinip na ang manonood ng show, inaantok na nga ang iba, pero parang walang pakialam ang musikero!

“Heto na. Dumating na siya sa venue, pero ayaw pa niyang bumaba sa van niya. Sinusundo na siya ng coordinator, pero wala pa rin siyang keber.

“Ewan naman kung ano pa ang ginagawa niya sa van, samantalang alam niya namang gabing-gabi na, wala sa usapan nila ng coordinator na hatinggabi na pala silang sasampa sa entablado!

“Sa inis ng mga nandu’n, e, nag-alisan na sila, galit na galit, napaka-unprofessional daw kasi ng bokalista! Hindi pumayag ang producer na hindi sila mag-show!

“Idedemanda sila kapag hindi sila tumugtog! Ayun, nag-perform ang maangas na bokalista na puro upuan at mesa na lang ang audience nila dahil nilayasan na sila ng manonood!

“Hay, naku! Ibang klase nga ang trip ng musikerong ‘yun na ang apelyido, e, isang napakaabalang lugar sa Makati!” nakataas ang kilay na kuwentong pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Liza ibang klase ang ganda sa Make It...

Kung nakapagsasalita lang ang remote control, siguro’y marunong na ring magmura ang aparato, dahil sa pagtatapat ng magagandang serye ng GMA-7 at ABS-CBN.

Magkatapat ngayon ng oras ang The Gift ni Alden Richards at ang bagong serye ng LizQuen na Make It With You.

May simpleng paraan para parehong hindi makalusot sa ating paningin ang dalawang serye, panoorin ang isa sa takdang oras, saka i-tape naman ang isa pa.

Gusto naming makita ang kagandahan ng Croatia kaya ang serye nina Liza Soberano at Enrique Gil ang aming tinutukan habang itine-tape naman ng aming kasambahay ang The Gift ng Pambansang Bae.

Sa unang kuwadro pa lang ng serye ng LizQuen ay naalala namin agad ang ilang eksena sa Milan nina Piolo Pascual at Claudine Barretto.

Ganu’n ang tema, pumasok sa Italy si Piolo sa pamamagitan ng baklas-passport, nakipaghabulan ito sa mga unipormadong Immigration officers, hanggang sa tuluyan nang nakapasok sa bansa na ilegal ang passport, tulad din ni Enrique.

Magaling umarte si Enrique, kinarir ng aktor ang mga eksena, pero walang kasingganda si Liza Soberano sa maraming eksenang nagpapabagu-bago siya ng anyo at gayak para sa kanyang panloloko sa mga porenero.

Mapang-imbitang subaybayan ang serye, lalo na’t bago sa ating paningin ang Croatia, mabilis din ang kanyang mga eksena.

Sa The Gift naman ay patuloy pa rin ang pagpapahirap ng pamilya ni Martin del Rosario kay Alden, si Jean Garcia lang ang kumokontra dahil anak nga nito si Sep, maganda ang daloy ng kuwento na mas umiinit pa ngayon.

Pahirap sa mga manonood na walang gustong palampasin ang pagtatapat ng The Gift at Make It With You, pero salamat sa teknolohiya, wala tayong naitatapong pagkakataon.

LIZA SOBERANO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with