MMFF hindi nakaabot sa target
ISYU AT BANAT - Ed de Leon (Pilipino Star Ngayon) - January 10, 2020 - 12:00am

Ano man ang sabihin ng Metro Manila Film Festival na kaunti lang ang kulang sa kanilang target na kita sa 2019, maliwanag na hindi pa rin nila naabot ang target. Maliwanag din na kundi dahil sa mga pelikulang ang tingin nila ay walang kuwenta, walang kinita ang festival nila. Ipinagmamalaki nilang “unquestionable” ang credentials ng kanilang board of jurors, pero ang desisyon ng mga iyon ay hindi tanggap ng publiko.

Wala rin naman silang bagong nasabi nang ilabas nila ang kanilang final report. Iyong gross ng mga pelikula, matagal nang alam ng lahat iyan, mas comprehensive pa ang mga naunang inilabas dahil nakalabas ang ranking at reported figures ng walong pelikula, hindi ‘yung ranking ng apat na pelikula lang.

Aminin man nila o hindi, maraming kailangang baguhin diyan sa MMFF. Kailan ba matatapos ang kanilang ilusyon at tatanggapin ang katotohanang ang MMFF ay isang trade festival? Taun-taon naman ganyan ang nangyayari. Iyong sinasabi nilang mga pelikulang mas inferior ang kumikita, kasi iyon ang gusto ng publiko.

Hindi ba minsan sinubukan nila na puro pelikulang gusto nila ang inilabas nila, hindi ba naging flop ang festival kaya ibinalik nila sa dating sistema? Iyong mga ni-reject nila inilabas bago ang festival at kumita pa nang mas malaki kaysa sa festival, at nang ipalabas nila nung panahon ng Pasko ang mga napili nila, hindi kumita at walang pumansin sa mga pelikula sa MMFF.

Walang mangyayari kung lagi na lang nilang sasalungatin kung ano ang gusto ng publiko. In the end sila rin naman ang laging talo.

Tingnan ninyo ngayon, pinagtatawanan sila dahil ang mga pelikulang nanalo ng award ang siyang mga balolang sa takilya.

Masakit tanggapin, pero aminin naman natin na may mga pelikula silang isinali na kung hindi nga lamang festival at obligado ang mga sinehan na ilabas ang mga iyon ay hindi makakakuha ng mga malalaking sinehan, o makakapasok man lang sa mga sinehan sa mga mall.

Juday nakaka-tatlo pa lang na flop

In fairness kay Judy Ann Santos, mali naman iyong nagsasabing siya ang “flopsina queen”. Hindi dahil tagilid ang pelikula niya sa MMFF, na sinasabing kumita lang ng 20 milyon ang pelikula niyang Mindanao sa loob ng sampung araw, sasabihin na agad na flopsina queen siya.

Kung titingnan ninyo ang record ni Juday, mas marami naman siyang pelikulang ginawang box office hits. At bago itong sinasabing “makabuluhang” pelikula na ginawa niya. Nakakatatlong flop pa lang naman si Juday. Ang Ploning, Kusina, at ngayon nga ay ang Mindanao at lahat iyan ay indie.

Ang inaayawan ng mga tao ay hindi si Juday kundi iyong mga pelikulang indie, na aywan nga ba kung bakit hindi talaga matanggap ng publiko.

Record producer na nag-iilusyong maging singer inuuna ang bisyo

Halos magmakaawa na raw ang isang baguhang record producer na pagbigyan naman ng mga distributors ang kanyang mga ginawang kanta, pero ang masakit, madalas siyang sinasabihang “mag-artista ka na lang kasi”.

Bilang artista kasi sumikat din naman siya kahit na papaano. Pero iyong musika niya, talagang hindi nabebenta, wala ring nagda-download. Obviously  walang nagkakagusto sa tipo ng music niya, sila-sila lamang.

Kawawa naman dahil nagsisikap siya, kaya lang hindi muna pinag-isipan nang husto kung ano ang dapat sana ay pinagsikapan niya. Kung ang inuuna ba naman niya ay alisin ang bisyo eh, ‘di ok pa.

METRO MANILA FILM FESTIVAL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with